2 berdugong sundalo ng 94th IB, nasugatan sa operasyong haras ng BHB
Naglunsad ng operasyong haras ang Bagong Hukbong Bayan (BHB)-South Central Negros (Romeo Nanta Command) laban sa tropa ng 94th IB sa Sityo Cantupa, Barangay Buenavista, Himamaylan City, Negros Occidental noong gabi ng Oktubre 27. Hindi bababa sa dalawa ang nasugatan sa mga berdugong sundalo.
Nagtakbuhan sa kung saan-saang direksyon ang mga sundalo at ilang segundo pa bago nakaganti ng putok sa BHB. Walang patumanggang nagpaulan ng bala sa erya ang 94th IB gamit ang kanilang masinggan at nagpaputok ng M203. Samantala, ligtas na nakamaniobra paalis sa lugar ng armadong aksyon ang yunit ng BHB-South Central Negros.
Ang yunit ng 94th IB na inatake ng Pulang hukbo ay naghahasik ng terorismo sa komunidad at nagkakampo sa mga sibilyang erya simula pa Oktubre 16. Nagpataw ng paghaharing militar ang 94th IB sa komunidad ng mga magsasaka at nagbawal sa kanilang malayang makakilos at makapagsaka. Napabayaan ng mga residente ang kanilang taniman at alagang hayop dahil sa restriksyong ipinataw ng mga sundalo.
Dagdag pa rito, nagpalaganap ang mga sundalo ng anti-sosyal na mga aktibidad tulad ng pag-iinom, pagsusugal, at pagpapalaganap ng pornograpiya. Ayon sa ulat ng BHB-South Central Negros, sa gabi ng pag-atake ng yunit nito ay nakainom ang tropa ng 94th IB.
“Ang taktikal na opensibang ito ay tugon ng BHB-South Central Negros sa laganap na paglabag ng 94th IB sa karapatang-tao ng mamamayan,” pahayag ni Ka Dionesio Magbuelas, tagapagsalita ng yunit.