SIM Card Registration at iba pang pakana ng malawakang paniniktik

Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishHiligaynonBisaya

Pambungad

Nilagdaan ni Ferdinand Marcos Jr ang batas sa SIM Card Registration noong Oktubre 2022. Ito ang unang batas ni Marcos at patunay ng pagbibigay niya ng prayoridad na palakasin ang makinarya ng reaksyunaryong estado para sa malawakang pagmamanman sa mamamayan (state mass surveillance). Binubura ng batas na ito ang mga proteksyon sa pribasiya at anonimidad sa telekomunikasyon at pinahihina ang karapatan ng mamamayan sa ligtas na pakikipag-ugnayan. Isinasapanganib nito ang saligang mga karapatan sa malayang pag-iisip, pagkakaroon ng opinyon at pagpapapahayag ng mga saloobin, gayundin ang pagkakaroon ng malayang pamamahayag (free press) at malayang asosasyon.

Mula’t sapul, tutol ang mga tagapagtanggol sa karapatang-tao, digital rights, mamamahayag at mga progresibo sa pwersahang pagpaparehistro ng SIM card. Batid nila na gagamitin lamang ito para higit na pakitirin ang dati nang maliliit na espasyong demokratiko. Magiging bahagi ito ng arsenal sa paniktik at pagmamanman ng estado para marahas na supilin ang mga indibidwal, organisasyon at kilusang masa na nakikibaka para sa kanilang mga karapatan at kagalingan at aktibong nakikipaglaban para baguhin ang kasalukuyang sistema. Dagdag dito, tuluyan nitong ipagkakait sa malaking tipak ng populasyon ang serbisyong telekomunikasyon, laluna sa masang anakpawis na dati nang hirap, kung meron mang akses, sa serbisyong ito.

Sa gayon, mahalaga para sa mamamayang Pilipino, laluna ng masang anakpawis, na labanan hindi lamang ang pwersahang pagpaparehistro ng mga SIM card, kundi pati ang iba pang atake ng estado sa pribasiya at anonimidad. Kailangang ilantad ang mga hakbang na ito bilang bahagi ng pagpupundar ng isang estadong paniktik o surveillance state. Ang paglaban dito ay karugtong sa paglaban para sa mga karapatang demokratiko na ngayon pa lamang ay pilit nang binubura ng estado. Maraming pagkakataong ang karapatan sa pribasiya at anonimidad na lamang ang natitirang proteksyon ng mamamayan laban sa marahas na tugon ng reaksyon.

I. Ano ang SIM Card Registration
at anu-ano ang epekto nito sa mga karapatan ng mamamayan?

Naisabatas ang SIM Card Registration Act o Republic Act 11934 noong Oktubre 10, 2022 nang pirmahan ito ni Ferdinand Marcos Jr. Ipatutupad ang batas simula sa Disyembre 27, 2022. Sa bisa nito, oobligahin nang ipakita ang ID o iba pang dokumento ng pagkakakilanlan para makabili ng SIM card. Ang mga SIM card naman na ginagamit na ay kailangang iparehistro sa loob ng 180 araw. Sa pagpaparehistro, kakailangangin magbigay ng personal na impormasyon tulad ng pangalan, kumpletong address, kasarian at petsa ng kaarawan. Obligado ring magpakita ng balidong ID na mayroong litrato. Sa esensya, ikakabit sa SIM card ang identidad at buhay ng gumagamit nito.

Ang lahat ng impormasyong ito ay hahawakan ng mga kumpanya sa telekomunikasyon at isusumite sa National Telecommunications Commission (NTC), kasama na ang mga pangalan at iba pang detalye ng lahat ng otorisadong nagbebenta at ahente ng SIM card kada kwarto ng taon.

Ang sinumang lalabag sa mga rekisitong ito ay mayroong karampatang parusa. Maaaring pagmultahin ng ₱100,000 hanggang ₱4 milyon at ikukulong nang mula anim na buwan hanggang dalawang taon.

Di sagot sa cybercrime

Para ipatanggap ang batas at ikubli ang tunay na pakay nito, pinalalabas na ang layunin nito ay pigilan ang mga kriminal sa likod ng mga text scam, phishing at pagnanakaw ng identidad at iba pang mga cybercrime.

