(Primer) Panunulsol ng US ng imperyalistang gera sa China, banta sa buhay at kalayaan ng mga Pilipino
Pambungad
Taun-taon, paparami at papalaki ang inilulunsad ng US na mga wargames sa kalupaan, mga soberanong teritoryo at kagyat na nakapalibot na karagatan ng Pilipinas. Kasabay nito ang pagtatayo ng paparaming mga base militar, outpost at pasilidad na nagsisilbing base ng mga tropa at imbakan ng mga gamit, armas, sasakyang pandigma at iba pang arsenal (kemikal, bayolohikal at nukleyar) na ginagamit nito sa pang-uupat ng gera at “paghahanda ng teatro ng digma” laban sa China. Sa bawat panahon, libu-libong tropang Amerikano ang nakatigil sa Pilipinas sa tabing ng mga paglalayag, port visit, pagsasagawa ng mga “pinagsanib” na mga aktibidad at walang patid na mga wargames.
Ibayong pinahihigpit ng US ang pang-operasyong kontrol nito sa Armed Forces of the Philippines (AFP), sa pamamagitan ng pagkontrol sa arsenal nito. Paparami ang itinatambak nitong mga bomba, armas at pinaglumaang mga gamit-militar sa ngalan ng “modernisasyon” ng reaksyunaryong hukbo. Gamit ang mga armas na ito, agresibong nanghihimasok ang US sa kampanyang kontra-insurhensya ng AFP at rehimeng Marcos laban sa mapagpalayang kilusang Pilipino na nananatiling pinakamatatag at pinakamalaking balakid sa mga imperyalistang ambisyon nito sa rehiyon ng Asia. Dahil dito, lalong nagiging palaasa ang AFP sa ayudang pampinansya at pangmilitar ng US na dahilan na madali silang napasusunod ng US.
Banta sa buhay ng mga Pilipino at kalayaan ng bansa ang paggamit ngayon ng US sa AFP at papet na rehimen ni Marcos bilang mga tau-tauhang ipinupwesto sa harapan ng sinusulsulan nitong armadong sigalot o gera sa China. Kailangang mahigpit na pamunuan at buklurin ng Partido Komunista ng Pilipinas at ng pambansa-demokratikong kilusan ang buong sambayanang Pilipino para ipagtanggol ang karapatan ng bansa laban sa dayuhang panghihimasok militar, isulong ang hangarin para sa kapayapaan, igiit ang maka-kapayapaang patakarang panlabas, at sansalain ang pagsiklab ng inter-imperyalistang gera at pagkaladkad dito sa Pilipinas.
1) Ano ang kabuluhan ng Balikatan at iba pang wargames ngayong 2024?
Pinangangalandakan pareho ng US at ng AFP na “pinakamalaki” sa kasaysayan nito ang isasagawang ika-39 na Balikatan sa darating na Abril at Mayo. Magpopokus ito sa mga “susing lokasyon” sa kanlurang bahagi ng Palawan, isang lugar na makapal ang presensya ng mga barko ng China. Target na lokasyon din nito ang isla ng Mavulis, ang pinakadulong isla sa prubinsya ng Batanes na dikit sa Bashi Channel. Nasa 200 nautical miles (humigit kumulang 370 kilometro) lamang ang layo nito sa Orchid Island ng Taiwan.
Noong nakaraang taon, mahigit 17,000 tropa ang nagsagawa ng mga combat drill sa bansa (kabilang sa Batanes) kung saan 12,000 ang Amerikano, 5,000 ang Pilipino at 100 ang Australian. Sa unang pagkakataon, lalahok sa wargames ang France, isang susing alyado ng US sa Europe.
Ang Balikatan 2024 ay isa lamang sa mahigit 500 wargames at iba pang aktibidad militar na planong isagawa ng US sa Pilipinas ngayong taon. Hindi pa kasama dito ang unilateral at mas masasaklaw na wargames na isinasagawa ng US, mag-isa o kasama ang iba nitong alyado sa Asia, sa loob o malapit sa teritoryong karagatan ng Pilipinas nang walang partisipasyon ang AFP.
