16-bansang “world tour” ni Pulong Duterte, binatikos ng mga grupo sa Davao
Binatikos ng mga grupong nakabase sa Davao City ang pamamasyal ni Paolo “Pulong” Duterte sa 16 bansa sa loob ng dalawang buwan mula Disyembre 15 hanggang Pebrero 20, 2026. Sa sulat ni Duterte sa Kongreso, hindi siya personal na makadadalo sa mga sesyon sa Kongreso dahil pupunta siya sa Hong Kong, China, Malaysia, Indonesia, South Korea, Japan, Vietnam, Cambodia, United States, Australia, United Kingdom, Netherlands, Germany, France, Belgium, Italy, at Singapore. Pangalawang beses na gagawin ni Duterte ang “world tour” o paglilibot sa mundo na ito ngayong taon.
Sa isang pahayag na inilabas ng Stand Opposition to Plunder or STOP Corruption Alliance, sinabing ng kumbenor nito na si Leo XL Fuentes na isang “disservice” o pagkukulang sa mga taga-Davao ang pagliliwaliw ni Duterte.
Habang lahat ng tao ay may karapatang bumiyahe, dapat unahin ng mga mambabatas ang kanilang mga trabaho kaysa maglakbay sa ibang bansa, pahayag ni Fuentes.
Ayon naman kay Jean Lindo, co-chairperson ng groupong Panalipdan! Mindanao, magastos ang pagbibyahe ni Duterte, kahit pa galing ito sa sariling bulsa. Bilang upisyal ng gubyerno, marapat lamang papanagutin siya sa mga ito.
Samantala, nauna nang kinutya ng House Deputy Minority Leader at kinatawan ng ACT Teachers Party na si Antonio Tinio ang world tour ni Duterte.
“Ano ba siya? Kinatawan ng distrito o Miss Universe?” aniya. “Ang trabaho ng kongresista ay katawanin ang kanyang distrito. Dapat, mag-expect ang mamamayan ng mas mataas na standard na serbisyo mula sa kanilang mga hinalal na kinatawan.”
Kaduda-duda rin, aniya, ang mabilisang paglabas sa bansa ni Duterte lalo’t nahaharap siya sa imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure kaugnay sa mga proyektong flood control sa kanyang distrito.
Sa pag-aaral ng Makabayan Bloc, may di bababa 80 proyektong flood control na nagkakahalaga ng ₱4.4 bilyon sa Davao City ang nagpakita ng mga anomalya.