Kilos Protesta Pandaigdigang araw para sa Pagwawakas ng Karahasan Laban sa Kababaihan
Naglunsad ng protesta sa International Day for the Elimination of Violence Against Women (IDEVAW) ang mga kababaihan sa pangunguna ng Gabriela Southern Tagalog sa Crossing, Calamba, Laguna noong Nobyembre 25 sa temang “Kababaihan ng Mundo, Tumindig laban sa Korapsyon at Pasismo!”.
Sa Timog Katagalugan, laganap ang pagsasamantalang nararanasan ng kababaihan at bata sa kamay ng AFP-PNP. Sa loob ng nakalipas na tatlong buwan, naiulat ang dalawang kaso ng panggagahasa ng mga kapulisan sa Cavite. Agosto nang gahasain ng isang Deputy Chief Lieutenant “Edward” ang isang babaeng bilanggo sa istasyon ng pulisya sa Navotas City, ayon sa biktima ay maraming beses na siyang ginahasa ng pulis mula pa nang makulong noong Hunyo. Nito namang Nobyembre 22 ay ginahasa ng nasa 14 kapulisan ang isang grade 9 na estudyante sa Bacoor City matapos pagnakawan ang biktima sa kanilang lugar. Ang pangyayari ay naganap sa panahon ng drug operation ng Provincial Drug Enforcement Group Special Operation Unit (PDEG-SOU) 4A.
Sa mga komunidad ng mga magsasaka at katutubo sa kanayunan, laganap din ang paghahasik ng kultura ng pagsasamantala ng kasundaluhan. Noong 2024, ginahasa ng 4 na sundalo ng 76th IB at CAFGU ang isang babae habang naliligo sa sityo Panluan, Brgy. Hagan, Bongabong, Oriental Mindoro. Ginagawa ring prostitusyon ng mga nagkampong kasundaluhan ng 68th IBPA ang komunidad ng katutubong Mangyan-Buhid sa San Jose, Mindoro. Gabi-gabi itong nagpapatawag ng pulong sa kalalakihan para maiwanan ang mga tahanan at saka gagahasain ang kababaihang maiiwan sa kubo. Binibigyan ang mga biktima ng ₱5,000 kapalit ng pananahimik. Sagad-sagaran din ang kasundaluhan sa kanilang taktikang panliligaw at pakikipagrelasyon sa mga menor-de-edad na babae laluna sa mga anak ng pinaghihinalaan nilang kasapi ng Bagong Hukbong Bayan.
Patuloy ang pagtaas ng mga kaso ng pagsasamantala sa kababaihan anumang pagtatakip ang gawin ng estado para palabasing bumababa ang mga kaso ng violence against women and children (VAWC) o karahasan laban sa kababaihan at bata. Huwad na solusyon lamang ang binibigay ng estado na ang magbebenipisyo lamang ay ang mga burukrata kapitalista. Korapsyon din ang isa sa primaryang dahilan ng paghihirap ng masang kababaihan sa pagharap sa mga kaso ng VAWC na ang nilaanang budget ay ginagamit para sa mga ghost programs at kickbacks. Maraming barangay ang walang nakatayo o di kaya ay walang maayos na VAWC desks at officer para sana sa pagresponde sa mga kaso ng paglabag sa karapatan ng bawat kababaihan at bata. Binawasan at kinukupitan din ang mga pondong pangkababaihan kagaya ng subsidyo para sa Solo Parents na binabawasan mula sa dapat ay ₱1,000 kada buwan tungong ₱500 o di kaya’y ₱1,000 kada dalawa hanggang tatlong buwan.