Kabilang sa mga ito ang “large deck exercises” na isinagawa ng US sa Philippine Sea sa silangang bahagi ng Taiwan, gamit ang dalawang warship nito at nilahukan ng katulad na barko ng Japan. Ang malalaking barko na ito, na tinatawag ding “lumulutang na mga base militar” ay namamalagi nang walang taning at pahintulot sa mga teritoryong dagat ng Pilipinas sa bisa ng ekstrateritoryal na mga karapatan na iginawad ng papet na estadong Pilipino sa US.
Lumulutang na mga base militar ng US sa Asia na may lulang 7,000 tauhan at 90 sasakyang panghimpapawid:
Aligaga ang Batanes sa presensya ng mga Amerikano
Naubos ang bigas sa isla ng Batan, Batanes noong Abril 2023 nang mag-panic buying ang mga residente matapos mabalitaan na dadagsa sa isla ang mga tropang Amerikano para sa wargames ng Balikatan. Batid nilang paghahanda ang wargames sa posibleng pakikipaggirian sa Taiwan, kahit pa itinatanggi ito pareho ng AFP at US. “Ayaw naming madamay sa gulo,” ang namayaning sentimyento sa isla sa panahong iyon.
Lumaganap ang ligalig sa pinakamaliit na prubinsya sa Pilipinas nang gamitin ito ng US sa Balikatan bilang palaruan ng mga tropa. Dinagsa ang maliit na isla ng libu-libong tropa, daan-daan mga sasakyang pandagat at panghimpapawid, mga kanyon at iba pang armas. Isinagawa rito ang simulated na mga “beach landing” o pagsampa ng mga amphibious na mga sasakyang pandigma ng US sa baybay, paglapag ng naglalakihan at sobrang iingay na Osprey sa mga burol, at pagpapaputok ng nakabibinging mga kanyong HIMARS (High Mobility Artillery Rocket System).
2) Ano ang “strategic island defense” ng AFP?
Ilang buwan nang bukambibig ng mga upisyal ng US, AFP at ni Marcos ang “pagpihit” ng AFP mula “internal na depensa” tungong “eksternal na depensa” dahil “mahina na” o “nagapi na” ang Bagong Hukbong Bayan. Noong simula ng taon, inianunsyo ni Gilbert Teodoro, kalihim ng Department of National Defense, ang pagkakabuo ng Comprehensive Archipelagic Defense Concept (CADC) ng AFP. Ang plano sa depensang ito ay para diumano sa proteksyon ng exclusive economic zone ng Pilipinas sa Palawan (kung saan palagian ang presensya ng mga barkong Amerikano at Chinese), at sa Batanes (na balak gawing himpilan ng US dahil sa lapit nito sa Taiwan).
Sa aktwal, karugtong ang CADC sa kapangalang “archipelagic defense strategy” ng US na na nagtulak para sa paglalatag ng sistema ng mga misayl at kanyon sa tinagurian nitong “first-island chain.” Inilalako ang estratehiyang ito bilang paraan para pigilan ang paglawak ng “banta” ng kapangyarihang militar ng China. Sa likod ng estratehiyang ito ang pagbibigay sa mainland ng US ng “malalim na depensa” oras na sumiklab ang gera sa pagitan nito at ng China. Ibig sabihin, ang mga bansang nasa “first-island chain” ang pangunahing iinda ng salantang ihahatid ng isang gerang US-China, sakaling ito ay sumiklab.
Bahagi ng estratehiyang ito ang pagpapalakas ng US ng presensya ng mga tropa at pagpwesto ng mga sandata sa mga base militar nito sa Japan at South Korea. Malaking bahagi nito ang pagtadtad ng US sa hilaga at kanlurang bahagi ng Pilipinas ng mga base militar at pasilidad na magsisilbing lunsaran ng atakeng misyal na babagsak sa loob mismo ng mainland ng China.
Tingnan ang mapa: Pangkalahatang Pagtanaw sa Estratehiyang Archipelagic Defense
Taliwas sa katawagan nito, ang “archipelagic defense strategy” ay isang planong opensibo. Pinapayungan ito ng agresibo at mas masaklaw na Indo-Pacific Security Strategy. Kasabay nito ang pagpapalakas ng US ng mga alyansang militar nito sa Asia, tulad ng AUKUS (Australia-United Kingdom-United States) at QUAD (US, UK, India at Japan).
