2 unyonista, patraydor na inaresto

,

Mahigpit na kinundena ng Kilusang Mayo Uno ang patraydor na pag-aresto kina Kara Taggaoa, international officer ng KMU, at Larry Valbuena, presidente ng PASODA-PISTON, kaninang umaga. Nasa Quezon City Trial Court ang dalawa para harapin ang gawa-gawang kasong isinampa sa kanila na pagnanakaw nang patraydor silang arestuhin sa hiwalay na kasong direct assault. Ayon sa ulat ng KMU, ang ginamit sa kanila na arrest warrant na may petsang Disyembre 2021 ay may markang “unserved” (o hindi pa naipapaabot sa kinaukulan).

Ang gawa-gawang kasong direct assault laban sa isang pulis ay kaugnay pa rin sa naunang kaso ng pagnanakaw na diumano’y naganap noong Hulyo 11, 2020 habang nagpoprotesta ang iba’t ibang grupo sa harap ng upisina ng Commission on Human Rights. Noong nakaraang buwan, napabalitang mayroong arrest warrant ang dalawa kung kaya agad silang nagpyansa. Gayon na lamang ang kanilang gulat nang bigla silang inaresto sa iba pang kaso na hindi nila alam na nakasampa laban sa kanila.

Walang abiso, paunang imbestigasyon, at hindi dumaan sa tamang proseso ang ikalawang gawa-gawang kaso, ayon sa KMU. Dagdag dito, “ginagatasan ng estado ang dalawang unyonista ng ₱36,000 kada isa para sa kasong direct assault, hiwalay pa sa ₱100,000 para sa gawa-gawang kasong robbery,” ani grupo.

Nananawagan ang KMU, kasama ang iba’t ibang grupong manggagawa, tagapagtanggol ng karapatang-tao at demokratikong organisasyon, para sa pagbabasura sa gawa-gawang mga kaso at kagyat na pagpapalaya kina Taggaoa at Valbuena.

“Nagpapatuloy ang karahasan laban sa mamamayan at manggagawa…ang kanilang freedom of association (karapatang sumapi sa organisasyon) at right to peaceful assembly (karapatan sa mapayapang pagtitipon), imbes na tugunan ang mga lehitimong panawagan na itaas ang sahod at gawin itong nakabubuhay para sa mga manggagawa at kanilang mga pamilya,” ayon sa KMU.

AB: 2 unyonista, patraydor na inaresto