Kilusang masa ng kabataan, nakatulong sa 100 pamilyang biktima ng sakuna

Bago pa man ang buwan ng Nobyembre inaasahan na ang pagpasok ng ilang malalakas na bagyo sa bansa. Kaya agad na nagplano at kumilos ang Sketchers, isang balangay ng Kabataang Makabayan sa Timog Katagalugan.

Pagpasok pa lang ng Bagyong Tino at Super Bagyong Uwan sa Philippine Area of Responsibility, nanawagan na ang Sketchers para makalikom ng tulong pinansyal at materyal—pagkain, tubig, gamit pangkalinisan, damit at gadgets na magagamit ng mga pamilyang maaapektuhan ng kalamidad. Mabilis na nagpulong ang kasapian at nag-antabay sa mga balita kaugnay sa bagyo upang matiyak ang maagap na pagtugon. Noong huling linggo ng Oktubre, naglunsad sila ng information drive sa mga social media platforms at nanawagan ng mga boluntir at donasyon.

Minobilisa ng Sketchers ang kanilang samahan. Epektibong naabot ng kanilang social media campaign ang mamamayan kaya’t bumilis ang paglikom ng suporta. Nakakuha sila ng suporta para sa higit 100 pamilya at nakalikom ng nasa ₱20,000 donasyong pinansyal. Namahagi sila ng relief packs, hygiene kits, gamot, damit, sapatos, unan at kumot, at iba pang mahahalagang gadgets para sa mga nawalan ng kuryente.

Ayon sa Sketchers, “Sa kabila ng hamon ng magkasunod na bagyo, napatunayang ang maagap, organisado, at nagkakaisang pagpaplano ay may kakayahang makapaghatid ng tunay na tulong sa masa.”

Habang ipinakikita ang lakas ng sama-samang pagtulong, nalalantad ang kapabayaan ng reaksyunaryong gobyernong nakatuon lamang sa pagpapataba ng bulsa at pagpapahirap sa sambayanang Pilipino. Inilinaw ng balangay sa kanilang kasapian at mga masang naabot ng kanilang kampanya na walang maaasahan ang taumbayan dahil walang mahusay na plano ang gubyerno ni Marcos upang tugunan ang lumalalang epekto ng krisis pangklima. Sa huli, sa sama-samang pagkilos pa rin dapat sumandig ang sambayanan.

Kilusang masa ng kabataan, nakatulong sa 100 pamilyang biktima ng sakuna