3) Ilan na ang itinayong base militar at pasilidad ng US sa ilalim ng EDCA?
Sa buong 2023, umarangkada ang pagkukumpuni ng mga luma at konstruksyon ng mga bagong base at pasilidad ng US, gamit ang pondo ng bayan, rekurso ng mamamayan at lakas-paggawa ng papet nitong AFP. Mismong si Gilbert Teodoro, kalihim ng Department of Defense, ang umikot ng bansa para tiyakin ang pagtatapos sa 95 proyekto (mula 32) sa siyam na itinalagang “Agreed Location” sa ilalim ng EDCA.
Kabilang sa mga natapos na ang imbakan ng jetfuel at konstruksyon ng “command center” ng mga sundalong Amerikano sa Lal-lo Airpot sa Cagayan (isang sibilyan paliparan); pagpapalapad ng paliparan at konstruksyon ng bodega at garaheng pang-eroplano (hangar) sa Basa Airbase sa Pampanga; lagakan ng jetfuel sa Mactan-Benito Ebuen Air Base sa Cebu; at malalaking gusali at baraks sa Fort Magsaysay sa Nueva Ecija. Nagsimula na rin ang pagpalalim ng daungan, paglatag ng paliparan at konstruksyon ng kampo militar sa Balabac Island sa Palawan at iba pang “EDCA site” na para sa eksklusibong gamit ng US.
Tingnan ang mapa: EDCA Sites
Noong Setyembre 2023, inianunsyo ng US ang kagustuhan nitong dagdagan ang siyam na umiiral nang base. Pero bago pa nito, naiulat na ng mga masang apektado ang paglalagi ng mga tropang Amerikano at pag-iral ng kanilang mga pasilidad sa Ilocos Norte at ilang bahagi ng Ilocos Sur at Oriental Mindoro. Ginagamit na rin ng mga pwersang nabal ng US ang dating Subic Naval Base sa Zambales na binili ng isang Amerikanong kumpanya sa armas mula sa Hanjin Industries, matapos magsara ito noong 2019. Napabalita rin ang pagtatambak ng US ng gamit-militar sa 25-ektaryang “kampo ng AFP” sa Calayan Islands sa Cagayan at ang pagtatayo nito ng dalawang “sibilyang daungan” sa Batan Island sa Batanes matapos gamitin ang isla sa Balikatan noong 2023. Nitong Marso, isiniwalat ng isang senador na sa aktwal, 16 na at hindi na lamang siyam ang pinauunlad na “EDCA site” para sa US.
Liban dito ang permanenteng nakabaseng mga tropang US na hindi nakapailalim sa kasunduang EDCA, katulad sa Zamboanga at Basilan sa ilalim ng Operation Pacific Eagle-Philippines, pati ang iba’t ibang mga pasilidad pangkomunikasyon (Samar, Cebu, Mindoro, Boracay, Pangasinan, at marami pang lugar) na hindi inaamin ng AFP at ng US.
Tagabitbit ng mga sundalong Amerikano sa Ilocos Norte
Nang maglunsad ng military drills ang US sa San Joaquin, Sarrat, Ilocos Norte noong Marso 2023, isinangkot nito ang ilang sibilyan sa barangay. “(Sa treyning), kami ang nagbubuhat sa mga sundalong Amerikano na kunwari ay mga kaswalti sa gera,” kwento ng isang residenteng pinalahok sa pagsasanay. “Ibig sabihin, ‘pag totoong gera na ay kami ang tagabuhat sa mga sundalong Amerikano na makakaswalti. Ang bibigat pa naman nila!”
Bagamat walang “Agreed Location” sa Ilocos Norte, umiiral ang mga imprastruktura at pasilidad militar ng US dito. Inangkin ng US ang 30 ektaryang lupa sa Barangay Bobon, Burgos, kung saan nakapwesto ang 40 kanyong howitzer. May mga itinayo ring gusali ang mga sundalong Amerikano na ipinagmamayabang pa nilang ginagamit para sa pagsubaybay o monitoring sa galaw ng militar ng China. Nagtatayo rin ang US ng seawall na kasinlapad ng kalsada bilang portipikasyon ng kanilang base, na sagabal sa paglusong at pag-ahon ng mga mangingisda sa dagat.
