Kilos Protesta Laban ng manggagawa sa Wyeth para sa karapatan at kabuhayan
Nagsampa ang Wyeth Philippines Progressive Workers Union (WPPWU) DFA-KMU ng unfair labor practice sa National Conciliation and Mediation Board laban sa kumpanyang Wyeth Nutrition Inc. (Wyeth) dahil sa hindi pagsalubong ng huli sa mga ipinapanukala ng unyon sa collective bargaining agreement (CBA). Sa halip, nagpatupad ang kapitalista ng pagbabago sa pasok o clustering ng buong packaging section ng operasyon na hindi dumaan sa pagsang-ayon ng unyon. Hindi rin hinarap ng kapitalista ang isinumiteng grievance para pag-usapan ang kapakanan o epekto ng clustering sa mga manggagawa. Nilalayon ng unyon na bumuo ng isang resolusyon bago ang implementasyon ng programa.
Ang Wyeth ay pabrikang lumilikha ng mga produktong formula milk (gatas) kagaya ng Bonna 0-6 months, Bonna 6-12 months (dating Bonamil), S-26 0-6 months, S26 6-12 months (dating Promil), Bonakid at Bonakid Pre-school. Nabili ito ng Nestle noong 2012.
Hulyo 2025 pa nagsimula ang negosasyon sa pagitan ng WPPWU at kapitalista para pag-usapan ang kahilingan ng mga manggagawa sa dagdag ₱230 arawang sahod, regularisasyon at benepisyo na lalamnin ng bagong CBA para sa susunod na tatlong taon (2025-2028). Sa halos 20 inihaing proposal ng unyon sa CBA, dagdag sahod lamang ang gustong bigyang pansin ng kumpanya sa kanilang counter proposal. Sa naturang counter proposal, barat na sahod ang inihain ng kapitalista na ₱64 arawang dagdag sahod subalit may babawiin namang nasa ₱400 na kaltas sa kasalukuyang sahod ng mga mangagawa mula sa Sabado, Linggo at Shift Differential Premiums na tinatamasa na ng mga manggagawa. Isinusulong ito ng kapitalista sa palusot na malaki na ang kasalukuyang nakukuhang sahod ng mga manggagawa, nagtatamasa na ng mga benepisyo at dapat nakaayon sa ibang manggagawa ng Nestle. Dahil hindi mapayukod ang manggagawa, tusong ipinatupad na nito ang clustering.
Hindi katanggap-tanggap para sa mga manggagawa ang ipinapanukala ng kapitalista. Kayang lumikha ng mga manggagawa ng Wyeth ng 120 toneladang formula milk kada araw. Noong 2024, nakapagtala pa ang Wyeth ng higit ₱19 bilyong kita. Sa inilunsad na pag-aaral ng WPPWU, ang kanilang sinasahod ay katumbas lamang ng 52 minuto ng kanilang trabaho sa loob ng pagawaan. Ang natitirang pitong oras at walong minuto ay tubo nang kinakamal ng kapitalistang Wyeth.
Nasa 100 regular na manggagawa ang pumapasan ng buong produksyon ng formula milk sa Wyeth, katuwang ang humigit-kumulang 200 kontraktwal. Dahil sa “cost optimization” ng Wyeth, lubhang pinaliit ang bilang ng manggagawa kaya pinapasan ng isang manggagawa ang trabaho ng 2-3 katao nang walang karagdagang sahod. Pinagkakaitan pa sila ng benepisyo kagaya ng overtime pay at holiday pay. Samantala, ang mga kontraktwal ay nagtatrabaho ng 12 oras kada araw at sumasahod ng ₱540 kada walong oras. Ang kanilang sahod ay umaabot lamang ng 22% ng karaniwang sahod ng regular na manggagawa.
Nanawagan ang WPPWU na manindigan ang mga manggagawa at sumalig sa sama-samang lakas. “Naniniwala kami na ang aming laban ay laban din ng manggagawa sa buong bansa. Kinakailangan ang maigting na suporta ng mga kapatid naming unyon, pederasyon, samahan at organisasyon ng buong uring manggagawa… napakahalaga rin ng suportang maibibigay ng iba’t ibang sektor sa buong bayan at ng ating mga kaibigang manggagawa at mamamayan sa ibayong dagat.”