Ang totoo, napatunayan nang hindi epektibo ang pagpaparehistro ng SIM card para sugpuin ang mga cybercrime. Sa isang pag-aaral ng Global System for Mobile Communications noong Abril 2021, napag-alamang walang nakikitang bentahe laban sa cybercrime ang batas sa 157 bansang nagpatupad dito. Ang Global System for Mobile Communications ay isang organisasyon ng 750 mobile operators sa mundo.

Sa Mexico, ibinasura ang katulad na batas matapos lamang ng tatlong taon dahil wala itong idinulot na makabuluhang epekto sa pagpigil, imbestigasyon at pagparusa sa mga krimeng may kaugnayan sa cybercommunications. Sa Pakistan, lalo lamang pinalakas ng kaparehong batas ang ‘black market’ o iligal na bentahan ng mga rehistradong SIM card at pagdami ng kaso ng pagnanakaw ng identidad.

Sa Indonesia, naibalita noon lamang Setyembre na hindi napigilan ang mga krimen, bagkos naging kaakit-akit na target ang pinaglagakan ng impormasyong nakalap sa kanilang SIM card registration. Nakompromiso ang detalye ng 1.3 bilyong SIM card. Hindi rin ito naipasa sa Canada, Czech Republic, Ireland at The Netherlands dahil sa seryosong mga usapin kaugnay sa pribasiya ng mamamayan.

Sa Pilipinas, kabalintunaan na ginagamit ng estado ang dahilang “paglaban sa cybercrime” gayong kabilang sa mismong mga pwersa nito ang gumagawa ng mga krimen sa cyberspace. Noong 2021, iniulat ng Qurium Media at kinumpirma ng CERT-PH na sangkot ang Armed Forces of the Philippines at Department of Science and Technology sa mga atakeng DDoS sa mga website ng alternatibong midya. Paulit-ulit na inaatake ng mga ito ang website ng PKP, at maging ang mga website ng tradisyunal na midya.

Gayundin, ang pinakamararahas na “troll” sa social media na nagpapakana ng mga pambabanta at pambabastos ay yaong pinopondohan ng gubyerno. Pinakamatinding tagapagkalat ng disimpormasyon, misimpormasyon, pangte-terror-tag at pangre-red-tag ang AFP at PNP, katuwang ang NTF-Elcac at mga bayaran nito.

Mas malala pa, direktang pinagbabantaan ng pulis at AFP ang mga aktibista at progresibo sa pamamagitan ng teks gamit ang iligal na nililikom nitong mga numero sa selpon. Noong nagdaang eleksyon, ginamit ng nanalong kampo ang mga numerong ito para magkalat ng kasinungalingan laban sa oposisyon.
Sa halip na pahigpitin ang mga batas at patakaran para bigyang-proteksyon ang karapatan sa pribasiya at anonimidad ng mga tao, bilang pagtatanggol sa cybercrime, lalo pa itong binabaklas ng estado sa layuning palakasin ang kapasidad nito sa malawakang pagmamanman sa mamamayan.

Diskriminasyon at pahirap sa masang anakpawis

Milyun-milyong Pilipino ang mawawalan ng akses sa madali at mabilis na komunikasyon kung ipatutupad ang sapilitang pagpaparehistro ng SIM card. Noong 2018, tinatayang nasa 71 milyong subscriber ng Globe at 58 milyon subscriber ng Smart ay prepaid user o gumagamit ng mga SIM card na di rehistrado. Malaking mayorya sila sa kabuuang subscriber ng Globe na 74 milyon at ng Smart na 60 milyon. Oras na i-deactivate ang mga di rehistrado nilang SIM, hindi magiging madali sa kanila na ipa-reactivate ang serbisyo. Liban sa perwisyo at dagdag gastos, masalimuot ang proseso ng pagpaparehistro.

Pahihirapan din nito ang pagbili ng bagong SIM, dahil liban sa kumplikadong pagpaparehistro, kailangang magpresenta ng balidong ID ang mga bibili. Magiging limitado ang lokasyon kung saan mabibili ang mga SIM card. Kung ngayon ay mahirap nang humagilap ng SIM sa kanayunan, lalupa kung hihigpitan ng estado ang mga otorisadong ahente at tindahang na kadalasa’y nakapwesto sa mga sentrong bayan kung saan may sapat na pasilidad para sa beripikasyon ng mga isusumiteng identipikasyon.