Nang magkaroon ng 7-araw na simulation at live fire exercises sa lugar, hindi nakapangisda ang maliliit na mangingisda. “Mahirap ang lagay natin dito,” pahayag ng isang mangingisda. “Paano na lang kapag nasa laot tayo tapos biglang nagputukan ang kanilang mga rocket?”
4) Anu-anong mga tagibang na kasunduan ang ginagamit ng US para panatilihin ang presensya nito sa bansa?
Noong Mayo 1, 2023, pinirmahan nina Ferdinand Marcos Jr at Joseph Biden, presidente ng US, ang Bilateral Defense Guidelines, isang dokumentong muling nagpatibay sa Mutual Defense Treaty (MDT) ng 1951, isang kolonyal na kasunduang nagtali sa Pilipinas sa patakarang panlabas ng US. Sa “gabay” na inihanda ng US, itinakda nito ang pagpopondo, pagsasanay at pag-aarmas sa AFP para pagsilbihin ang papet na hukbo sa mga layunin nito laban sa China. Noong Abril 2023, pinirmahan ng Pilipinas ang isang 5-10 taong planong panseguridad para sa “modernisasyon” ng mga armas, kampo at pasilidad ng AFP.
Mula nang umiral ang MDT, nagsilbi itong salalayan ng tahasang panghihimasok ng US sa mga panloob na usaping pambansa at pagkaladkad sa Pilipinas sa mga gerang pinasok ng US sa nagdaang pitong dekada.
Noong 1947, itinulak ng US ang Military Bases Agreement (MBA) at ginamit ang 65,000 libong ektaryang lupang agrikultural at lupang ninuno para maging base ng mga sundalong Amerikano, at imbakan ng mga sandata nito, kabilang ang mga armas nukleyar. Ang mga baseng ito ay ginawang lunsaran ng mga pwersang pang-agresyon ng US sa mga gerang ito.
Nagsilbing tuntungan ang MDT ng iba pang tagibang na kasunduang militar, laluna matapos ibasura ang Senado ng Pilipinas ang MBA noong 1992. Kabilang sa mga ito ang:
Visiting Forces Agreement: 1998, pinirmahan ng rehimeng Ramos. Nagpahintulot sa libreng paglabas-masok at pamamalagi ng malalaking bilang ng mga tropang Amerikano, at nagbigay sa kanila ng mga ekstrateritoryal na karapatan.
Noong 2006, binuo ng US ang Security Engagement Board (SEB), batay sa VFA, para itakda ang “komun” na mga aktibidad” ng AFP at mas madaling pamahalaan ang malalaking wargames tulad ng Balikatan. Sa pamamagitan din ng SEB, itinatakda kung ano ang mga pinaglumaang sandata na “bibilhin” ng Pilipinas sa US, sa ilalim ng programang Foreign Military Funding ng US.
Enhanced Defense Cooperation Agreement: 2014, pinirmahan ng rehimeng Aquino II. Nagpahintulot sa pagtatayo ng mga ekslusibong pasilidad at base militar ng US sa loob ng mga kampo militar ng AFP para gamitin ang mga ito na tambakan ng mga gamit militar ng US, o pahingahan ng mga tropang Amerikano sa bansa.
Ito ngayon ang tuntungan para itayo ang mga base militar saanman gustuhin ng US sa bansa.
5) Totoo ba ang sinasabi ng AFP na tututok na ito sa “external defense” at iiwan na nito ang counterinsurgency?
Sa ngayon, walang nakikitang indikasyon na balak ng AFP na ituon ang pansin nito sa “external defense” o panlabas na depensa, sa kabila ng mga pahayag ng kalihim ng DND. Hanggang ngayon, mayorya ng mga batalyon nito ay nakatutok sa mga larangang gerilya ng BHB sa kabila ng bukambibig nitong “insurgency-free” na ang marami, kundiman lahat, ng mga prubinsya at idineklara na nito ang kalagayang “Stable Internal Peace and Security” sa maraming bahagi ng bansa.
