Opensiba ng BHB sa Quezon at Mindoro, tagumpay!
Naglunsad ng mga taktikal na opensiba ang mga yunit ng BHB sa Quezon at Mindoro na nagresulta sa anim na patay at anim na sugatan sa AFP.
Setyembre 1. Lima ang patay at apat ang sugatan sa ambus ng isang yunit ng Apolonio Mendoza Command (AMC)-BHB Quezon sa 85th IBPA at CAFGU sa Sityo Pag-asa, Brgy. Mapulot, Tagkawayan bandang alas-7 ng umaga. Tumagal ang labanan ng mahigit isang oras. Nakasamsam ang yunit ng AMC ng limang M16 at iba pang mga bala.
Nagsasagawa ng recon patrol ang mga militar sa paligid ng kampo nito sa Sityo Pag-asa nang tambangan sila ng BHB Quezon. Tinatayang nasa humigit kumulang 500 metro ang layo ng pinangyarihan ng labanan sa detatsment ng kaaway. Gumamit ang BHB Quezon ng mga riple at command-detonated explosive na dumurog sa 9-kataong iskwad ng nagpapatrulyang 85th IBPA at CAFGU.
Inilunsad ng BHB Quezon ang taktikal na opensiba upang bigyang hustisya ang lahat ng mga biktima ng paglabag ng 85th IBPA sa karapatang tao.
Setyembre 20. Ginawaran ng punitibong aksyon ng isang yunit ng Lucio de Guzman Command (LdGC)-BHB Mindoro ang kumpanyang quarry na Paolo Construction, pagmamay-ari ni Bongabong Mayor Elgin Malaluan, bandang 3:30 ng hapon. Sinira ng mga Pulang mandirigma ang isang bulldozer. Ipinaliwanag din nila sa mga manggagawa ang mapaminsalang epekto ng quarry at iba pang porma ng pagmimina.
Nag-oopereyt ang naturang kumpanya sa kahabaan ng ilog ng Bongabong, Oriental Mindoro. Ang quarrying o pagmimina ng armour rocks, graba at buhangin ay nagdudulot ng matitinding pagbaha at pagguho ng lupa.
Ayon sa LdGC, pagtugon ito sa kahilingan ng mamamayan ng Mindoro laban sa pagmimina at sa inilabas na Provincial Ordinance 145-2022 noong nakaraang taon na nagpapahintulot sa muling pagmimina ng armour rocks.
Setyembre 27. Isang patay at dalawang sugatan ang natamo ng nag-ooperasyong 80th IBPA sa aktibong depensa ng BHB Quezon sa Sityo Mararaot, Brgy. Lumutan, General Nakar, ganap na alas-10 ng umaga. Ayon sa yunit, 11 araw nang nag-rerekurida ang militar sa baryo. Kinokontrol ng mga pasista ang aktibidad at pagbili ng pagkain ng mamamayan. Silbing bantay ang mga pasista sa itinatayong proyektong Kaliwa-Kanan-Laiban Dam na tinatayang magpapalayas sa mga komunidad sa Brgy. Sta. Inez, Daraitan at Laiban sa Tanay, Rizal; at Brgy. Lumutan at Pagsangahan sa General Nakar.
Ayon kay Armando Cienfuego, tagapagsalita ng Melito Glor Command-BHB TK, “Nagtagumpay ang mga opensiba ng BHB dahil sa hindi nagmamaliw na suporta at pagmamahal na tinatamasa nito mula sa inaapi at pinagsasamantalahang masang magsasaka sa rehiyon.”###