Sabayang tumaas: Langis, LPG, pamasahe, toll fee at bigas

,

Sabay-sabay na itinaas ng pribadong mga kumpanya sa yutilidad ang presyo ng batayang mga produkto at serbisyo sa unang mga araw pa lamang ng Agosto. Pinatingkad nito ang kainutilan ng rehimeng Marcos na ibaba ang presyo at singil.

Malinaw na koordinadong itinaas ng mga kumpanya ang presyo ng mga produktong langis noong Agosto 1. Pang-apat na beses na ang pagtaas na ito sa nakaraang apat na linggo. Nagresulta ito sa netong pagtaas ng gasolina ng ₱11 kada litro, ₱3.60 para sa diesel at ₱5.45 sa kerosin sa nakaraang pitong buwan. Ayon sa mga tsuper, mangangahulugan ito ng bawas na ₱90 kada araw o ₱2,250 kada buwan sa kanilang kita. Isa pang big time na pagtaas ang nakaamba sa Agosto 8 kung saan ₱3.60 ang idagdag sa diesel at ₱2.65 ang sa kerosin.

Kasabay ding itinaas ng mga kumpanya ang presyo ng LPG nang hanggang ₱4.55 kada kilo o ₱50.05 kada isang 11-kilong tangke. Binura nito ang mga rolbak na ipinatupad ng mga kumpanya sa nakaraang dalawang buwan.

Sa sumunod na araw, itinaas nang ₱5 ng Department of Transportation ang maksimum na pamasahe sa Light Rail Transit Line 2 (LRT2) mula Recto Station hanggang Antipolo Station, gayundin ang single journey ticket. Itinakda ring ₱14 ang minimum na load ng beep card mula sa dating ₱12.

Sa Agosto 8, magsisimula nang maningil ng toll fee ang Metro Pacific Tollways Corporation ng ₱86 hanggang ₱302 kada sasakyan para sa gamit ng North Luzon Expressway (NLEX) Connector Road. Una nang itinaas ng MPTC ang toll fee sa NLEX nang ₱19 hanggang ₱100 para sa mga trak at ibang malalaking sasakyan noong Hulyo 15.

Tumaas naman nang ₱1.50-₱2 kada kilo ang presyo ng bigas. Idinahilan ng Department of Agriculture ang pananalasa ng Bagyong Egay, na sumira sa di bababa 137,000 ektaryang mga sakahan at nag-iwan ng pinsalang nagkakahalaga ng mahigt ₱2.9 bilyon.

Posibleng tumaas pa ang dagdag-presyo tungong ₱4 sa susunod na mga buwan dahil sa pagkukumahog ng rehimeng Marcos na mag-angkat ng bigas. Ito ay sa harap ng paghihigpit ng suplay ng India at Vietnam, mga mayor na binibilhan ng Pilipinas. Isinisisi ng mga magsasaka ang tila hindi maiiwasang taas-presyo sa kainutilan ni Marcos na bigyan ng sapat na suporta ang lokal na mga magsasaka. Hindi nito pinalakas ang lokal na produksyon, at sa halip umasa lamang sa importasyon. Nagtaasan din ang presyo ng karamihan sa mga gulay.

Sabayang tumaas: Langis, LPG, pamasahe, toll fee at bigas