Katunayan, muling nagbigay ng dedlayn si General Romeo Brawner Jr, kumander ng AFP, nitong Marso para durugin ang lahat ng larangang gerilya pagsapit ng Marso 31, lahat ng mga bertikal na pormasyon ng BHB sa Hunyo 30, at lahat ng yunit ng BHB sa katapusan ng taon. Sinabayan ang atas na ito ng pag-arangkada ng mga pambobomba at pang-iistraping mula sa ere at walang patumanggang panganganyon sa Abra, Negros, Bukidnon, Iloilo at Quezon. Walang awat din ang mga paglabag ng mga yunit nito sa mga batas ng modernong digma, at mga karapatang-tao ng milyun-milyong sibilyan.
Mula 2021, nagbuhos ang US ng $2.1 bilyong halaga ng armas na ibinigay o ibinenta sa Pilipinas kabilang ang mga jet fighters, misayl, bomba, howitser, at iba pang armas. Sa kumpas ng US, pinaigting ng AFP ang gerang kontra-rebolusyonaryo na kinatangian ng paggamit ng terorismo ng estado. Kasabay ng sinimulang Operation Pacific Eagle-Philippines, itinulak ng gubyernong Trump kay Duterte noong Oktubre 2017 ang pagdedeklarang terorista sa Partido at BHB at pagtatapos ng usapang pangkapayapaan. Sa tulak din ng US at ng mga ahente nito sa AFP at sektor panseguridad, isinabatas noong 2020 ang mas mabagsik na “Anti-Terrorism Law.”
Mula noon ay ipinatupad ang mga brutal na taktikang kontra-gerilya na ginamit rin ng US sa Vietnam kabilang ang panghahamlet, ekstrahudisyal na pamamaslang, at pambobomba mula sa himpapawid. Ang laganap na mga kaso ng mga paglabag ng AFP at PNP sa mga karapatang-tao at paglapastangan sa internasyunal na makataong batas ang nagtutulak sa ilang progresibong mambabatas sa US na igiit na ihinto ng US ang pagbibigay ng ayudang militar sa Pilipinas.
6) Ano ang mga ugat ng ribalang militar ng US at China?
Ribalang pang-ekonomya ang ugat ng giriang US at China, na nagsimulang umigting noong kalagitnaan ng dekada 2000. Bago ito, matagal na naging magkatuwang sa ekonomya ang US at China. Mula katapusan ng dekada 1970, sinuportahan ng US ang tuluy-tuloy na transpormasyon ng China mula sa pagiging sosyalista tungo sa pagiging kapitalista, kasabwat ang mga monopolyong burukratang kapitalista sa China. Pinaburan ng US ang China sa kalakalan at pamumuhunan (“most favored nation”). Pinahintulutan nitong makapagpaunlad ng sariling industriya ang China kasabay ng paglipat ng papalaking bahagi ng produksyon, laluna sa larangan ng teknolohiya.
Pinakinabangan ng mga monopolyo-kapitalista sa estado sa China ang opensiba ng neoliberalismo o liberalisasyon, deregulasyon, at pribatisasyon sa China at sa buong mundo. Mabilis na natransporma ang China tungo sa isang bagong usbong na imperyalistang kapangyarihan. Ang mga monopolyo-kapitalista sa China ay nagluwas ng kapital sa anyo ng mga pautang at pamumuhunan. Katuwang ang Russia, nagtatag ito ng sariling blokeng pang-ekonomya (BRICS) at alyansang militar (Shanghai Cooperation Organization).
Ilang ulit na pinalakas ng China ang kanyang pwersang militar at ang mga operasyon nito sa ibayong dagat. Kabilang dito ang pagtatayo ng mga base militar sa pitong artipisyal na isla sa South China Sea at sa loob ng teritoryong pandagat ng Pilipinas, upang kontrolin ang rutang pangkalakalan dito.
