Kilos Protesta Lingguhang Black Friday Protest kontra-korapsyon sa Timog Katagalugan
Inilunsad sa Timog Katagalugan ang lingguhang Black Friday Protest kontra korapsyon bilang bahagi ng koordinadong pambansang protesta para papanagutin ang mga tiwali sa gubyerno.
Nobyembre 7. Sa Laguna, nagsagawa ng protesta ang mga manggagawa at unyon nila sa Wyeth Philippines, Yakult Philippines, Nexperia Philippines, at MEC Electronics Philippines. Nanawagan din ang mga unyon nito ng dagdag sahod at paggalang sa kanilang mga karapatan.
Nobyembre 14. Sa Cabuyao, Laguna, dalawang shift ng mga manggagawa sa ilalim ng Nexperia Philippines Inc. Workers Union ang nagtipon para sa protestang “umahon.” Sa Canlubang Industrial Estate naman sa parehong probinsya, pinangunahan ng Wyeth Philippines Progressive Workers Union ang protestang umahon pagkatapos ng shift ng mga manggagawa. Tuluy-tuloy na kumikilos ang mga manggagawa dito laban sa barat na kapitalista at korap na mga burukrata.
Sa Cavite, lumabas ang mga manggagawa sa First Cavite Industrial Estate sa pangunguna ng Progressive Workers Union Local 47-IBM KMU.
Nobyembre 21. Sa rehiyon, isinagawa ang mga walkout sa mga pamantasang University of the Philippines Los Baños at Cavite State Univesity. Nagsagawa rin ng mobilisasyon ang lagpas 1,500 estudyante mula sa sa iba’t ibang pamantasan sa CALABARZON. Bago ito, tagumpay na inilunsad ng mga estudyante sa Laguna at Quezon ang ang International Students’ Day noong Nobyembre 17. Iniugnay ang pagkilos sa paglaban sa laganap na korapsyon.
Nobyembre 28. Muling nagprotesta ang mga estudyante ng University of the Phlippines Los Baños para sa huling Black Friday Protest ng buwan. Sa San Pablo City, isang gabi ng musika at sining laban sa korapsyon ang isinagawa ng grupong San Pablo Ayaw sa Korapsyon.
Sa Rizal, puu-puong kabataan ang nakiisa sa pagkilos sa Antipolo City sa pangunguna ng Walang KuKorap Network at Youth Rage Against Corruption-Rizal. Nagtapos ang pagkilos ng mga grupo sa kapitolyo ng prubinsya kung saan nagtalumpati sina Teddy Casiño ng Bayan, Atty. Renee Co ng Kabataan Partylist at Sarah Elago ng Gabriela Women’s Party.