Balita

2-araw na kalampagan, inilunsad ng katutubong Cordilleran sa NCR

,

Idineklara ng mga katutubo mula sa Cordillera na matagumpay ang 2-araw na kalampagan sa pambansang kabisera na inilunsad nila noong Nobyembre 25 at 26. Layunin ng kalampagan ang ipabatid sa mga ahensya at kagawaran ng gubyerno, gayundin sa Kongreso, ang mga hinaing ng mga katutubo mula sa rehiyon. Pinangunahan ang kalampagan ng Cordillera People’s Alliance (CPA).

Noong Nobyembre 25, naging bahagi ang CPA sa forum sa University of the Philippines sa Diliman kung saan tinalakay ang mga usapin ng mga pambansang minorya. Kasama nila sa talakayan ang mga lider-katutubo mula sa Caraga na kumakaharap rin ng pag-aagaw ng kanilang lupang ninuno. Parehong iniinda ng mga katutubo sa dalawang rehiyon ang agresibong pangangamkam ng dayuhang korporasyon at kanilang lokal na kasosyo sa kanilang mga lupa at rekurso.

Sa sumunod na araw, nangalampag ang delegasyon ng kababaihang Cordilleran at iba pang lider-katutubo sa mga upisina ng Department of Justice (DOJ), National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) at Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Sa DoJ, siningil nila ang kagawaran sa kawalang-hustisya sa mga paglabag sa karapatang-tao sa Cordillera.

Sa NCIP, binatikos ni Jillie Karl Basan, isang Ibanag mula sa Kabugao, Apayao, ang pagdepensa ng ahensya sa mga dam na Gened 1 at Gened 2 na mapanira sa kalikasan at sa kanilang komunidad.

“Alam ninyo na ayaw ng Kabugao sa Gened 1 at Gened 2, ngunit kayo ay pabalik-balik,” pahayag niya sa pagkilos sa harap ng upisina. “Kayo mismo ang nagpe-present ng pekeng benefits ng mga proyektong ito…Nireredtag niyo pa kami. Parte kayo ng problema.”

Nanawagan si Connie Licyag mula sa Ifugao na pigilan ang pagtatayo ng Alimit Hydropower Complex sa Alimit River Basin. Sasaklawin ng proyekto ang mga bayan ng Mayoyao, Aguinaldo, Lamut, at Lagawe sa Ifugao at ilang mabababang lugar sa Isabela.

Tutol naman ang mga katutubo mula sa Mt. Province sa nakaambang malakihang pagmimina ng Cordillera Exploration Corporation at proyektong geothermal ng Energy Development Corporation. Kinundena ni Emerlita Razon, CPA-Mt. Province ang pangrered-tag at pagsasampa ng gawa-gawang mga kaso laban sa lumalabang mga residente sa prubinsya.

“Nagiging kasabwat kayo ng mga large-scale mining companies. Nagiging broker kayo ng mga kumpanya, pinapadali ninyo ang pagproseso ng kanilang mga permit,” pahayag naman ni Rima Mangili mula sa KAIABANG (CPA Benguet). Mga katutubo ang lubhang napipinsala sa paninirang dulot ng malakihang pagmimina, aniya.

Sa araw din na iyon, tumungo ang mga lider-katutubo sa Mababang Kapulungan sa Quezon City para kunin ang suporta ng mga mambabatas sa pakikibaka para sa mga karapatan ng katutubo. Inihayag ng mga kongresista ng Makabayan Bloc ang kanilang buong suporta at ibinahagi ang kasalukuyang mga pagsisikap na magpasa ng mga batas sa depensa ng kalikasan at mga pambansang minorya.

Naiulat ng CPA na nakausap ng delegasyon nito sina Rep. Maurico Domogan at Rep. Maximo Dalog Jr. kaugnay sa pribatisasyon ng Baguio Public Market. Idinulog din nila sa dalawa ang naging mga usapin ng manipulasyon ng NCIP para makakuha ng pekeng mga Free, Prior, and Informed Consent (FPIC) kaugnay sa mga proyektong dam at pagmimina. Si Domogan ay kongresista ng nag-iisang distrito ng Baguio habang kongresista naman ng Mt. Province si Dalog.

“Patuloy pa rin ang ating kalampagan, at sa huli, wala tayong aasahan kundi ang sarili nating lakas,” ayon sa CPA.

Sa Nobyembre 30, lalahok ang mga katutubo sa Baha sa Luneta 2.0 laban sa korapsyon.

AB: 2-araw na kalampagan, inilunsad ng katutubong Cordilleran sa NCR