Ang pagtatayo ng mga base militar na ito ay tahasang agresyong militar at labag sa karapatang pandagat ng Pilipinas na kinilala sa desisyon ng International Arbitral Tribunal sa ilalim ng United Nations Convention on the Laws of the Seas (UNCLOS). Sa panahon ng sabwatang pang-ekonomya, nagpikit-mata ang US sa ganitong pagpapalakas ng China.
Kasunod ng krisis sa pinansya noong 2008, lumakas ang reklamo ng US sa tagibang nitong kalakalan sa China, pagkontrol ng China sa malaking bahagi ng pandaigdigang kalakalan. Itinulak ng US ang pagbubuo ng mga bloke sa kalakalan na nag-etsapwera sa China, kasabay ng pagpapatupad ng mga patakarang proteksyunista. Noong 2011, idineklara ng gubyernong Obama ng US ang “pivot to Asia” na pagpihit ng pokus ng mga pwersang militar nito mula sa Europe at Middle East patungo sa Asia.
Sa ilalim ng gubyernong Trump hanggang sa gubyernong Biden, ipinataw ng US ang mga hakbanging panggigipit sa ekonomya ng China, diumano para parusahan ito sa hindi pagsunod sa “mga pandaigdigang alituntunin.” Nagpataw din ang US ng panggigipit sa pag-aangkat ng mga produktong agrikultural mula sa China.
Animo’y gera sa karagatan ng Mindoro
Nagmistulang lugar-digmaan ang karagatan ng Occidental Mindoro nang ilunsad dito ng US ang isang “maritime cooperative activity” noong Enero sa Cabral Island, saklaw ng West Philippine Sea. Habang nagpapakitang-gilas ang mga Amerikanong sundalo, kasama ang kanilang mga utusang Pilipinong sundalo, nagmanman sa kanila ang dalawang barkong pandigma ng China sa di kalayuan.
Layunin ng MCA ang paghahanda ng US sa mga barko at hukbong nabal ng Pilipinas para isabak ang mga ito sa gerang nabal laban sa China. Tatlo nang gayong aktibidad ang sunud-sunod na isinagawa ng US mula Disyembre 2023 hanggang Pebrero ngayong taon.
7) Ano ang tindig ng Partido sa usapin ng Taiwan?
Sinusuportahan ng PKP ang mamamayan ng Taiwan sa militanteng paglaban nila sa paggamit ng US sa Taiwan bilang piyesa sa estratehiyang heyopulitikal. Binabatikos nito ang panghihimasok ng US sa mga usaping panloob ng China, gayundin ang militaristang tugon ng China. Sinusuportahan nito ang hangarin ng proletaryado at mamamayan pareho ng China at Taiwan para sa mapayapa at mahinahong paglulutas ng usapin ng muli nilang pagsasama.
Naninidigan ang PKP, at ang proletaryo at mamamayang Pilipino, kasama ang buong mundo, laban sa pang-uupat ng US ng gera sa Asia at laban sa paggamit nito sa Pilipinas bilang lunsaran ng mga agresyon sa Taiwan at laban sa China.
Matagal nang ginagamit ng US ang Taiwan bilang pyesa sa hegemonismo nito sa Asia at sa pang-ekonomya at pangmilitar na pakikipagharapan sa China. Sa nakaraang 75 taon, ginamit nito ang Taiwan bilang kutang pang-ekonomya at pangmilitar upang isulong ang estratehikong heyopulitikal na interes nito sa rehiyong Asia-Pacific. Itinuturing ng US ang Taiwan na bahagi ng estratehiyang “first-island chain” para pigilan ang pag-angat at paglakas ng China bilang imperyalistang karibal. Aktibo nitong pinopondohan at itinutulak ang mga grupo sa Taiwan para igiit ang “independensya” para pahinain ang hawak dito ng China. Patuloy itong nagbubuhos ng pondo upang itaas ang lakas-militar ng Taiwan.
8) Sisiklab na ba ang imperyalistang gera sa pagitan ng US at China?
Sa pang-uupat ng US laban sa China, lumalaki ang posibilidad ng pagsiklab ng gera. Manipestasyon ito ng pagsidhi ng ribalang inter-imperyalista sa gitna ng malawak na krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista.
