Gerang disimpormasyon ng US para itulak ang Pilipinas sa gera

, ,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisayaHiligaynon

Malinaw na malinaw na ang imperyalismong US ay hindi kaibigan ng sambayanang Pilipino. Ito ang walang kaduda-dudang pinatunayan ng pag-asinta ng militar ng US sa mga Pilipino sa nabunyag na lihim na kampanyang disimpormasyon nito noong kasagsagan ng pandemyang Covid-19. Maitim na pakay noon ng US na lasunin ang isip ng mga Pilipino ng maling impormasyon kaugnay sa bakunang Sinovac mula China, palabasing hindi iyon ligtas o epektibo, upang paburan ang mga bakunang gawang-US tulad ng Pfizer at Moderna. Ang gayong pagpapakalat ng US ng disimpormasyon ay lubhang nagsapeligro sa pampublikong kalusugan sa Pilipinas, at pinaniniwalaang salik sa naging mabagal na pag-usad noon ng pagpapabakuna sa bansa.

Ang naturang kampanyang disimpormasyon ay pinangunahan at pinondahan ng Pentagon o Department of Defense ng US. Nagsimula iyon sa ilalim ng dating gubyernong Trump, at nagpatuloy hanggang sa unang mga buwan ng kasalukuyang gubyernong Biden. Malaking pondo ang ibinuhos ng US para sa pagpakat ng mga sundalo at iba pang tauhan para lumikha at magpatakbo ng daan-daang mga pekeng account sa social media para impluwensyahan ang mga Pilipino sa islogang “China ang virus”.

Ang kampanyang disimpormasyong ito ay isinagawa ng militar ng US alinsunod sa linya ng “aktibong kombat” na siyang doktrinang pinaiiral ngayon ng US sa kompetisyon at pakikipaggirian sa mga imperyalistang karibal nitong China at Russia. Ginagamit ng US ang mga pwersang militar nito sa “aktibong kombat” kahit walang nagaganap na tuwirang armadong sigalot. Ginagawa ito kasabay ang mga hakbanging panggigipit sa ekonomya (tulad ng mga sangsyon o pang-iipit sa pamumuhunan at kalakalan), pati na ang aktibong paggamit ng pwersang militar upang kontrahin ang lumalawak na lakas at impluwensya ng mga karibal nito.

Ang ganitong kampanyang disimpormasyon o gera sa impormasyon ay patuloy na isinasagawa ngayon ng imperyalismong US sa Pilipinas. Target nito ang isip ng mga Pilipino upang palabasing “kaibigan, katuwang at kakampi” nila ang US, at “kalaban” ang China. Kasabwat ang mga tuta nito sa gubyernong Marcos, pati na ilang senador at kongresista, at mga bayaran o naiimpluwensyahang institusyon at tauhan sa burges na masmidya, hinuhulma ang isip ng mga Pilipino upang maging katanggap-tanggap sa kanila ang presensya at pamamayagpag ng mga sundalong Amerikano sa loob at paligid ng bansa.

Muling sinusuhayan ang baluktot na paniniwalang “big brother” o “nakatatandang kapatid” ang US na “magtatanggol” sa “kawawang” Pilipino, taliwas sa katotohanang dalawang beses nang ginera ng imperyalismong US ang Pilipinas para agawin ang kalayaang natamo sa rebolusyonaryong paglaban ng mga Pilipino, una laban sa kolonyalismong Espanya, at ikalawa, laban sa pananakop ng Japan. Pinalalabas ngayon na sa ilalim ng Mutual Defense Treaty, “tutulungan” ng US ang Pilipinas laban sa China, gayong ang katotohanan, hindi kikilos ang US na hindi iniuuna ang sarili nitong interes. Ginagamit ng US ang mga kasunduang militar nito sa Pilipinas para magamit ang bansa na malaki nitong base militar upang ilunsad ang pang-uupat nito ng gera laban sa China.

Ginagatungan ngayon ng US at rehimeng Marcos ang Sinophobia o ang isterya, duda, takot o galit sa China at lahat ng Chinese sa Pilipinas. Wala mang kongkretong ebidensya, pinakakalat ang mga haka-haka tungkol sa mga espiyang Chinese, impiltrasyon at mga sikretong grupo ng mga sundalong Chinese sa Pilipinas. Mismong si Marcos ang numero unong promotor nito sa ilang ulit na niyang pagpahiwatig na isang malaking “panlabas na banta” ang China sa Pilipinas, dahil diumano sa mga hidwaang pangkaragatan. Habang hinahabi ang kwento ng “planong paglusob ng China,” naghahari-harian ang mga pwersang militar ng US at buong-layang ginagamit ang lupa, himpapawid at karagatan ng Pilipinas sa pagsasanay at paghahanda sa gera.

Kasabwat ang US, paulit-ulit ang AFP at Philippine Coast Guard sa pagtatangkang magdala ng mga kagamitang pangkonstruksyon sa mga “supply mission” nito sa Ayungin Shoal, na alam nilang uudyok sa China dahil labag ito sa dating mga kasunduan nito sa Pilipinas. Sadyang sinasagkaan ng US at rehimeng Marcos ang daan ng dayalogo o negosasyon na siyang dapat na landas para mapayapang lutasin ang sigalot sa karagatan. Sa walang tigil na pagkakanti ng rehimeng US-Marcos, ang China ay naging agresibo at mabalasik sa pakikitungo nito sa Pilipinas at sa hindi nito pagkilala sa mga karapatan ng Pilipinas na kinilala ng pandaigdigang hukom noong 2016.

Walang tigil, walang sawa at walang pagkaubos ang pondong ibinubuhos ng imperyalismong US sa lahat ng larangan ng gerang impormasyon, para itanim ang asal-alipin at asal-taksil sa kamalayan ng mga Pilipino. Araw-araw na maririnig ang tinig na imperyalismong US na nagsasalita sa iba’t ibang kaanyuhan at katauhan sa social media, sa mga balita, sa mismong bibig ni Marcos at mga upisyal ng kanyang gubyerno.

Imbing layunin ng imperyalismong US na puksain ang lahat ng alab ng pagmamahal sa bayan sa dibdib ng mga Pilipino, at ipatanggap sa sambayanan na sila ay masayang mga bilanggo sa ilalim ng malakolonyal na paghahari nito sa Pilipinas. Nais ipatanggap sa sambayanan ang ginagawang pagyurak sa kasarinlan ng Pilipinas at paggamit sa bansa bilang instrumento sa pang-uupat ng US ng armadong sigalot sa China. Nais nilang ipikit ng mga Pilipino ang kanilang mga mata sa maliwanag na katotohanan na ang bansa ngayon ay instrumento sa estratehiyang heyopulitikal ng US, na may layuning ipataw ang hegemonya sa iba’t ibang panig ng mundo at sagasaan ang sinumang bansa o pwersang tututol.

Dapat matamang magbantay, ilantad at iwaksi ng sambayanang Pilipino ang gerang disimpormasyon ng imperyalismong US at tutang rehimeng Marcos para kontrolin o impluwensyahan ang kanilang pag-iisip, sikolohiya at emosyon. Walang ibang mas mabisang paraan kundi ang isagawa ang kilusang pag-aaral para balikan ang kasaysayan, hindi sa punto de bistang burges at maka-US, kundi sa pananaw ng masang lumalaban, upang pukawin at pag-alabin ang diwang makabayan ng sambayanan, sa kanilang pagbagtas sa landas ng pakikibaka para sa tunay na kalayaan ng bansa.

Gerang disimpormasyon ng US para itulak ang Pilipinas sa gera