2 myembro ng Komite Sentral ng CPI (Maoist), sadyang pinaslang ng rehimeng Modi
Dalawang myembro ng Komite Sentral ng Communist Party of India (Maoist) ang higit 10 araw na sikretong idinetine bago sadyang pinaslang ng armadong pwersa ng rehimeng Modi noong Setyembre 22. Pinalalabas ng rehimeng Modi na napaslang sa engkwentro ang dalawa sa Abujhmad para pagtakpan ang krimen at takasan ang pananagutan nito.
Ayon sa mga ulat, nadakip ng armadong pwersa ng India sina Kasamang Katta Ramachandra Reddy (Raju Dada) at Kasamang Kadari Satyanarayana Reddy (Kosa Dada), kapwa hindi armado, sa Raipur City sa estado ng Chhattisgarh noong Setyembre 10. Hinihinalang dinala sila sa isang sikretong lugar sa pagitan ng Setyembre 11 hanggang Setyembre 20 kung saan posible silang ipinailalim sa matinding torytur bago pinaslang.
Sa pahayag ni Vikalp, kinatawan ng Dandakaranya Special Zonal Committee, ang dalawang lider-rebolusyonaryo ay hindi mga kombatant dahil mayroon silang tinatanganang ibang mga gawain na iniatas ng CPI (Maoist) 10 buwan na ang nakararaan. Huli umano silang nakakuha ng tugon at balita sa dalawa noong Setyembre 10. “Kasinungalingan ang engkwentro. Dapat itong batikusin ng lahat,” ayon kay Vikalp.
Pinagpugayan ng CPI (Maoist) ang dalawa nitong mga lider na nagbuwis ng buhay para sa rebolusyong Indian. Ayon kay Vikalp, sadyang malaki ang nawala sa partido sa pagkamartir ng dalawa, gayunman, ipinahayag niyang “lalaban sila hanggang sa huli para makamtan ang adhikain na ipinagbuwis ng buhay ng mga kasama.”
Liban sa dalawa, naitala rin ang sadyang pagpaslang sa lima pang mga lider at myembro ng Komite Sentral ng CPI (Maoist) at mga myembro ng Eastern Regional Bureau (ERB) nito sa nagdaang buwan. Lahat sila ay pinalalabas rin na mga napaslang sa mga engkwentro, bagay na pinasubalian ng panrehiyong yunit ng CPI (Maoist).
Kaugnay nito, at bilang panawagan ng hustisya, ilulunsad ng CPI (Maoist) ERB ang isang-buong araw na Bandh (welga) sa Oktubre 15 sa Bihar-Jharkhand, North Chhattisgarh, West Bengal, at Assam laban sa brutal na panunupil ng mga pwersa ng estado at sa Operation Kagar.