2 lider-manggagawa sa NCR, sinampahan ng kasong "terorismo"

Sinampahan ng kasong “terorismo” o paglabag sa Anti-Terrorism Act (ATA) of 2020 ang dalawang lider-unyonista mula sa National Capital Region na sina Rodrigo Esparago at Ed Cabuelo. Naghain ang dalawa ng mosyon sa Malolos Regional Trial Court para ipabasura ang kaso noong Hulyo 10.

Kasabay ng paghahain ng mosyon, nagprotesta sa tapat ng korte ang mga grupo at kanilang tagasuporta mula sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-NCR at Karapatan-NCR. “Malinaw na kahibangan ang ipinaparatang na paglabag ni Rod at Ed sa kasong nabanggit. Si Rod at Ed ay kilalang mga unyonista at tagapagtaguyod ng karapatan ng mga manggagawa sa Metro Manila,” pahayag ng Bayan-NCR.

Si Cabuelo ay tumayong presidente ng Toyota Motors Philippines Corporation Workers Association (TMPCWA). Higit dalawang dekada nang nakikipaglaban si Cabuelo para sa hustisya ng 237 na manggagawang iligal na tinanggal ng Toyota noon pang 2001. Isa sa tagapamandila ng militante at makabayang unyonismo sa Metro Manila, nagsilbi ring tagapangulo si Cabuelo ng Kilusang Mayo Uno-NCR.

Si Esparago naman ay kasaping tagapagtatag ng Sandigang Manggagawa sa Quezon City (SMQC). Sa ilalim ng kanyang pangangasiwa, nakapagtipon ang 17 unyon at samahan. Bahagi siya sa pagbuo ng mga kampanya upang mabigyan ng representasyon ang mga manggagawa sa Quezon City Development Council, bilang kinatawan ng SMQC. Susi rin ang kanyang papel sa pagbuo ng Alliance of Call Center Workers Metro Manila na nagsusulong sa karapatan at kagalingan ng mga manggagawa sa Business Processing Outsourcing (BPO).

Hindi ito ang unang pagkakataong idinawit si Esparago sa tinatawag ng Bayan-NCR na gawa-gawang kaso. Noong Disyembre 10, 2020, kabilang si Esparago sa tinaguriang Human Rights Day 7, pitong unyonista at isang mamamahayag, na hinuli sa isang araw sa gawa-gawang mga kaso na kalauna’y binasura rin ng Mandaluyong Regional Trial Court. Nakalaya si Esparago noong Marso 5, 2021, matapos maibasura ang kaso.

“Ang atake laban kay Rod at Ed ay taktika ng rehimeng US-Marcos upang sikilin ang mga aktibista’t unyonista. Garapalang ginagamit ang masahol na ATA 2020 laban sa mga nakikipaglaban para sa karapatan at kagalingan ng mamamayan upang bigyang-katuwiran ang kanilang pagkakahuli at pagkakulong,” dagdag ng Bayan-NCR.

Idinadawit sa armadong engkwentro

Ibinatay ang kasong “terorismo” sa dalawang lider-manggagawa sa pagdadawit ng AFP sa kanilang mga pangalan sa naganap na engkwentro sa pagitan ng 84th IB at Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Barangay San Fernando Sur, Laur, Nueva Ecija noong Oktubre 8, 2023. Ang naganap na engkwentro noong Oktubre 2023 ay inako ng BHB-Nueva Ecija.

Sa kanilang pahayag, hindi bababa sa apat na sundalo ng 84th IB ang napaslang habang maraming iba pa ang nasugatan. Ang mga sundalo ng 84th IB ay nag-ooperasyon sa mataong lugar at malapit sa mga komunidad, ayon sa yunit ng BHB, kaya sinikap nilang ilayo sa kapahamakan ang mga sibilyan sa lugar nang naganap ang labanan.

Kabaligtaran naman ang ginawa ng 84th IB na walang patumanggang nagpaputok nang halos isang oras nang walang pagsasaalang-alang sa mga sibilyan. Ayon pa sa ulat, ilang minuto bago ang sagupaan ay nagmartsa ang mga sundalo sa kalsada na nagdulot ng takot at pangamba sa mga sibilyan at turistang dumadayo sa Seminublan Falls sa barangay.

Noong Mayo, inianunsyo rin ng pambansang upisina ng Karapatan ang pagdadawit sa kaparehong kaso kina Nathanael Santiago, Anasusa San Gabriel, Rosario Brenda Gonzales, at Servillano Luna, Jr. Sila ay aktibong mga kasapi ng mga organisasyong nagtataguyod sa karapatan ng mahihirap at inaapi.

AB: 2 lider-manggagawa sa NCR, sinampahan ng kasong "terorismo"