Sa pag-aaral sa karanasan sa Africa, napatunayan na pinatindi ng SIM card registration ang diskriminasyon at “pagkakait” (exclusion) sa malalaking bahagi ng populasyon na kulang ang pondo at malalayo sa mga sentrong lunsod para makapagparehistro. Iniulat ng Privacy International, isang grupong nakatuon sa karapatan sa pribasiya, isang milyong mamamayan sa South Africa ang naputulan ng komunikasyon dahil hirap silang irehistro ang ginagamit na nilang pre-paid SIM. Sa Zimbabwe, umabot sa 2 milyon at sa Kenya, 1.2 milyon, ang nawalan ng akses sa serbisyong telekomunikasyon, at kaakibat nitong ugnayan at impormasyon.

Labag sa mga karapatan

Labag sa karapatan sa pribadong komunikasyon ang rekisitong pagbubulgar ng mga personal na detalye sa estado at mga pribadong entidad. Magiging mas madali pa para sa estado at malalaking pribadong korporasyon na kunin, ipunin at gamitin ang personal na detalye ng lahat ng gumagamit ng internet at selpon. Kabilang dito ang mga mensahe sa text at social media, pati na ang lokasyon gamit ang geo-tagging, at iba pang impormasyon na nakalagak sa selpon. Ang ganitong impormasyon ay ginagamit sa profiling kapwa para sa pagtarget ng panunupil at mga komersyal na patalastas.

Sa pagtatanggal ng anonimidad sa telekomunikasyon mapipigilan ang mamamayan na magpahayag ng saloobin o opinyon na taliwas o kritikal sa estado o mga makapangyarihan. Mas delikado ito sa mga lugar at sitwasyong pinaghaharian ng mga pulis at militar.

Paiiralin ng SIM card registration ang kultura ng takot at pananahimik. Padadaliin nito ang paglarga ng korapsyon sa gubyerno, krimen ng mga pulis at militar, paglabag sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas, pang-aabuso sa kumpanya, pangwawasak sa kalikasan at iba pang maling gawain at krimen ng mga abusadong makapangyarihan. Ito ay dahil mangingibabaw ang pagdadalawang-isip ng mga tao na mag-ulat ng kabulastugan, kabilang yaong mga biktima ng pag-abuso, gayong alam nilang maaari silang matunton na pinanggalingan ng impormasyon at gayo’y pwedeng gantihan.

II. Ano ang karapatan sa pribasiya
at bakit ito dapat ipagtanggol?

Ang pribasiya ay isang karapatang-tao na pumapatungkol sa karapatan ng isang indibidwal o grupo na piliin kung kanino lamang ipapahayag o ibabahagi ang kanilang personal at pang-indibidwal na impormasyon. Mahalaga ito sa pangangalaga sa dignidad ng tao at nagsisilbing pundasyon ng iba pang mga karapatan.

Sa Universal Declaration of Human Rights, nakapailalim ang karapatan ng pribasiya sa Artikulo 12 na nagsasabing: “Walang sinuman ang maaaring ipailalim sa arbitraryong panghihimasok sa kanyang pribasiya, pamilya, tahanan o pakikipagtalastasan, o maging pag-atake sa kanyang dangal at reputasyon. Ang lahat ay mayroong karapatang mapangalagaan ng batas laban sa gayong panghihimasok o atake.”

Ganito rin sa esensya ang nakasaad sa Artikulo 1 ng International Covenant on Civil and Political Rights ng 1966.

Saklaw ng karapatan sa pribasiya ang pangangalaga sa personal na mga datos na pumapatungkol sa istatus ng kalusugan, pinansya, kasarian, ligal na katayuan, paninindigang pampulitika at iba pa. Pinangangalagaan nito ang mga indibidwal laban sa diskriminasyon, posibilidad ng mga hate crime at pampulitikang panggigipit.

Isang larangan ng paglaban ang pangangalaga ng online privacy o pribasiya sa internet at kanilang mga datos na inilalagak dito (halimbawa nito ang mga post, larawan at bidyo sa Facebook at Twitter, at aktibidad sa pag-search sa Google). Masaklaw ding larangan ang paglaban sa sarbeylans at paglilikom ng datos ng malalaking kumpanya sa internet sa mga gumagamit sa kanilang serbisyo. Sa ngayon, isinusulong ng mga aktibista para sa digital rights ang paglimita sa kapangyarihan ng mga kumpanyang ito na maglikom ng gayong datos, at karapatan ng mga indibidwal na pangalagaan ang kanilang pribasiya at “makalimutan” o ipabura, kung kanilang naisin, ang lahat ng impormasyon tungkol sa kanila.

