2, patraydor na pinatay ng AFP sa Negros Occidental
Inilantad at binatikos ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Negros Island (Apolinario Gatmaitan Command) ang pagdukot ng mga pwersa ng estado at sadyang pagpaslang sa dalawang indibidwal sa Negros Occidental noong Marso 7-8. Anito, krimen at paglabag sa internasyunal na makataong batas ang pagpaslang sa mga hors de combat.
Dinampot ng mga ahente ng Crime Investigation and Detection Group sina Noynoy Ponteras (Ka Jojo) at Marisa Pobresa (Ka Kim) noong Marso 7, alas-7 ng gabi, sa isang barangay sa Bacolod City. Kinabukasan, pinalabas silang napaslang sa isang armadong engkwentro ng 79th IB at BHB sa Sityo Paraiso, Barangay Caduhaan, Cadiz City. Hindi bababa sa 65 kilometro ang layo ng Bacolod City sa Cadiz.
Ayon sa BHB-Negros Island, ipinailalim sa tortyur at sadyang pinatay sina Ponteras at Pobresa. Ibinalandra pa ng mga sundalo ang kanilang mga bangkay sa tubuhan at nilagyan ng mga armas at kagamitang pandigma.
“Kasinungalingan at panlilinlang sa publiko ang pahayag ng 303rd IBde at 79th IB na nakapatay sila ng dalawang mataas na upisyal ng BHB,” pahayag ni Maoche Legislador, tagapagsalita ng BHB-Negros Island. Idiniin niya na nais lamang kubrahin ng mga upisyal militar ang pabuyang pera na nakapatong sa ulo ni Ponteras.
Kinundena rin ni Legislador ang “walang hiyang” paggamit ng 79th IB sa mga bangkay ng mga biktima sa kanilang kampanyang saywar at propaganda sa publiko. Tuso at mapagpanggap na “tumulong” ang mga sundalo sa mga pamilya ng biktima at pagsauli ng mga bangkay sa mga kaanak para sa pagpapaganda ng sariling imahe.
“Sa likod ng mga piktyur at pagsasauli ng bangkay sa pamilya na inilabas sa social media, nariyan ang pananakot at panliligalig ng 79th IB at iba pang mga reaksyunaryong pwersa,” ayon kay Legislador. Walang tigil ang naging panghaharas sa mga kaanak ng biktima hanggang sa panahon ng burol at paglilibing.
Dagdag ni Legislador, ang nangyari sa dalawa ay nagpapakita ng paggamit ng pasismo ng rehimeng US-Marcos sa pagtugon sa mga ugat ng armadong tunggalian sa bansa. “Hindi sinsero ang rehimen na tugunan ang mga problema…ang grabeng paghihirap sa gutom at kaguluhan,” ayon sa tagapagsalita.
Nanawagan ng hustisya ang BHB-Negros Island sa sadyang pagpaslang ng AFP sa dalawa. “Hustisya para kay Ka Jojo at Ka Kim! Patuloy ang pagsusulong sa demokratikong rebolusyong bayan!” panawagan ni Legislador.
Sa isang pahayag, kinundena rin ng Karapatan ang paglabag na ito. “Ang ganitong mga paglabag sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas, laluna sa mga lugar tulad ng Negros Island, ay nagiging tatk na ng rehimeng Marcos,” ayon kay Cristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng grupo. Giit niyang kaagad na itigil ng rehimen ang pasistang mga patakarang ito.