Pinipilit ng US na panatilihin ang sarili bilang pangunahin at natatanging kapangyarihan sa buong mundo. Pagtatangka ito na baguhin ang namumuong hatian ng mundo at agawin ang mga pamilihan at pinagkukunan ng mga hilaw na materyales na nasa kontrol ng mga karibal nitong imperyalistang kapangyarihan. Inuudyukan ng US ang China kasabay ng tuluy-tuloy na panggagatong nito ng gera sa Ukraine laban sa Russia.
Ang mga gerang pinasisiklab ng US ay labis na pinakikinabangan ng pinakamalalaking kumpanyang militar ng US na tumatabo ng bilyun-bilyong dolyar na tubo. Sa Ukraine, naitambak ng US ang malaking bahagi ng sarplas na kagamitang militar nito, habang tinutulak ang iba pang mga alyadong imperyalista na ibigay ang mga abanteng sandata. Itinatambak rin ng US ang mga sarplas na kagamitang militar sa Pilipinas.
Gayunman, walang saysay at mabibigo lamang ang anumang pagtatangka ng US na lusubin ng mga armadong pwersa ang China, katulad ng ilang ulit nang napatunayan sa kasaysayan na pinasok ng mga tropang Amerikano ang mainland Asia (Vietnam, Korea, China). Batid ito ng mga ekspertong militar ng US kaya ang sinisikap nitong likhaing senaryong militar ay ang itulak ang China na “lusubin” ang Taiwan upang mabigyang katwiran na “ipagtanggol ang Taiwan.” Layunin ng lahat ng ito ang itulak ang China na gumawa ng hakbangin at pwersahin itong “unang magpapaputok” (“own the starting gun” ang salita ni Lt. Gen. James Bierman ng Third Marine Expeditionary Force). Inihalintulad ni Bierman ang pagpapalakas ngayon ng US ng presensyang militar sa Japan at Pilipinas sa ginawang ilang taong paghahanda ng US sa gera sa Ukraine kontra sa Russia.
9) Bakit banta sa buhay at kalayaan ng mga Pilipino ang panunulsol ng US ng gera sa Asia?
Ang kaliwa’t kanang panunulsol ng US ng mga gera, partikular na ang pang-uupat ng kumprontasyong militar sa China sa usapin ng Taiwan, pati na ang pagtulak sa pagpapalakas ng mga operasyon ng Philippine Navy at Philippine Coast Guard sa West Philippine Sea, ay naghahatid ng malaking banta sa buhay ng mga Pilipino at kalayaan ng bansa, gayundin sa buhay at kalayaan ng iba’t ibang bansa sa mundo.
Ang mga pagtatayo ng mga base militar ng US bilang bahagi ng paghahanda sa “teatro ng digma” ng US kontra China ay tuwirang paglapastangan sa karapatan ng Pilipinas sa pagpapasya-sa-sarili. Ang paggamit ng US sa AFP bilang suportang pwersa sa mapandigmang agresyon ay lalong yumuyurak sa kasarinlan ng bansa.
Tahasang ipinagkakait nito ang karapatan ng mga Pilipino na magkaroon ng nagsasariling patakarang panlabas. Inaagaw nito sa mga Pilipino ang karapatang pagpasyahan kung ang paglahok sa gerang itinutulak ng US ay alinsunod sa pambansang interes at kagustuhan ng mga Pilipino.
Dinadawit ng US ang Pilipinas sa agresibong patakarang pangmilitar nito. Ang posibilidad na gamitin ng US ang mga pasilidad nito sa Pilipinas para magpalipad ng mga misayl, ilunsad ang mga jetfighter, o serbisyuhan ang mga barkong pandigma nito, ay hindi malayong gamiting dahilan para targetin ang bansa ng ganting-salakay ng China.
Ang pagiging sunud-sunuran ng rehimeng Marcos sa mga utos ng US at pagtatraydor sa kasarinlan ng Pilipinas ang dahilan na ang bansa ay nadadawit sa mga gerang walang kinalaman sa kanyang pambansang interes. Kapalit ng ayudang militar at pampulitikang pabor, bulag na sinusunod ng rehimeng Marcos ang kagustuhan at pangangailangan ng militar na US para sa pagtatayo ng mga base at pasilidad.
