Taas-presyo ng kopra at pagbawi ng coco levy fund, makatarungang kahilingan ng magsasaka sa niyugan

Grabeng pahirap sa sambayanan ang napakabilis na pag-akyat ng implasyon sa ilalim ng inutil na rehimeng US-Marcos-Duterte. Katunayan, umabot ang implasyon sa pinakamataas na tantos nito sa nakaraang 14 taon. Para hindi mapahiya, panay ang buladas ng reaksyunaryong gubyerno na hindi pa umano ito malala. Pero sinong maniniwala? Bigas pa lamang, butas na ang bulsa ng masang Pilipino.

Dagdag pasakit ito sa 3.5 milyong magsasaka sa niyugan na matagal nang pinabayaan ng gubyerno. Bibilang sa 90%, o 9 sa 10 magniniyog, ang mahirap. Malaking mayorya sa kanila ang mga tauhan at nagpapaupa lamang sa lupa ng mga panginoong maylupa. Napakababa ang kanilang kita dahil sa mataas na upa sa lupa, mababang pasahod at mababang presyo ng buo at kopra na pasisidhiin pa ng mga pandaraya ng PML-koprada.

Kalagayan sa gitna ng implasyon

Karaniwan na sa mga magsasaka ang maghanap ng dagdag na pagkakakitaan dahil sobrang liit ng kinikita sa pagsasaka o pagkokopra. Ito ang karanasan ni Jim na may sariling dalawang ektaryang niyugan. Kahit 59 taong gulang na, walang tigil siyang kumakayod para kumita ng pera. Nagtitipon siya ng produktong bukid gaya ng saging at luya na pambenta. Paminsan-minsan, naglalako siya ng tinapay at tsitsirya sa baryo. Di rin nila halos maramdaman ang kakarampot na ayuda na nakukuha ng kanyang asawa na P3,000 mula sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na minsanan lang sa isang taon.

Kung aasa lang sa koprasan, papatak ang kita ni Jim ng P1,167-1,333 kada buwan. Sa isang taon, kataasan na ang apat na beses na makapagkopra. Madalas siyang nagpapakopra at kumukuha ng kalahati ng pinagbentahan ng kopra at buo. Kayang kunan ng hanggang 3,000 buo ang kanyang lupa at sa pangkaraniwan ay umaabot ang kita ng P7,000-8,000. Binibili ng lokal na koprada sa lugar nila ang kopra sa P20/kilo habang P8 naman sa buo.

Napagkakasya pa ni Jim ang kanyang kita para pakainin ang pamilya kahit tumaas na ng P8/kilo tungong P50 ang presyo ng binibili nilang bigas at nasa P90/kilo ang asukal. Pero hindi na niya kayang pag-aralin ang lahat ng anak niya, kaya nitong pasukan hindi na pumasok sa Grade 11 ang isa niyang binatilyo.

Mas mataas ang presyo ng kopra sa P29/kilo sa probinsya nina Elmar at Bibo. Ayon sa ilang magsasaka, kaya pa nilang tugunan ang pagkain at edukasyon ng mga anak, subalit ramdam na nila ang pagtaas ng arawang gastusin. Halimbawa, ang isang kabang bigas na dating nabibili sa P2,000 ay P2,600 na ngayon. Kwento ni Bibo, naubos na sa pagkain ang kanyang kita kaya hindi na siya makabili ng feeds na nagkakahalaga ng P65/kilo para sa kanyang alagang baboy. Daing naman ni Elmar, malaking bawas na sa kanyang kita ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa halip na mapunta sa gastusin sa pag-aaral ng kanyang mga kapatid.

Pareho ang daing nina Jim, Bibo at Elmar: sunud-sunod ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin pero hindi naman tumataas ang presyo ng kopra. Anila, dapat itaas ang presyo ng kopra upang makasabay sila kahit papaano sa implasyon.