Nakasalalay sa pribasiya ang batayang mga karapatan ng mamamayan tulad ng malayang pag-iisip, paniniwala, pagpapahayag at pamamahayag. Lalong mahalaga na naigigiit nila ang mga karapatang ito sa panahong namamayagpag ang kultura ng kawalang-pakundangan (culture of impunity). Krusyal ang pangangalaga sa pribasiya at anonimidad sa panahong ang simpleng komento laban sa nakaupong naghaharing pangkatin ay maaring gamiting dahilan ng pagtugis ng estado.

Mayroong tipo ng pribasiya na nais lamang magkubli ng pagkakakilanlan ngunit hindi ng kanilang aksyon. Tinatawag itong anonimidad. Mayroong likas na karapatan ang sinuman sa anonimidad katulad ng karapatan sa pribasiya. Hindi maaaring pilitin ng sinuman na ipabatid ang pagkakakilanlan ng indibidwal o grupo na lumikha ng aksyon kung hindi nila gusto.

Krusyal ang anonimidad laluna sa mga mapaniil na lipunan tulad sa Pilipinas dahil ito lamang halos ang nagbibigay-proteksyon sa mga whistleblower o mga taong nagbubunyag ng mga sikreto ng mga gubyerno at mga ahensya nito, gayundin ng dambuhalang mga kumpanya, na nakapipinsala sa publiko. Aplikable ito sa kahit sinong pinanggagalingan ng balita o paninindigan na handang magsiwalat ng katotohanan pero hindi handang magpakilala sa publiko. Protektado din ng anonimidad ang kaugnayan nila sa mga mamamahayag, tagapagtanggol ng karapatang-tao, at mga nasa oposisyon.

Liban dito, may mga komunikasyong tinatawag na “privileged communications” o talastasan sa pagitan lamang ng dalawang panig. Kabilang dito ang “protektadong ugnayan” katulad ng talastasan o usapan sa pagitan ng isang abugado at kanyang kliyente, gayundin ang komunikasyon sa pagitan ng isang duktor o manggagawang pangkalusugan at kanyang pasyente.

III. Ibang mga batas sa paniktik
at pagmamanman na lumalabag
sa karapatan sa pribasiya

Bago pa ang SIM Card Registration Act, ipinatutupad na ng estado ang iba’t ibang patakaran at batas na may layunin sa malawakang paniniktik at pagmamanman laban sa mamamayan.

A. National ID System

Tulad ng SIM Card Registration, ang National ID System ay pwersahang pagpaparehistro ng lahat ng mga Pilipino sa makinarya ng estado. Isinabatas ito noong August 6, 2018, na ang kunwang layunin ay pag-isahin ang lahat ng mga ID o identification card na gagamitin ng bawat indibidwal. Irerekord ng naturang sistema kung saan, paano at kailan ginamit ang ID, kapwa sa mga transaksyong pampubliko at pribado. Magiging isa itong tracker para taluntunin at manmanan ang bawat aktibidad ng isang indibidwal sa lahat ng panahon. Makakalap ng sistema ang maraming impormasyong personal, sensitibo at behavioral (datos na nagpapahiwatig sa ugali o gawi) ng mga tao.

B. Cybercrime Prevention Act

Isinabatas ang Cybercrime Prevention Act noong Setyembre 2012. Ikinukubli sa likod ng pangalan nito ang tahasang paglabag sa karapatan sa pribasiya at maging sa kalayaan sa pamamahayag. Isa itong notoryus na batas na nagkikriminalisa sa cyberlibel at iba pang krimen sa internet.

Isa sa pinakamapapanganib na probisyon nito ang pagbibigay ng kapangyarihan sa estado sa pagkulekta at pag-imbak nang hanggang anim na buwan ng mga text, tawag, at iba pang datos ng mga gumagamit ng serbisyong pangtelekomunikasyon (tulad sa cellphone). Maaari itong maakses at mabusisi ng mga ahensya ng gubyerno sa pamamagitan ng utos ng korte.

