Bantay Karapatan Pang-aatake at pangliligalig ng pwersa militar sa mga magsasaka sa Cavite at Mindoro
Hibang na nagpapatuloy ang kontra-rebolusyonaryong gera ng AFP sukdulang madamay ang mga sibilyan. Nitong Nobyembre, sinampahan ng gawa-gawang kaso ang 15 magsasaka sa Cavite at hindi pa rin inililitaw ang 3 kabataang dinukot ng militar sa Mindoro noong Setyembre.
Pagdukot at sapilitang pagkawala. Noong Oktubre 22, nanawagan si Mani Umyagan, ina ng nawawalang magkakapatid na sina Isar, 25, Iwit, 19 at Ninoy, 17, mga Hanunuo-Mangyan at residente ng Sityo Kulitob, Brgy. Panaytayan, Mansalay, Oriental Mindoro. Humingi siya ng tulong dahil nawawala pa ang magkakapatid noon pang Setyembre 12.
Huling nakita ang mga kabataan noong Setyembre 12 pauwi sa kanilang tahanan mula Sityo Tagascan, Brgy. San Vicente, Roxas, Oriental Mindoro. Nabagat sila ng mga pwersa ng Civil Military Operations (CMO) Battalion, 1st IBPA at mga yunit sa ilalim ng 203rd IBde at iligal na inaresto ang tatlong kabataan. Mahigit isang buwan nang nakalilipas na hawak ng militar ang mga kabataan subalit hanggang ngayon ay hindi pa sila inililitaw.
Pinost ng ina ang panawagan sa FB Page mismo ng 1st IBPA. Pilit nilang pinagtatakpan ang kanilang krimen sa pagkunwang pagbibigay malasakit at serbisyo publiko sa biktima. Kinundena ng NDF-Mindoro ang panlilinlang ng AFP. Ayon kay Ma. Patricia Andal, tagapagsalita ng NDF-Mindoro, “Dapat ilitaw sina Isar, Iwit at Ninoy Umyagan. Papanagutin ang 1st IBPA at lahat ng kasundaluhan ng 203rd IBde sa mga krimen nito sa mamamayang Mindoreño.”
Pagsasampa ng gawa-gawang kaso. Kinasuhan nitong Nobyembre ng paglabag sa RA 9710 “Magna Carta for Women”/Grave Threat/Grave Coercion nina Lt. Ann Kea C. Guillepa at Lt. Venus N. Ananayo ng Task Force Ugnay at 2nd CMO Battalion ang 15 magsasaka ng Lupang Ramos sa Brgy. Langkaan 1, Dasmariñas City, Cavite. Hungkag na ginamit ng AFP ang reaksyunaryong batas upang patuloy na maghasik ng takot sa mga magsasaka at residente ng Lupang Ramos. Bago ito, nauna na ring kinasuhan ang tatlong magsasaka ng Lupang Ramos noong Agosto. Pakana ito upang pigilan ang mamamayan ng Lupang Ramos na kumilos.
Matagal nang panawagan ng mga magsasaka ng Lupang Ramos na palayasin ang kampo ng TFU sa kanilang komunidad na lagpas isang taon nang naroon. Giit ng mga residente, ipinuwesto sa loob ng kanilang komunidad ang kampo upang mangharass, mang-intimida, manakot at mangred-tag sa mga lider-magsasaka. Hindi na natahimik ang kanilang payapang pamumuhay mula nang itayo ang kampo rito. Dagdag pa nila, nagsasanib-pwersa ang LGU at TFU upang agawin sa kanila ang tagumpay ng Bungkalan na hanggang ngayo’y tinatamasa ng mga magsasaka ng Lupang Ramos.
Panggigipit, pambubugbog at agresyon. Sa Lupang Tartaria, sa Brgy. Tartaria, Silang, Cavite, sunud-sunod ang panggigipit at agresyon ng mga gwardya ng Jarton Security Agency mula Nobyembre 18-22. Ang Jarton Security Agency ay mga bayarang sekyuriti ng Ayala at Aguinaldo na ginagamit para palayasin ang mga magsasaka at residente ng Tartaria.
Noong Nobyembre 18, binutas ng mga gwardya ang pader na bakod ng lupa ng pamilyahang Contreras. Pinupwersa ng mga gwardya na makapasok para piliting isuko ng may-ari ang lupa. Nagpatuloy ang tensyon hanggang Nobyembre 22 kung saan aabot na sa 50 gwardya ang nagtipon at nakapasok sa binutas na pader. Binugbog pa nito ang 16-anyos na binatilyo na nagdepensa sa kanilang lupa. Kasunod na inatake ng mga gwardya at pilit pinapaalis ang may-ari ng lupa sa kahanggang barangay ng Tartaria na Brgy. Lumil.
Bago ito, nakatanggap ng kasong frustrated murder ang dalawa pang residente na sinampa rin ng mga gwardya.
Naiulat pa ang terrorist-tagging sa mga organisasyon at lider magsasaka sa rehiyon. Nagkalat sa social media at sa iba’t ibang sakahan ang mga poster na nagpipinta sa mga organisador bilang terorista.