Kilos Protesta Mga demolisyon sa Laguna at Rizal, kinundena at nilabanan
Kinundena ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap- Southern Tagalog (Kadamay-ST) ang mga demolisyon sa rehiyon ngayong Nobyembre.
Unang napabalita na isasagawa ang bantang demolisyon ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa kabahayan sa NIA Road Purok 7 sa Barangay Pooc, Sta. Rosa, Laguna sa Nobyembre 18. Ang demolisyon ay magbibigay daan umano sa road concreting project ng ahensya.
Batay sa plano ng DPWH, manggigiba ito ng 12 bahay kada linggo. Magpapalayas ito ng daan-daang residente nang walang tiyak na relokasyon.
Nakipagdayalogo rin ang mga residente sa Santa Rosa City Urban Development and Housing Office (CUHDO) noon ding Nobyembre 18. Itinanggi ng lokal na ahensya na mayroong nakatakdang demolisyon. Dumistansya rin ang ahensya dahil wala silang maibibigay na relokasyon para sa mga mapapalayas laluna at pambansang ahensya ng DPWH ang nasa likod ng proyekto.
Sa Rizal naman, nagprotesta sa harap ng munisipyo ng Taytay ang mga residente ng Sityo Sapang Gody at Sityo Siwang ng Brgy. San Juan noong Nobyembre 26. Nanawagan sila ng dayalogo sa lokal na gubyerno at kinundena ang bantang demolisyon sa kanilang lugar. Pilit na kinakamkam ng Sta. Lucia Realty Development Corporation at ni Kristina Robles ang kanilang kinatitirikan.
Hindi hinarap ni Mayor Allan De Leon ang mga residente. Nagtago siya at pinasara ang munisipyo. Nagpadeploy pa siya ng dalawang mobil at mga pulis upang pagbantaan at takutin ang mga nagpoprotesta. Hindi rin pinayagang pumasok sa loob ng munisipyo ang mga residente na nais sanag makipagdayalogo sa meyor.
Ayon sa Kadamay-Rizal, isang malaking kabastusan sa mamamayan ng Taytay ang ginawang pagsasara ng pinto ng munisipyo at hayagan nitong pag bibingi-bingihan sa hinaing ng mamamayan.
Maliban sa banta ng demolisyon, kinakaharap din ng mga residente ang surbeylans at intimidasyon mula sa PNP Taytay. Ilang ulit nilang naobserbahan ang presensya ng mga intelidyens sa kanilang lugar at paniniktik nito sa mga aktibidad ng organisasyon at paglahok ng mga residente sa mga kilos protesta.
Nanindigan ang mga residenteng idedemolis ng mga naturang komunidad na hindi sila titigil hangga’t nindi nila natatamasa ang dapat na ibinibigay na pampublikong serbisyo at karapatan sa pabahay.