Binigyang laya rin nito ang estado na magsamsam at mag-eksamen ng datos sa kompyuter at magsagawa ng real-time na koleksyon ng data traffic para sa imbestigasyon. Inatasan din nito ang mga kumpanya sa internet na mag-imbak ng anim na buwang datos sa internet traffic at isang taong nilalaman ng paggamit ng mga subscriber nito.

C. Anti-Terrorism Law

Ang mala-halimaw na batas na Anti-Terrorism Law, na isinabatas noong Hulyo 2020, ay mayroong partikular na probisyong (Section 16) pumapatungkol at nagpapahintulot sa paniniktik sa mamamayan. Sa pagpayag ng Court of Appeals, maaaring mag-wiretap, maniktik, mangharang, o magrekord ng pribadong komunikasyon ng isang tinaguriang terorista o kinasuhan ng terorismo. Maaari ding pilitin ang mga kumpanya sa telekomunikasyon at internet na magsiwalat ng impormasyon at pagkakakilanlan at kanilang mga rekord.

D. Data Privacy Act

Noong 2012, isinabatas ng gubyerno ang Data Privacy Act noong 2012 para umano “protektahan ang pundamental na karapatang-tao sa pribasiya.” Gayunpaman, wala itong ngipin at nanatiling walang silbi mula nang ilabas ang IRR nito noong Setyembre 9, 2016. Hanggang ngayon, walang katiyakan kung ano ang kakayahan nito sa pangangalaga sa karapatan sa pribasiya ng mamamayan.

Sa kabila ng pag-iral nito, naganap ang malulubhang kaso kung saan hindi napangalagaan ang pribadong mga detalye ng mamamayan. Isa rito ang ComeLeaks (Comelec Leaks) noong 2016, kung saan inatake ang sistema sa pagrerehistro sa pagboto at nakompromiso ang milyun-milyong rekord at digital na seguridad ng hindi bababa sa 55 milyong botante. Nagkaroon din ng pagsiwalat ng mga detalye ng mahigit 870,000 na akawnt sa Facebook ng mga Pilipino noong Abril 2021. Nakuha sa mga akawnt na ito ang kanilang number, buong pangalan, lokasyon, araw ng kapanganakan at iba pang personal na impormasyon.

IV. Pasistang paniniktik sa kanayunan
at kalunsuran

Sa maraming bahagi ng kanayunan at maging sa kalunsuran, matagal nang binaklas ng estado, gamit ang AFP at PNP, ang karapatan sa pribasiya at anonimidad ng mamamayan at sinikil ang kanilang mga demokratikong karapatan.

Kabilang sa mga hakbang na tahasang labag sa mga karapatang ito ang profiling ng mga komunidad sa tabing ng sensus na isinasagawa ng mga sundalo, pagkuha ng PNP ng pribadong mga impormasyon ng mga residente mula sa mga lokal na gubyerno at ahensya nang walang ligal na dahilan o utos ng korte, pagpapalista o logbook sa mga tsekpoynt, pagkuha ng larawan ng mga residente at kanilang mga gamit, pagpasok sa bahay ng mga sibilyan nang walang mandamyento, pagmomonitor sa binibili at kinokonsumo ng mga residente, sapilitang pagpapaulat sa kanilang arawang aktibidad at marami pang iba. Labag din ang mga ito sa karapatan ng mamamayan sa malayang pagkilos, at iba pang batayang mga karapatang sibil.

Profiling sa mga magsasaka at katutubo

Sa Bukidnon, nagbahay-bahay ang mga armadong sundalo ng 8th IB sa Sityo Tubigon, Barangay Busdi, Malaybalay City noong huling linggo ng Setyembre 2022. Natakot ang mga residente dahil hiningi ng mga sundalo ang kanilang personal na impormasyon tulad ng pangalan, ilan ang anak, trabaho at iba pa. Matapos ang tatlong araw, tinipon sa isang asembleya ang mga sibilyan at tinakot na papatayin kung makikita silang nakikipag-ugnayan sa hukbong bayan. Nagpatuloy ang operasyon ng mga sundalo sa sityo at kumuha ng larawan ng mga residente at maging mga motor nila.

