Balita

₱200/araw na dagdag-sahod, isinulong sa Kongreso

,

Nagpiket ang mga manggagawa mula sa Kilusang Mayo Uno at mga myembro ng Gabriela sa tapat ng Kongreso ngayong araw, Enero 30, bilang suporta sa kinonsolidang batas para sa dagdag-sahod na naglalayong itaas ang sahod ng ₱200/araw.

Anila, kinikilala nila ang pagkakapasa ng batas sa antas komite bilang paunang tagumpay tungo sa pagkakamit ng nakabubuhay na sahod. Gayunpaman, malayo pa rin ito sa hinihingi nilang ₱1,200 family living wage.

“Sa panahong hinahambalos ng krisis ang mga manggagawa sa buong bansa, napapanahong itaas ang sahod sa buong bansa sa nakabubuhay na antas,” pahayag ng KMU. Sa sobrang mahal ng mga bilihin, hindi na nakaaagapay ang kanilang sahod.

Tinitingnan ng Gabriela ang pagkakapasa ng panukala sa antas komite bilang positibong hakbang.

“Dapat agad na ipasa ito at gawing pangunahing tungkulin ng pamahalaan,” ayon kay Gabriela Rep. Arlene Brosas. “Matagal nang iginigiit ng mga manggagawa ang ₱1,200 national minimum wage dahil ito ang kailangan nila para mabuhay. Ito ang kailangan ng mga pamilyang Pilipino para makaagapay sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.”

Aniya, kailangan ng isang batas para sa pagtaas ng sahod para gawing standard ang sahod sa iba’t ibang rehiyon.

“Dapat hindi pinag-iiba-iba ang mga manggagawa sa buong bansa dahil pareho silang apektado ng pagtaas ng mga presyo,” aniya. “Patuloy naming isusulong ang nakabubuhay na sahod para sa ating mga manggagawa at kanilang mga pamilya.”

AB: ₱200/araw na dagdag-sahod, isinulong sa Kongreso