Kilos Protesta Pananagutan kay Marcos at Duterte ang sigaw ng libu-libong mamamayan na nagprotesta sa Calamba

Sa ika-162 kaarawan ni Andres Bonifacio noong ika-30 ng Nobyembre, tinatayang nasa 3,000 mamamayan mula sa iba’t ibang panig ng Timog Katagalugan ang nakiisa sa kahabaan ng Crossing, Calamba upang ipanawagan ang pagpapanagot sa hari at reyna ng korapsyon na sila Ferdinand Marcos Jr. at Sara Duterte.

Sa pangunguna ng Transparency and Accountability through People’s Action (TAPAT) kasama ng Bagong Alyansang Makabayan Timog Katagalugan (BAYAN-TK) at Bukluran ng Manggagawang Pilipino Southern Tagalog (BMP ST), lumahok ang mga manggagawa, maralitang lungsod, magsasaka, kabataan, kababaihan, propesyunal, taong simbahan, at iba pa sa ilalim ng masaklaw na panawagang “Lahat ng Sangkot, Dapat Managot!”.

“Marapat lamang na gawing inspirasyon sila Bonifacio at ang mga Katipunan ngayong araw upang kumilos ang mamamayan para ipagtanggol ang ating karapatan laban sa mga abusado at korap na opisyal sa pangunguna nila Marcos Jr. at Sara Duterte na hari at reyna ng korapsyon. Malinaw ang kanilang papel sa pagnakaw ng bilyun-bilyong pondo na dapat sana ay napupunta para sa serbisyong panlipunan na pakikinabangan ng mamamayan,” ani Lucky Oraller, tagapagsalita ng BAYAN-TK.

Sa TK, halos nasa 1,265 ang flood control projects kabilang ang 44 projects sa halagang ₱6 billion sa ilalim ng Sunwest Inc. na pinagmamay-arian ni Zaldy Co.

“Ilang buwan na ang nakalilipas ngunit hindi pa rin napapanagot sila Marcos at Duterte pati ang mga kasapakat nito. Dapat patuloy na magkaisa at kumilos lalo na ang malawak na hanay ng anakpawis na direktang apektado at pumapasan ng bigat ng krisis na pinalalala ng korapsyon,” dagdag ni Oraller.

Minarkahan ng makukulay na pagtatanghal mula sa mga manggagawang pangkultura at iba’t ibang grupo ang kilos-protesta na nagpapakita ng epekto ng korapsyon sa iba’t ibang mga sektor. Tinapos ang programa sa pamamagitan ng sabayang pagkanta sa pangunguna ng Umalohokan Inc.

Pananagutan kay Marcos at Duterte ang sigaw ng libu-libong mamamayan na nagprotesta sa Calamba