Tugon ni Patnubay de Guia Bakit makatarungan ang mag-armas laban sa mapaniil na estado?

Makatarungan ang mag-armas laban sa mapaniil na estado upang baguhin ang sistema at ibagsak ang estadong sumusupil sa mamamayan. Dahil patuloy na umiiral ang tunggalian ng uri sa pagitan ng naghahari at pinaghahariang uri, ng nagsasamantala at pinagsasamantalahan, ng nang-aapi at inaaping uri, ginagamit ng estado ang dahas upang panatilihin ang kaayusang pumapabor sa interes ng mapang-api at mapagsamantalang naghaharing uri. Ito ang susing usapin sa likod ng alinmang makauring lipunan at ang dahilan bakit lumalaban ang mamamayan.

Likas ang antagonismo sa anumang lipunang may uri bunga ng kanilang nagbabanggaang interes. Itinatag ng bawat naghaharing uri ang estado upang maging “tagapamagitan” sa di mapagkasundong antagonismo o tunggalian ng mga uri, itinayo ang estado na waring gumagampan sa ibabaw ng lahat ng uri. Syentipikong katangian ng estado ang pagkiling sa kung sino mang naghaharing uri sa lipunan. Ginagamit nito ang lahat ng aparato na burukrasya, armadong pwersa, batas at bilangguan para sapilitang pasunurin at paluhurin ang kanyang nasasakupan sa kanyang kagustuhan.

Ang lahat ng aparato ng estado ay aparato ng karahasan. Kapag hindi pumailalim ang mamamayan sa kapangyarihang ipinapataw ng naghaharing-uri, gagamitin nito ang dahas upang supilin sila. Sa tuwing iginigiit ng mamamayan ang kanilang lehitimong kahilingan at karapatan sa pamamagitan ng mapayapang paraan kagaya ng protesta, dahas ang ipinantatapat sa kanila ng estado. Takot ang naghaharing-uri sa nagkakaisang pagkilos ng sambayanan dahil banta ito sa kanilang kapangyarihan. Sa ganito, gagamitin ng naghaharing-uri ang di-makatwirang dahas upang panatilihin ang kanilang kapangyarihang pampulitika at ang kasalukuyang bulok na kaayusan. Sa ganito, ang estado ang numero-unong tagalabag sa karapatang pantao.

Dapat masapul na hindi kailanman kusang ibibigay ng reaksyunaryong estado ang interes at hinaing ng sambayanan dahil bumabangga ito sa interes ng naghaharing-uri. Ang dahas ng estado ang sumusupil sa karapatan ng mamamayan kaya kailangang tapatan ito ng makauring dahas. Naiiba ito sa karahasan ng estado dahil nilalayon ng makatwirang dahas ng pinaghahariang uri na kamtin ang tunay na kalayaan, demokrasya, kasaganaan at kapayapaang nakabatay sa hustisyang panlipunan.

Gumulong ang kasaysayan ng buong daigdig dahil sa tunggalian ng uri. Napatunayan nang nagbabago lamang at naitatatag ang isang lipunang bago kapag nag-armas ang uring inaalipin upang wakasan ang pang-aapi at pagsasamantala sa kanila. Naganap ang mga transpormasyong panlipunan dahil sa rebolusyon.

Ang karapatang mag-aklas (right to resist)

Sa internasyunal na batas, kinikilala ang karapatang mag-aklas para sa pagpapasya-sa-sarili sa harap ng kolonyal na dominasyon, dayuhang okupasyon, at rasistang rehimen na hindi kumikilala sa partisipasyon ng isang bahagi ng populasyon. Kinikilala ng United Nations ang likas na karapatan sa pambansang pagtatanggol sa harap ng agresyon. Isinasaad naman ng preambulo ng Universal Declaration of Human Rights na saanman kinakailangan, kung ang isang tao ay mapipilitang gumamit ng rebelyon laban sa tiraniya at pang-aapi, ang gayong karapatang tao ay dapat na protektahan ng batas.

