Para saan ang buhay ni Ka Shane?

Mataas na panggitnang magsasaka mula sa Bicol ang uring pinagmulan ni Ka Shane pero hindi naging maalwan ang kanyang buhay. Hindi siya nakapagtapos ng kolehiyo dahil sa kahirapan at impluwensya ng bulok na kultura. Taong 2009, umalis siya sa kanila upang makapagsapalaran sa Maynila sa pangarap na makapagpundar ng buhay na kanyang maipagmamalaki.

Pagdating sa Maynila, naging boy sa palengke si Ka Shane, naging barbero din siya at matapos ang ilang buwang paghihintay, natanggap siya bilang manggagawa sa kumpanya ng biskwit. Laking tuwa niya na natanggap siya sa trabaho. Pumirma siya sa tatlong buwang kontrata. Nag-apply siya bilang operator ng makina sa pabrika ngunit itinalaga siyang reliever sa iba’t ibang departamento.

Bilang reliever, naikot niya ang mga departamento at natutunang patakbuhin ang halos lahat ng mga makina rito. Nakilala niya ang mga kapwa manggagawa at nakita ang iba’t ibang porma ng pagsasamantala. Napakarami pala nilang kontraktwal. Pare-parehas silang laging pagod—16-24 oras na pagtatrabaho pero kapiranggot ang sahod na ₱420.

Wala pa siyang alam noon hinggil sa pag-uunyon ngunit naririnig niya na ito. Pinaghusayan na lamang niya ang kanyang trabaho at makalipas ang siyam na buwan ay naging regular na siya. Makalipas ang apat na taon, nagtayo ng sister company ang naturang kumpanya sa Laguna. Isa si Ka Shane sa mga inilipat doon upang magsanay ng mga dagdag operator para sa bagong bukas na pagawaan. Pumirma sila sa kontrata na nagsasabing mananatili ang kanilang istatus bilang regular at ang kanilang sahod bagama’t ililipat sila ng pabrika.

Ngunit makalipas ang ilang buwan, hinainan siya ng kumpanya ng bagong kontrata. Dito nakalagay na ibabalik sila bilang kontraktwal at bababa ang sahod mula ₱680 tungong ₱370 at tatanggalin ang kanilang mga benepisyo at bonus. Napilitan silang pumirma sapagkat mawawalan sila ng trabaho kung hindi siya sasang-ayon sa bagong kontrata.

Lubos ang kanyang galit noon sa kumpanya. Matapos silang gamitin sa pagpupundar ng bagong pabrika at pagsasanay sa mga bagong empleyado, ay nilapastangan pa sila. Inapakan ang kaniyang karapatan ngunit hindi pa niya alam noon kung paano ito ipaglalaban. Makalipas ang isang taon ay kusa na rin siyang nag-resign dahil sa hirap ng trabaho at hindi nakabubuhay na sahod.

Ilang buwan siyang nagpalipat-lipat sa mga pagawaan. Pumasok siya sa pagawaan ng chichirya, noodles at sabon. Hindi siya nakatagal sa mga ito dahil napakahirap at napakadelikado. Naranasan niyang maghapong maghakot at magpakete ng mga chichirya, mapasuan ng balat sa kamay sa pagawaan ng noodles dahil wala silang personal protective gear. Pinakamalala nang matuklapan ang kaniyang batok hanggang likod dahil sa tapang ng kemikal na pinapasan.

Sa sunod na pinasukang pabrika, lahat sila ay kontraktwal. Maski ang kasamahan niyang 26 taon nang nagtatrabaho rito. Dito na niya naranasan ang sunod-sunod na 16-24 oras na shift para habulin ang export quota. Naaaksidente ang kanyang kapwa manggagawa. Nariyang may nabalian ng braso, daliri, na-stroke, at may namatay pa nga.

Dito, narinig niya muli ang salitang “unyon”. Sa pagkakataong ito, mapapasali na siya rito.

Kakatwa ang kwento ng pagpasok niya sa unyon. Hindi niya alam na ang kasama pala niya sa boarding house ay pangulo at pangalawang pangulo ng unyon. Minsan siyang niyaya ng “tagay” ng mga ito. Bilang manginginom, agad-agad at tuwang tuwa siyang sumama. Hindi pala totoong inuman ang pupuntahan nila kundi pag-aaral—pag-aaral ng Maikling Kurso sa Lipunan at Rebolusyong Pilipino (MKLRP).

Sa pag-aaral, dahil hindi pa niya ito lubos na nauunawaan, binatikos pa niya ang pag-uunyon at protesta. Sabi niya “Dudurugin lang kayo ng malalaking kapitalista, panggulo lamang kayo sa mapayapang buhay at dagdag trapik pa.”

