₱100 dagdag-sahod, itinulak sa Region 7

Nagpiket kahapon, Agosto 9, ang mga manggagawa sa harap ng Department of Labor and Employment sa Cebu City para ipanawagan ang kagyat na pagpapatupad ng dagdag-sahod sa syudad. Kasabay nito, isinumite nila ang petisyon sa Regional Tripartite Wages and Productivity Board in Central Visayas para sa ₱100 pagtaas ng minimum na sahod sa Region 7. Pinirmahan ang petisyon ng 650 manggagawa mula sa iba’t ibang bahagi ng Cebu.

“Malaki ang kakakayahan ng mga negosyante dito sa Central Visayas na magbigay ng dagdag-sahod,” ayon kay AMA Sugbo KMU chairperson Jaime Paglinawan. Ito ay batay sa inilabas na gross regional domestic product (RGDP) noong 2020-2022 na nagsasaad na lumaki ang kita ng mga kumpanya sa nakaraang mga taon. Noong 2022 lamang, pumalo nang ₱1.29 trilyon ang GDRP ng Central Visayas, pang-apat sa pinakamalaking ekonomya sa buong bansa.

Iginiit ni Paglinawan na malaki ang potensyal ng mga kumpanya na magbigay ng dagdag-sahod, batay sa ginawang pag-aaral ng Ibon Foundation sa Annual Survey of the Philippine Business and Industries (ASPBI) na inilabas ng Philippine Statistics Authority. Sa datos na ito, ang ₱170 dagdag na across-the-board ay katumbas lamang ng 13% kabawasan sa kita ng mga negosyante.

AB: ₱100 dagdag-sahod, itinulak sa Region 7