Makatwiran ang isinasagawang armadong paglaban ng mga kilusan para sa pambansang pagpapalaya laluna sa Asia, Africa at Latin America. Tampok dito ang karapatan ng mamamayang Palestino na labanan sa armadong paraan ang 77 taon nang okupasyon ng Israel sa mga teritoryo ng Palestine. Makatwiran din ang mga gera sibil na inilulunsad ng mga lehitimong armadong organisasyon ng mamamayan laban sa kanilang mapaniil na estado na sinasalaula’t dinidemonyo ng kani-kanilang mga gubyerno at tinatatakang“terorismo”.

Makatarungang digma sa Pilipinas

Sa Pilipinas, malakolonyal at malapyudal ang lipunan dahil kinukubabawan ito ng imperyalismong US at pinananatili ang pagiging atrasado, agraryan at di-industriyalisado ng ekonomya kasabwat ang mga lokal na naghaharing uring panginoong maylupa, malalaking burgesya kumprador at burukrata kapitalista. Ngayong humahambalos na ang napakasamang epekto ng neoliberalismo ng imperyalismong US, dinaranas ng sambayanang Pilipino ang karalitaan, pagkabusabos, pagkitil sa kabuhayan, pangangamkam at kawalan ng lupa, sadsad na sahod sa harap ng sumisirit paitaas na presyo ng bilihin, napakamahal na serbisyong panlipunan, pagkawasak ng kalikasan, at iba pang anyo ng pang-aapi at pagsasamantala. Inaatake pa ang mamamayang tumitindig at nananawagan para sa kanilang batayang karapatan at kabuhayan. Tigmak sa dugo ang mga kamay ng bawat nagdaang rehimen para lamang panatilihin ang ganitong kaayusan.

Rebolusyong pambansa-demokratiko ang tanging kalutasan sa pundamental na suliranin ng sambayanang Pilipino. Kinakatawan at ipinaglalaban nito ang pambansa at demokratikong mithiin ng inaapi at pinagsasamantalang mayorya ng mamamayan. Partikular sa mga ito ang pakikipaglaban para sa interes ng uring magsasaka na lumaya sa pagkaalipin sa lupa, ng uring manggagawa para sa sahod, kaseguruhan sa trabaho at karapatan at interes ng iba pang demokratiko at aping uri at sektor sa lipunan tulad ng kabataan-estudyante, kababaihan, pambansang minorya, mangingisda at iba pa. Armadong pakikibaka ang pangunahing anyo ng pakikibaka at inilulunsadsa pamamagitan ng matagalang digmang bayan. Sekundaryo ngunit esensyal at napakahalaga ang parlamentaryong pakikibaka sa kabuuang rebolusyonaryong pakikibaka.

Ito ang mga dahilan kung bakit namumulat ang taumbayan at tumatahak sa landas ng demokratikong rebolusyong bayan na pinamumunuan ng Partido Komunista ng Pilipinas. Pangunahing sandata nito ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) para pabagsakin ang mapang-api at mapagsamantalang estado.

Sa pagsusulong lamang ng makatarungang digma sa anyo ng demokratikong rebolusyong bayan makakaalpas sa kontrol ng imperyalismong US sa ekonomya, pulitika, militar, kultura at ugnayang panlabas ng Pilipinas at maitatatag ang gubyernong tunay na magkakaloob ng demokratikong karapatan ng mamamayan. Ang pagiging makatarungan at lehitimo ng armadong rebolusyon na inilulunsad pangunahin ng BHB ay patuloy na pinatutunayan ng di mapapatid na paglahok ng sambayanan dito. Lahat ng mga di makatwirang kontra-rebolusyonaryong gera at panunupil ng nagpalit-palitang rehimen ay pawang nangabigo at itinapon sa basurahan ng kasaysayan.

Hindi magagapi ang rebolusyong Pilipino dahil patuloy na ginagampanan ng uring inaapi at pinagsasamantalahan ang kanilang aktibong papel sa pagpapabagsak sa tatlong salot at ugat ng kahirapan na imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo. Sa harap ng tumitinding tunggalian ng mga uri, ng mga kontradiksyong panlipunan, at ibayong kahirapan at sakripisyo hanggang maging sa kamatayan, nananatiling matatag, pursigido, at walang humpay na isinusulong ng sambayanan ang demokratikong rebolusyong bayan upang hawanin ang landas sa pagtatatag ng sosyalistang lipunan.

Bakit makatarungan ang mag-armas laban sa mapaniil na estado?