Isang buwan bago nito sa Sityo Bendum sa parehong barangay, nagbahay-bahay din ang isang platun ng mga sundalo. Sapilitan nilang ininteroga ang bawat isang residente ng komunidad. Dinadala ang bawat isang residente sa isang kwarto kung saan tumatagal nang isa hanggang dalawang oras ang interogasyon sa bawat isa. Laganap din ang pagkuha ng sundalo ng larawan ng mga sibilyan at kanilang motor.
Sa ibang katulad na kaso, humantong ang ganitong aksyon sa paggamit ng mga sundalo sa mga impormasyong nakalap laban sa komunidad. Inaalam ng mga sundalo kung ilan ang anak na lalaki para sapilitang irekrut sa CAFGU. Inaalam din nila kung sinu-sino ang mayroong mga anak na babae na kadalasan ay nagiging biktima ng sekswal na karahasan at pang-aabuso ng mga sundalo. Sa ilang pagkakataon, ang mga larawang nakukuha ng mga sundalo ay ipinapaskil sa mga tarpolin at pinaparatangang kasapi ng hukbong bayan.

Profiling sa mga unyonista, mamamahayag,
iba pang propesyunal at kanilang mga pamilya

Nitong 2022, sunud-sunod na iniulat ng mga unyon sa Southern Tagalog ang pagbabahay-bahay ng mga sundalo at pulis para sindakin ang kanilang mga pamilya. “Binisita” ng 202nd IBde at PNP-Calabarzon ang mga bahay ng mga upisyal ng mga unyon sa Gardenia, Daiwa Seiko, Technol Eight at Optodev, mga unyon sa ilalim ng Kilusang Mayo Uno. Dito, “hinihikayat” sila ng mga pulis at sundalo na umalis na sa KMU dahil sa pagiging “komunistang prente” nito.

Noong Oktubre, ikinabahala ng National Union of Journalists of the Philippines and “pagbisita” sa bahay ni JP Soriano ng GMA News at tangkang pagkuha ng kanyang litrato ng PNP-Quezon City. Tinuligsa ito ng NUJP na paglabag sa pribasiya ni Soriano, pati na rin ng mga mamamahayag na nasa “listahan” ng mga “bibisitahin” ng PNP. Nagdulot ng ligalig ang hakbang na ito hindi lamang kay Soriano kundi sa buong propesyon ng pamamahayag.

Noong 2019, namonitor ng mga guro ng Alliance of Concerned Teachers ang direktiba ng PNP na magsumite ang mga dibisyon at distrito ng Department of Education ng listahan ng mga gurong kasapi ng alyansa. Hindi bababa sa 34 “pagbisita” ng PNP sa mga eskwelahan sa 10 rehiyon sa bansa para i-profile ang mga “komunistang” titser. Sa panahong ito, binisita umano ng mga pulis ang 13 eskwelahan sa Metro Manila; tig-apat sa Region I, III at IV-A; tatlo sa Bicol; dalawa sa Cordillera at tig-isa sa Region IV-B, VI, X, at CARAGA. Hiningi ng mga pulis mula sa administrador ng eskwelahan ang detalye ng mga titser na kasapi ng ACT. Ipinag-utos ng PNP ang pag-profile sa mga guro noong Diysembre 2018.

Noong 2021, nabunyag naman na sumulat ang PNP-Calbayog sa Regional Trial Court na bigyan ito ng listahan ng mga “komunistang abugado” o mga abugadong may mga kliyenteng inakusahan ng PNP na myembro o tagasuporta ng hukbong bayan at sinampahan ng mga gawa-gawang kasong kriminal.

Paniniktik sa tabing ng pagsugpo sa Covid-19

Noong Hulyo 2020, iniatas ni dating Sec. Eduardo Año ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa Philippine National Police (PNP) na magsagawa ng “house-to-house” para hanapin at “damputin” ang mga indibidwal na positibo sa Covid-19. Labag ito sa karapatan sa pribasiya at taliwas maging sa rekisitong mandamyento para pasukin at halughugin ang pribadong tahanan ninuman. Nilabag nito ang ligal na karapatan sa pribasiya na mas mahigpit kaugnay sa impormasyong pangkalusugan.

Liban dito, sapilitang pinagrehistro ng estado noong Hulyo 2020 ang mamamayan sa mga “contact tracing application.” Halimbawa nito ang StaySafe.Ph, isang application sa selpon na pinarehistro ang cellphone number para tuntunin ang lokasyon ng gumagamit o kung saang establisyemento bumisita. Pinalabas ng estado na layon nitong magbigay ng mabilis na impormasyon kung mayroon silang makakasalamuhang positibo sa Covid-19.

