Balita

150 armadong gwardya, muling itinambak sa Lupang Tartaria para sa pangangamkam ng lupa

,

Hindi bababa sa 150 armadong gwardya ng Jartoon Security Agency na nagsisilbing pribadong maton ng tambalang Ayala-Aguinaldo, na mangangamkam ng lupa, ang itinambak sa Lupang Tartaria sa Silang, Cavite noong Enero 21. Ipagpapatuloy ng mga gwardya ang iligal na pagbabakod sa inaagaw na lupa sa bawndari ng Barangay Lumil at Tartaria na inumpisahan noong Abril 2024.

Ayon sa Samahan ng Magsasaka at Mamamayan ng Tartaria (SAMATA), kaagad na naghukay ng lupa ang mga sundalo pagkadating nila sa lugar para sa itatayong mga bakod at pag-aayos sa mga nasirang bakod na nauna nang itinayo. Nanindigan ang mga residente laban sa tinawag nilang iligal na aksyon ng mga gwardya at panghihimasok sa kanilang lupang binubungkal.

Pinigilan pa ng mga gwardya ang mga magsasaka at residente na makapasok sa kanilang sariling lupa. “Hinarang at hindi pinapasok ang mga tao sa loob na ang tanging gusto lamang ay matabasan at mataniman ng mga pananim [ang lupa]”, pahayag ng grupo.

Dagdag dito, sinira rin ng mga bayarang gwardya ang itinayo na mga bakod ng mga residente para protektahan ang kanilang lupa. Iniulat ng alternatibong midya na Bulatlat na nagkaroon ng tensyon sa pagitan ng mga magsasaka at gwardya nang palibutan ng 10 armadong gwardya ang isang residente sa pagtutulak na magtayo ng bakod. Nagresulta ito sa pagkakasugat ng isang matanda.

Anang SAMATA, balot ng jaket ang mga gwardya at walang suot o tinatakpan ang mga “name plate” o pangalan sa kanilang mga uniporme. Giit nila sa mga gwardya at sa mga Ayala-Aguinaldo na lumayas sa kanilang lupain.

Kinundena rin ng Katipunan ng mga Magbubukid sa Timog Katagalugan ang karahasan ng mga gwardya at pangangamkam ng lupa. Naninindigan sila na iligal ang pagbabakod ng mga ito dahil nakabimbin pa ang desisyon sa pagmamay-ari ng lupa sa Department of Agrarian Reform (DAR) at Korte Suprema.

Ang Tartaria ay bahagi ng 200-ektaryang inaangkin ng angkang Aguinaldo sa Cavite. Katuwang ng mga Aguinaldo ang Ayala Land Inc. sa pangangamkam ng lupa bilang land developer.

AB: 150 armadong gwardya, muling itinambak sa Lupang Tartaria para sa pangangamkam ng lupa