2 Dumagat na bilanggong pulitikal, nakalaya mula sa halos 8 taong detensyon
Nakalaya ang dalawang Dumagat na bilanggong pulitikal mula sa halos walong taong detensyon noong Mayo 9 matapos ibasura ng korte ang mga kasong pagpatay at illegal possession of firearms and explosives na isinampa laban sa kanila. Sina Rocky Torres and Abelardo “Dandoy” Avellaneda ay dinakip at ikinulong ng militar nooong Mayo 14, 2018 sa Quezon.
Sina Torres at Avellaneda ay dinakip sa Barangay Umiray, General Nakar matapos ang isang sinasabing engkwentro ng militar sa Bagong Hukbong Bayan. Pinaratangan silang mga myembro ng hukbong bayan at ipinailalim as tortyur at pamimilit para umamin, bago sila sinampahan ng mga kasong kriminal.
Nakausap lamang sila ng mga grupo sa karapatang-tao ilang araw makalipas ang detensyon at nadiskubreng tadtad ng mga pasa at marka ng pisikal na pananakit habang nakakulong sa Camp Guillermo Nakar sa Lucena City.
Inilipat ang dalawa sa Camp Bagong Diwa kung saan sila matagal na ikinulong. Dumanas sila doon ng paglubha ng mga kalagayang pangkalusugan, kabilang ang pulmonary tuberculosis.
Malugod na sinalubong ng Katribu Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas ang naging desisyon ng korte at paglaya ng dalawang Dumagat mula sa iligal na detensyon. Naglunsad ang grupo ng isang pagtitipon noong Mayo 14 sa Quezon City bilang pagsalubong sa paglaya nina Torres at Avellaneda.
Binalikan rin nila ang halos walong taon na pakikibaka at panawagan para palayain ang dalawa at kamtin ang hustisya. Ayon sa Katribu, ang paglaya ng dalawa ay isang makabuluhang tagumpay laban sa pampulitikang panunupil at sa kriminalisasyon sa mga Katutubo at mga tagapagtanggol ng karapatan.
“Ang sunud-sunod na mga ligal na tagumpay na ito ay nagpapatunay na ang katotohanan at hustisya ay nangingibabaw sa kabila ng walang-tigil na mga atake laban sa mga katutubong mamamayan at mga nakikibaka para sa lupang ninuno, karapatan, at sariling-pagpapayas,” pahayag ni Funa-ay Claver, pangkalahatang kalihim ng Katribu. Gayunman, ayon kay Claver, hindi pa kumpleto ang hustisya para sa dalawa hanggang walang napapanagot sa pag-aresto, tortyur at detensyon nila.
Ayon kay Claver, sa katunayan ay hindi dapat inaresto at ikinulong sina Torres at Avellaneda sa mahabang panahon. “Walang desisyon ng korte ang makapagpapanumbalik sa mga taong ninakaw sa kanila, sa pagdurusang kanilang tiniis, at sa panahong nawala sa piling ng kanilang mga mahal sa buhay,” pahayag ni Claver.
Nagpasalamat sina Torres at Avellaneda sa lahat ng walang-sawang sumuporta sa kanila hanggang makalaya. “Lubos ang pasasalamat ko sa lahat ng tumulong sa amin, sa mga naglantad ng inhustisya. At sana po ay umabot ang aming pasasalamat sa kanila,” pahayag ni Avellaneda.
Sa pagtatapos ng pagtitipon ng Katribu, nagtungo sina Torres at Avellaneda at kanilang pamilya sa upisina ng Commission on Human Rights. Nagpaplano silang magsampa ng reklamo laban sa militar na dumakip, nagtortyur at nagkulong sa kanila.
“Ipagpapatuloy namin ang aming pakikibaka hanggang sa makamit ang hustisya at maitaguyod ang mga demokratikong karapatan at mithiin ng mga inaaping mamamayan ng Pilipinas,” ayon kay Claver.