V. Ilantad at labanan ang pagtatayo
ng estadong paniktik

Dapat ilantad at labanan ng mamamayang Pilipino ang malawakang paniniktik at pagmamanman. Dapat nilang labanan ang pakay ng estado na isuko ng lahat ang kanilang karapatan sa pribasiya sa pagbabantang “ang may itinatago lamang ang dapat matakot.” Ang totoo, kung walang itinatago, karapatan pa ring hindi ibuyangyang ang lahat nilang impormasyon. Kailangang maunawaan ng bawat isa na ang kahalagahan ng pagtatanggol sa pribasiya ay karugtong sa pagtatanggol sa karapatan sa malayang pamamahayag at pagpapahayag.

Dapat ding mailinaw na ang paglabag sa karapatan sa pribasiya at anonimidad ay tuntungan para sa higit pang panggigipit ng estado, laluna sa kanayunan kung saan ipinagkakait ang lahat ng puwang para sa kalayaan sa pag-iisip, pagpapahayag at pamamahayag.

Dapat maunawaan ng bawat isa ang pangangailangang ipagtanggol ang kanilang karapatan laban sa mga patakaran at hakbang ng estado tulad ng SIM Card Registration, National ID at iba pa. Sa ibang bansa, may mga ligal na hakbang ang mga organisasyong nagtatanggol sa pribasiya para kwestyunin sa mga korte ang mga batayan ng pwersahang pagpapasiwalat ng mga pribadong impormasyon ng mamamayan. May nakasampa ring mga kwestyon sa paggamit ng mga pribadong kumpanya at ng estado sa mga datos na nalikom mula sa gayong pagpaparehistro.

Sa ngayon, umiiral ang mga alyansa ng mga eksperto, mamamahayag at tagapagtanggol ng karapatang-tao na hinihinging ibasura ang SIM Card Registration Act. Karugtong ito ng pagkontra sa kontra-pribasiyang batas tulad ng National ID at Cybercrime Law. Magiging bahagi ito ng kabuuang paglaban sa pasistang rehimeng US-Marcos II.

Pangalagaan ang pribasiya

Dapat matutunan ng lahat na pangalagaan ang kanilang pribasiya upang iwasang maging biktima ng pagmamanman ng estado, magamit sa komersyal na interes ng malalaking kapitalista, o mabiktima ng mga kriminal na sindikato.

Dapat kontrahin ang gawi ng pagbubuyangyang ng lahat na pinalaganap sa nagdaang mga taon at ang kaakibat nitong kultura ng indibidwalismo, pagkuha ng atensyon at pagturing sa sarili na sentro ng mundo.

Maaring isagawa ang sumusunod:

  • Lubos na ingatan ang iyong pangalan, lugar ng paninirahan, numero sa telepono o email, lokasyon, mga pinuntahan at iba pang maselang personal na impormasyon.
  • Huwag ibigay ang mga personal na impormasyon sa mga hindi kakilalang humihingi nito.
  • Maging maingat at pihikan sa paggamit ng social media. Hikayatin ang paggamit ng mga alternatibo o anonymous na account, laluna kung gagamitin para sa paglalabas ng mga hinaing o saloobing pampulitika.
  • Tumangging magbigay ng kontak o numero sa mga hindi kakilala o sa mga hindi nais makontak.
  • Tumanggi na magbigay ng impormasyon na walang kinalaman sa isang takdang usapin na kinakailangan ibahagi.
  • Tumangging magpapasok sa paninirahan, kahit sa mga pulis o sundalo, na walang kaukulang kautusan mula sa korte.
  • Isapraktika ang mga tuntunin sa pag-aalaga ng online na pribasiya sa paggamit ng email, social media at iba pa. Kabilang dito ang paggawa ng isang “pribadong persona” na iba sa tunay na identidad. Gumamit ng VPN at higpitan ang mga “privacy settings” sa tinatangkilik na mga social media platform. Matuto sa sistema ng encryption sa pang-araw-araw na komunikasyon. Isapraktika ang paggamit ng mga programang tulad ng Signal, Protonmail, VeraCrypt, at iba pa.
  • Matutong lusutan o ikutan ang SIM Card Registration Act upang hindi maging biktima nito.

Inihanda ng:
Kawanihan sa Impormasyon
Partido Komunista ng Pilipinas

Disyembre 10, 2022

SIM Card Registration at iba pang pakana ng malawakang paniniktik