Kung dumadaing si Jim, Bibo at Elmar na may maliit na parsela ng nyugang pag-aari sa epekto ng implasyon, di hamak ang sigaw dahil sa hirap na dinadanas ng mga maralita, mababang panggitna at manggagawang bukid sa niyugan na mga walang sariling lupa ngunit tauhan lamang ng mga PML. Sa mga lupaing ito, napakataas ng upa sa lupa sa anyo ng tersyo’t 60-40 pabor sa PML at 50-50 sarili ng mga magsasaka ang gastos sa tapat, kawit at hilada ang ipinatutupad na partehan pabor sa mga panginoong maylupa.

Sa isang pambansang konsultasyon sa mga magsasaka sa niyugan nitong Agosto, pinagkaisahang ipanawagan ang pagtataas ng presyo ng kopra upang humabol sa halaga ng isang kilong bigas, habang itataas sa 1/3 nito ang presyo ng buo.

Walang napala sa coco levy

Habang tumitindi ang krisis ng implasyon lalong nagiging mas mahalaga na ibalik sa magsasaka ang coco levy fund na ninakaw at ipinagkakait sa kanila ng reaksyunaryong gubyerno. Higit limang dekada na mula nang ipataw ng diktadurang US-Marcos ang Republic Act 6260 kung saan ipinataw ang “buwis sa niyog” na 55 sentimo sa kada 100 kilo ng kopra. Nangolekta ang estado ng coco levy mula 1972 hanggang 1986. Dinambong nina Marcos Sr. at mga kroni nito laluna nina Cojuanco, Enrile at Lobregat ang pondo sa coco-levy. Katunayan ito ang ginamit na puhunan ni Danding Cojuanco upang bilhin ang 20% sapi sa San Miguel Corporation.

Naipanalo sa Korte Suprema sa pamamagitan ng militanteng pagkilos ang pagbabalik ng coco levy fund sa tunay na nagmamay-ari rito, ang mga magsasaka, subalit paulit-ulit na sinasagkaan ng reaksyunaryong rehimen ang pagpapatupad ng desisyon. Lahat ng batas hinggil sa coco levy fund mula rehimeng Arroyo hanggang Duterte ay nakatuon sa paglalayo nito sa kamay ng magsasaka—at paglikha ng mekanismo upang mas madali itong dambungin gaya ng ginawa ng mga kroni ni Marcos Sr. Aabot na sa P105 bilyon ang coco levy fund na nahahati sa asset at cash.

Sa matagal na panahon, hindi napakinabangan ng masang magsasaka ang coco levy fund at hindi rin nila ito nagamit para paunlarin ang sariling mga niyugan. Tumanda na hanggang namatay ang mga orihinal na nagbayad ng coco levy nang hindi man lang nakatikim ng benepisyo rito. Wala ding isa mang naparusahan sa mga mandarambong.

Hindi aasahang makabenepisyo ang mga magsasaka mula sa coco levy fund kung marami sa kanila ang walang alam tungkol dito. Sina Jim at Bibo ay kapwa nagsabing hindi pa nila ito narinig dati. Ang mga kababayan naman ni Bibo na sina Mike at Elmar ay nalaman lamang ang coco levy fund sa mga pampulitikang pag-aaral ng BHB na ibinibigay sa mga magsasaka. Sa kanilang lugar, wala silang kilalang benepisyaryo nito. Hindi rin nila alam kung may balidasyon ng National Coconut Farmers Registration System sa kanilang bayan.

Hindi rin nagagamit ang coco levy fund upang tulungan ang mga nasalanta ng kalamidad. Sa mga nakaraang bagyo, walang natanggap na tulong sina Jim, Bibo, Mike at Elmar kahit na napinsala ang mga niyugan. Noong nakaraang taon, dalawang beses lamang nakapagpakopra si Jim subalit hindi siya nakakuha ng ayuda.

Sa buong bansa, may 44 milyong puno ng niyog na sira na at o matatanda na at dapat palitan. Hindi rin ito nalaanan ng kahit kaunting pondo mula sa coco levy.

Patuloy na nakikibaka ang mga magsasaka para mabawi ang coco levy fund. Iginigiit nila ang direkta at kagyat na distribusyon ng coco levy fund sa mga magsasaka at paglikha ng pondo para sa kagalingan ng maliliit na magniniyog.

Taas-presyo ng kopra at pagbawi ng coco levy fund, makatarungang kahilingan ng magsasaka sa niyugan