Balita

154 grupo mula sa 30 bansa, nanawagang ibasura ang Pax Silica hub sa Pilipinas

,

Sa gitna ng paggunita ng huwad na Araw ng Kalayaan sa Pilipinas noong Hunyo 12, nakiisa ang 154 internasyunal na grupo mula sa 30 bansa sa panawagan ng International League of Peoples’ Struggle (ILPS) Philippines na itakwil ang Pax Silica Initiative ng US at at ipasara ang economic security zone (ESZ) na itatayo nito sa New Clark City. Bukod sa mga dayuhang grupo, 88 organisasyon sa loob ng bansa at halos 500 indibidwal ang pumirma sa pahayag na kumukundena sa plano ng rehimeng Marcos na isuko ang soberanya ng bansa sa ilalim ng proyektong ito.

Sa inilabas na manipesto na pinamagatang “SHUT THE PAX DOWN! A Global Call to Reject Pax Silica’s Economic Security Zone in the Philippines,” binigyang diin ng koalisyon na hindi para sa tunay na pag-unlad ng ekonomya ng Pilipinas ang inisyatiba. Ayon sa pahayag, ang Pax Silica ay isang “agresibong maniobra ng US para tiyakin ang dominasyon nito sa teknolohiyang militar laban sa mga karibal nito sa mundo, partikular na sa China.” Inilarawan din nito ang Pax Silica bilang “bagong serye ng imperyalistang dominasyon at pandarambong” na naglalayong konsolidahin ang kontrol ng US sa mga estratehikong teritoryo at rekurso sa Indo-Pacific sa kapinsalaan ng kagalingan ng mamamayang Pilipino.

Agresibong itinutulak ng US ang Pax Silica hub kasabay ng pagpapalawak ng presensyang militar nito sa bansa sa tabing ng malalaki at masisinsing mga wargames. Kamakailan lamang, isinagawa nito ang Balikatan exercises na nilahukan ng tinatayang 17,000 tropa. Ang itatayong 1,620-ektaryang ESZ sa Tarlac ay magsisilbing “weapons hub” para sa produksyong militar.

Nakababahala, ayon sa mga grupo, ang pagtutulak ng US ng espesyal at ekstra-teritoryal na mga pribilehiyo, na “seryosong nagpapahina sa soberanya ng Pilipinas at demokratikong pananagutan, habang pinapaboran ang mga dayuhang korporasyon at heyopulitikal na interes kaysa sa mga karapatan at kapakanan ng mamamayang Pilipino.”

Itinuturing ng US ang hilaw na materyales ng Pilipinas na para sa pandaigdigang supply chain ng artificial intelligence (AI) at semiconduktor nito. Sa karanasan ng bansa, ang pagmimina ng mga mineral ay kakambal ng pagkawasak ng kalikasan, pagkasira ng mga kabuhayan, at mga brutal na panunupil ng estado sa lumalabang mga lokal na komunidad, kabilang ang mga pambansang minorya.

Dagdag ng manipesto, “Kasing-nakababahala ang ugnayan ng Pax Silica at mga korporasyon at kontraktor ng US at Israel na gumagawa ng mga teknolohiyang militar, sistemang pangsarbeylans, autonomous warfare at pandaigdigang industriya ng armas, na nagpapakita sa malalim na katangiang militar ng proyekto.”

Giit ng mga grupo na ang landas tungo sa tunay na kalayaan ay ang paglaban para sa soberanya sa halip na pangangayupapa sa dayuhang kapangyarihan. Nanawagan sila para sa pagbuwag sa lahat ng base militar at pasilidad ng US at ang pagsusulong ng tunay na pambansang industriyalisasyon na maglilingkod sa interes ng sambayanan.

Pumirma sa manipesto ang mga organisasyon mula sa Australia, Bangladesh, Cambodia, Canada, China, Ecuador, Germany, Hawaii, Hong Kong, India, Indonesia, Japan, Jordan, Malaysia, Nepal, Netherlands, New Zealand, Pakistan, Palestine, South Korea, Spain, Sri Lanka, Switzerland, Taiwan, Thailand, Turkey, UAE, United Kingdom, US, at Zambia. Anim na internasyunal na alyansa at limang panrehiyong koalisyon ang pumirma rin dito.

AB: 154 grupo mula sa 30 bansa, nanawagang ibasura ang Pax Silica hub sa Pilipinas