Bagama’t ganito ang kanyang sagot, patuloy pa rin siyang pinaliliwanagan ng mga katrabaho niyang kasapi ng unyon. Hanggang sa niyakag na naman siya sa isang “piyestahan” sa isang pabrika ng inumin. Akala niya, maraming pagkain at alak kaya’t sumama siya.

Papalapit na sa pagawaan nang bigla silang sinugod at babatutain ng mga pulis. Nakita na rin nila ang malawak na piket ng mga manggagawang iligal na tinanggal, bitbit ang panawagan ng hustisya, dagdag sahod at maayos na kalagayan sa paggawa. Ang akala niyang piyestahan, kilos protesta pala! Sa galit niya sa pulis, nakisali na rin siya sa piket at tumulong pa sa pagtibag sa gate ng pabrika.

Dito na siya lubusang namulat at nagpasyang sumali sa unyon. Natutunan niyang kaya naman pala nilang labanan ang malalaking kumpanya basta’t sila ay sama-samang kikilos.

Isa siya sa mga nanguna sa paglulunsad ng welga sa loob ng kanilang pagawaan sa kabila ng maraming beses na harassment at pananakot sa kanila ng kumpanya. Nag-organisa rin siya ng kapwa manggagawa at nagpalalim ng pampulitikang pag-aaral. Nakabisa na niya ang MKLRP na mistulang nagbibigay siya ng pag-aaral habang nagpopropaganda.

Hanggang sa hindi na siya nasapatan sa pagkilos sa lungsod at nagpasyang sumapi sa Bagong Hukbong Bayan (BHB). Ika niya, “Bukod sa sarili at aking mga katrabaho, gusto kong tumulong at magsilbi pa sa higit na malawak na masang Pilipino sa kanayunan.”

Tinalikuran niya ang kaniyang mga bisyo at kinalakhang buhay, at sinuong ang kanayunan kahit palampa-lampa ang kaniyang mga paang sanay sa semento at kalsada, hindi sa putik at sukal.

Sa proseso ay hinarap niya ang maraming krisis sa sarili. Naiisip niya ang kanyang pamilya at ang buhay-sibilyan. Bakit nga ba siya nagpapakahirap sa bundok kung pwede namang bumalik sa dati niyang buhay? Makikitagay. Barkada. Subalit napangibabawan niyang lahat ang mga ito. Ngayon ay walong taon na siyang hukbo.

Maraming beses na rin siyang napalaban, natamaan ng bala, at napahiwalay sa yunit. Mayroon siyang karanasan na ilang linggong napahiwalay sa mga kasama matapos ang isang labanan. Habol-habol siya ng mga sundalo. Sa bawat puntahan niya, wala siyang kakilala. Walang pagkain at kahit barya man lang. Minsa’y gusto na niyang sumuko sa sobrang pagod, gutom at sakit na naramdaman dahil sa tinamong sugat sa labanan, ngunit hindi niya ito ginawa,

Ang kanyang dahilan:

Ang masang pinaglilingkuran niya. Lagi niyang nasa isip na, “Iisa lang naman ang buhay ko, sa rebolusyon ko na ito iaalay.”

Taglay pa rin niya ang tatak ng isang proletaryado—matalas ang pokus sa trabaho, nais matuto ng mga bagong gawain, disiplinado, mataas ang pagpapahalaga sa kolektibong buhay at may tapang. Masigla siya sa paglahok sa produksyon kahit pa hindi naman siya marunong magsaka. Dahil sa kanyang kasigasigang matuto at gumampan ng mga gawain, isa na siya ngayong medik at kadreng militar. Makikita sa kanya ang kahalagahan at malaking ambag ng uring manggagawa sa BHB.

Ang pang-aapi at pagsasamantala sa kanila ng kapitalista ay hindi mawawakasan hangga’t hindi nagwawagi ang rebolusyon. Ika niya, dito natin simulan sa kanayunan ang pagpapalakas hanggang sumulong papunta sa kalunsuran. Ang papel nilang manggagawa ay magsilbi bilang mga hindi kinakalawang na pyesa sa makina ng rebolusyon na magpapanday ng malayang lipunan.

Alam niyang sa hinaharap ay marami pa siyang daranasing kahirapan at sakripisyo, ngunit alam din niyang matatag niya itong mahaharap basta’t alam niya kung para kanino at bakit niya ito ginagawa. Ngayon ipinagmamalaki niya ang kanyang buhay—isang buhay na buong puso niyang iniaalay sa masa.###

Para saan ang buhay ni Ka Shane?