2 aktibistang kabataan, lumaya matapos ang 6 na taon
Lumaya kahapon sina Griefen Arlegui at Reynaldo Viernes Jr, kilala bilang Angat 2, mula sa 6-taong pagkakabilanggo. Ito ay matapos tuluyang ibinasura ng korte ang kasong illegal possession of firearms and explosives na isinampa laban sa kanila ng CIDG.
Inaresto ang dalawang kabataang estudyante noong Abril 13, 2019 sa Angat, Bulacan sa kalagitnaan ng pagdidikit ng poster para sa Bayan Muna Partylist at kay Neri Colmenares. Isinailalim sila sa tortyur nang tatlong araw bago sila inilitaw at sinampahan ng gawa-gawang kaso. Ang dalawa ay organizer ng grupong Kadamay at nakabase noong sa Pandi, Bulacan.
“Mga maralita ang madalas biktima ng ganitong modus ng pagsasampa ng gawa-gawang kaso at intimidasyon ng kapulisan, mula sa huwad na War on Drugs at War on Terror ng administrasyong Duterte at nagpapatuloy sa ilalim ng pamumuno ni Marcos Jr,” pahayag ng Kadamay ngayong araw, Pebrero 5. Isa lamang ang kaso ng Angat 2 sa halimbawa ng atake ng estado sa mga maralitang aktibista na tumitindig para sa kanilang mga karapatan, anito.
Nagpasalamat ang Kadamay sa mga abugado at paralegal na tumulong para mapalaya ang dalawa.
“Nakalaya man, patuloy ang panawagan ng KADAMAY para sa pagpapalaya ng iba pang bilanggong pulitikal,” anito. “Nasayang man ang 6 na taon ng kanilang kabataan sa pagkakakulong, hindi natinag ang kanilang determinasyon na kumilos at isulong ang karapatan ng iba pang maralita.”