2 elemento ng 76th IBPA, patay sa engkwentro labanan sa BHB-Mindoro
Dalawang pasistang AFP ang napaslang at nasugatan ang iba pa sa engkwentrong naganap sa pagitan ng Lucio de Guzman Command-BHB Mindoro at 76th IBPA noong Nobyembre 26 bandang alas onse ng umaga sa Sityo Balite, Brgy. Lumangbayan, Abra de Ilog, Occidental Mindoro. Habang naglalakad, unang napansin ng mga Pulang mandirigma ang mga nag-ooperasyong 76th IBPA at agad pinaputukan ang mga berdugo. Tumagal ng sampung minuto ang labanan at ligtas at organisadong nakaatras ang yunit ng BHB.
Sa labis na pagkapikon ng 76th IBPA sa tinamong pinsala, walang tigil na nagpaputok ang mga ito hanggang lampas alas dose ng tanghali. Nagpakalat din ang mga ito ng kasinungalingang ang napatay ay kasapi ng BHB at na nagkawatak-watak ang mga Pulang mandirigma sa pag-atras. Pinagbuntunan ng galit ng mga berdugo ang mga residente ng Brgy. Lumangbayan at karatig na Udalo at iba pa. Kinontrol ng 76th IBPA ang aktibidad ng residente, nagsagawa ng panghuhuli at pinagbawalang umalis sa barangay. Resulta nito, sapilitang lumikas ang mga residente.
Ayon kay Madaay Gasic, tagapagsalita ng BHB-Mindoro, “Patunay ang panibagong labanan sa Mindoro ng kabiguan ng 2nd Infantry Division at 203rd Brigade na bigo itong wakasan ang rebolusyonaryong kilusan sa Mindoro kagaya ng banta ni Major General Zabala noong Agosto na tapusin ang CPP-NPA-NDF pagsapit ng katapusan ng 2025. Matibay na testimonya ito na kailanman, hindi mauubos ang determinasyong lumaban ng tunay na hukbo ng masa, ang BHB.”