Serye ng pagkilos ng mga kabataan sa TK, tagumpay!
Matagumpay ang serye ng pagkilos ng mga kabataan na inilunsad sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon nitong Nobyembre, na tinaguriang Buwan ng Militanteng Kabataan, upang tuligsain ang talamak na korapsyon at inhustisya sa ilalim ng rehimeng US-Marcos II na nagpapatindi sa araw-araw na danas ng mga mamamayang Pilipino.
Binuksan ang Buwan ng Militanteng Kabataan sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga protest centers sa mga probinsya at pamantasan. Ito ang naging behikulo para ilunsad ang mga pulong masa, educational discussions at mga workshop ng mga placards at iba pang propaganda materials. Sinimulan naman ang naturang mga pagkilos noong Nobyembre 14 sa isang malawakang anti-corruption forum kung saan nagtipon ang mga taong simbahan, mga tsuper, maliliit na vendor, mga grupo mula sa iba’t ibang pangkulturang samahan, at kasama ang daan-daang mga kabataan, sa San Pablo City, Laguna. Nasundan naman ito ng mga protest action sa UP Los Banos at Cavite State University-Main Campus bilang pagdiriwang at pag-alala sa militanteng kasaysayan ng International Students’ Day noong Nobyembre 17.
Sa pangatlong pagkakataon ngayong taon, naglunsad muli ng walkout ang mga estudyante sa Cavite State University – Main Campus noong Nobyembre 19 at UP Los Banos noon namang ng Nobyembre 21. Kasabay nito, naglunsad din ng walkout sa Southern Luzon State Universty Main Campus at Calamba City Colleges, sa kabila ng intimidasyon at pagbabanta mula sa administrasyon ng pamantasan. Libong mga kabataan ang lumahok sa mga walkout. Samantala, daan-daan naman ang lumahok sa mga kasabay na kilos protesta kontra korapsyon, sa ilalim ng banner na Black Friday Protests, ang mga kabataan sa Antipolo at Angono, Rizal, gayundin ang mga kabataang Batangueño sa harap ng Batangas State University – Pablo Borbon.
Sa kasagsagan ng kampanya, naitayo ang mga pamprobinsya at lokal na alyansa ng mga kabataan kontra korapsyon at ang mga panimulang binhi ng bagong mga balangay ng mga pambansa-demokratikong pangmasang organisasyon ng mga kabataan sa iba’t ibang pamantasan at probinsya ng rehiyon.
Sa Nobyembre 30, dinaluhan ng mahigit 3,000 mga mamamayan ng rehiyon ang pagdiriwang ng Araw ni Bonifacio sa Crossing Calamba sa Laguna. Sa kaparehong araw ay inalala at pinag-alab ng mga kabataan ang militansya sa paglaban sa lahat ng tipo ng panlipunang sigalot, lalo na ang korapsyon at inhustisya. Nagkaisa ang mga lumahok sa pagkilos na kailangang panagutin ang lahat ng sangkot sa korapsyon sa gobyerno, pangunahin sina Marcos Jr. at Sara Duterte, bilang mga hari at reyna ng korapsyon.