Sa kabilang panig, tulad ng rehimeng Duterte, wala ring gulugod ang rehimeng Marcos sa harap ng tahasang paglapastangan ng China sa teritoryong pandagat ng Pilipinas sa pagtatayo doon ng mga base militar, at pagkamkam ng China sa yamang karagatan ng Pilipinas. Ang pang-aaping ito ng China sa Pilipinas, laluna sa mga mangingisdang Pilipino, ay ginagamit ngayon ng US na publisidad para bigyang matwid at kunin ang simpatya ng mga Pilipino sa ginagawa nitong pagpapalakas ng presensyang militar sa South China Sea.
10) Ano ang mga tungkulin ng rebolusyonaryong kilusan sa paglaban ng imperyalistang gera sa pagitan ng US at China, at iba pang mga imperyalistang gera sa mundo?
Tungkulin ng rebolusyonaryong kilusan na buklurin ang sambayanang Pilipino sa ilalim ng bandila ng patriyotismo at pakilusin ang mamamayan para tumindig, manindigan at ipagtanggol ang buhay at kalayaan ng bansa. Iluwal ang makapangyarihang kilusang anti-imperyalista at laban sa mga imperyalistang digma. Kung hindi, malamang na tuluyang mahigop ang bansa sa alimpuyo ng inter-imperyalistang gera at papasok ang bansa sa panibagong kabanata ng pambansang pagdurusa.
Dapat ipaglaban ng sambayanan ang kagyat na makabayang kahingian ng pagbabasura ng MDT, EDCA, VFA at lahat ng hindi pantay na kasunduang militar sa US.
Kailangang magkaisa sila para labanan ang planong pagtatayo ng mga bagong base militar at pasilidad sa Pilipinas at lansagin ang umiiral nang base militar at pasilidad ng US sa Pilipinas at palayasin ang lahat ng tropang Amerikano sa Pilipinas.
Kailangan nilang ipanawagan ang pagwawakas ng US Operation Pacific Eagle-Philippines at pagbuwag ng mga operasyon nito sa bansa.
Dapat nilang ipatigil ang paglulunsad ng Balikatan, iba pang mga mapang-upat na wargames at iba pang mapanghimasok na aktibidad militar.
Kasama ang mga kaibigan at maka-kapayapaang mga mamamayan sa ibang bansa, dapat itulak ang US na itigil ang ayudang militar sa pasistang rehimeng Marcos.
Kasabay ng paglaban sa imperyalistang US, dapat tutulan at labanan ang patuloy na militarisasyon ng China sa West Philippine Sea at isulong ang paglansag sa lahat ng base militar at pasilidad ng China na nasa West Philippine Sea.
Nakikiisa at tumitindig ang Partido para sa lahat ng mga lumalabang mamamayan sa imperyalistang mga gera ng US saanmang bahagi ng mundo. Batid ng Partido na ginagamit ng US ang gera bilang instrumento ng pagpataw ng hegemonya nito sa daigdig, sa pakikipaggirian nito sa mga karibal na imperyalista at para supilin ang mga bansa at kilusang naggigiit ng pambansang soberanya. Dahil dito, kinakaharap ngayon ng mamamayan sa mundo ang mahigit dalawang taon nang gerang proxy nito laban sa Russia sa Ukraine, ang karumal-dumal na gerang henosidyo nito at ng Israel sa Palestine at ang papalawak na armadong sigalot sa Middle East.
Natatanging kontribusyon ng Partido, ng Bagong Hukbong Bayan at ng buong rebolusyonaryong kilusan laban sa inter-imperyalistang gera ang pagsusulong ng demokratibong rebolusyong bayan sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan at iba pang porma ng pagpapakilos sa malawak na masang Pilipino. Ang armadong rebolusyon sa Pilipinas ang nagsisilbing pinakamalaking balakid sa mga plano ng US na mag-udyok at magpasiklab ng armadong tunggalian sa Asia.
_____
Inihanda ng:
Kawanihan sa Impormasyon
Partido Komunista ng Pilipinas
Marso 2024