2 babaeng bilanggong pulitikal sa Negros, nakalaya
Nakalaya noong Mayo 5 mula sa halos limang taon na pagkakakulong ang dalawang babaeng bilanggong pulitikal na sina Rossine Enyong, 53, at Mary Dem Forones, 47. Nakalabas sila sa Negros Occidental District Jail (NODJ) kasunod ng pagbasura ng korte sa San Carlos City sa kasong illegal possession of firearms and explosives na isinampa laban sa kanila.
Ang dalawa ay inaresto noong Hulyo 30, 2022 sa isang bahay sa Barangay Minapasok, Calatrava, Negros Occidental. Sa salaysay ng mga biktima, pinalabas sila sa bahay at ilang sandali ay pinalabas ng 79th IB na mayroon silang mga armas at pampasabog.
Liban sa dalawa, naaresto kasama nila si Christell Abordo. Nananatiling nakakulong si Abordo kahit naibasura ang kaso dahil nahaharap pa siya sa kasong rebelyon sa korte sa Dumaguete City, Negros Oriental.
Ayon sa Kapatid-Negros Occidental, labis ang troma na dinanas ni Enyong dahil liban sa kanyang halos limang taong pagkabimbin, sa panahong siya’y nakakulong ay dinukot ng mga pwersa ng estado ang kanyang anak na si Lyngrace Marturillas.
Si Marturillas, kasama ang konsultant ng National Democratic Front of the Philippines sa Negros na si Roger Posadas, at mga drayber ng habal-habal na sina Renel de los Santos at Denald Mialen, ay dinukot ng mga pwersa ng estado noong Abril 19, 2023 sa haywey ng Binalbagan-Hinigaran. Si Posadas ay pinaslang at pinalabas na napatay sa isang engkwentro noong Abril 20, 2023 habang ang tatlo ay dinesaparesido ng rehimeng Marcos.
Sa datos ng Kapatid-Negros Occidental, nananatiling pinakamarami ang bilang ng mga bilanggong pulitikal sa Negros Island kahit pa nakalaya na sina Enyong at Forones. Mayroon pang 102 bilanggong pulitikal sa isla.
Patuloy ang panawagan ng grupo na palayain ang lahat ng mga bilaggong pulitikal at ibasura ang tinatawag nilang gawa-gawang mga kaso laban sa mga aktibista, organisador at karaniwang mamamayan sa Negros.