Mga protesta
Presyo ng langis, ibaba! Nagprotesta ang mga manggagawa at tsuper sa Quezon City noong Hulyo 31 at Agosto 1 upang tutulan ang “bigtime” na pagtaas nito na aabot sa P 3.50 kada litro simula Agosto 1. Panawagan rin nilang ibasura ng rehimen ang deregulasyon sa industriya ng langis na nagdudulot ng kutsabahan ng mga kumpanya ng langis sa pagtataas ng presyo.
Manggagawang pangkalusugan, gawing regular. Nagsagawa ng “Friday Protest” ang mga manggagawang pangkalusugan ng unyong All UP Workers Union-Manila/Philippine General Hospital (PGH) sa harap ng PGH noong Hulyo 28 para tutulan ang itinuturing nilang pribatisasyon ng ospital na idinadaan sa pagempleyo ng mga kontraktwal na manggagawa. Ito ay pang-apat na beses na nilang paglulunsad ng protesta kada biyernes para tutulan ang kontraktwalisasyon at sa halip ay punan na lamang ang mga bakanteng regular na posisyon para maresolba ang labis na kakulangan sa mga tauhan.
Laban sa TOFI. Nagtipon ang higit 100 estudyante ng University of the East sa ilalim ng Rise for Education sa harap mismo ng kanilang kampus sa Maynila noong Hulyo 21 upang tutulan ang nakaambang 9.5% na pagtaas sa kanilang matrikula sa taong 2023-2024.
Pamilyang de la Cerna, laya na. Nakalaya nooong Hulyo 28 ang pamilyang de la Cerna nang magpyansa matapos ang lampas tatlong taong di makatarungang detensyon. Nakalabas sa kulungan sina Karina de la Cerna, at ang kanyang mga magulang na Albert at Ma. Pilar Dela Cerna, na pawang mga organisador ng magsasaka at manggagawang bukid sa Negros.