Mga protesta

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisaya

 

Dagdag-sweldo, giit ng mga kawani. Nagtipon ang mga kawani ng gubyerno mula sa kagawaran ng edukasyon, kalusugan at iba pang ahensya sa harap ng Kongreso noong ika-10 ng Agosto upang igiit ang dagdag na badyet para sa kanila habang idinidinig sa House Committee on Appropriations ang panukalang ₱5.768 trilyong pambansang badyet ng rehimeng Marcos Jr para sa 2024.

Petisyon para sa dagdag-sahod sa Region 4-A at 7. Nagtipon ang mga manggagawa sa ilalim ng Workers’ Initiative for Wage Increase-ST sa RWB 4-A sa Batangas City noong Agosto 7 para igiit na itaas tungong ₱750/araw ang minimun na sahod sa rehiyon. Samantala, nagpiket sa harap ng DOLE-7 sa Cebu City noong Agosto 9 ang mga manggagawa sa ilalim ng AMA-Sugbo-KMU kasabay ng pagsumite nila ng petisyon para sa ₱100/araw na dagdag-sahod sa buong Rehiyon 7.

Konntra-mina sa Samar. Nagmartsa noong Agosto 7 sa sentro ng Borongan City, Eastern Samar ang higit 2,000 na residente mula isa iba’t ibang panig ng Samar para ipanawagan ang pagpapahinto sa mapanirang proyektong pagmimina sa isla ng Homonhon at Manicani at iba pang bahagi ng isla.

First day fight! Sinalubong ng protesta ng mga estudyante ng University of Sto. Tomas (UST) ang unang araw ng kanilang klase noong Agosto 9 sa harap mismo ng kanilang pamantasan upang ipanawagan ang pagtataguyod sa karapatan sa edukasyon ng mga kabataan at pagpapabasura sa 6% pagtaas ng kanilang matrikula at ibang bayarin.

Laban, UP. Nagmartsa ang mga lider-kabataang mula sa iba’t ibang kampus ng University of the Philippines na delegado ng General Assembly Student Councils noong Agosto 16 sa harap ng kampus ng UP Mindanao upang ipanawagan ang dagdag na badyet sa mga pampublikong pamantasan at kundenahin ang panggigipit na dinaranas ng mga estudyante sa kamay ng mga ahente ng estado kasama ang ginawa sa kanila ng mga kapulisan papunta sa orihinal na lugar na pagtitipunan nila sa Freedom Park sa Davao.

Mga protesta