Balita

200 aerial bombing, isinagawa sa Saudi Arabia sa Yemen sa buwan ng Pebrero

,

Nagsagawa ang Saudi Arabia ng di bababa 200 air raid at 716 indibidwal na airstrike sa bansang Yemen sa buwan ng Pebrero. Ito ang pinakamaraming pambobomba mula sa ere ng bansa mula 2018, ayon sa Yemen Data Project.

Sa ulat ng grupo, 15 sibilyan ang nabiktima sa mga pamboboma sa naturang buwan. Mas mababa ito kumpara sa Enero, kung saan umaabot sa 426 sibilyan ang napatay. Bagamat bumaba, mas mataas pa rin ito nang tatlong beses sa abereyds na 5.6 na kaswalting sibilyan noong nakaraang taon. Sa bilang ng grupo, nagsagawa ang Saudi Arabia at mga kaalyado nito ng 24,876 pambobomba sa loob ng 2544 araw. Sa talaan nito ngayong araw, Marso 12, direktang pumuksa ang mga bomba nito ng 8,970 katao at dahilan ng pagkasugat sa 10,226 indibidwal.

Noong Marso 7, nananawagan ang United Nations Commission for Refugees, sa pamamagitan ng special envoy nitong si Angelina Jolie, na bigyan ng suporta at pagdepensa ang mamamayan sa Yemen, tulad ng pagdepensa ngayon ng marami sa mga sibilyan sa Ukraine.

“Ang sitwasyon dito ay isa sa pinakamalalang humanitarian crisis sa buong mundo, kung saan isang sibilyan ang napapatay o nasusugatan kada araw ngayong 2022. Ang ekonomya ay nawasak na ng gera, at mahigit 20 milyong Yemeni ay nakaasa sa ayudang makatao para mabuhay,” aniya. “Kung mayroon man tayong natututunan sa ganitong klaseng karimarimarm na sitwasyon, ito ang (katotohanang) hindi tayo pwede maging mapili sa kung sino lamang ating susuportahan at kung kaninong mga karapatan lamang ang ating ipagtatanggol.”

Umarangkada ang pambobomba ng Saudi Arabia matapos isara ng United Nations Human Rights Council ang independyenteng komite na sumusubaybay sa agresyon nito noong Oktubre 2021. Ayon sa huling ulat ng UN, umaabot sa 400,000 katao ang napatay dulot ng mga atake, pambobomba, malnutrisyon, gutom at epidemya. Apat na milyon ang napalayas sa kanilang mga komunidad. Karamihan sa mga biktima ay mga bata. Papasok na sa pangwalong taon ang pananalakay sa darating na Marso 25.

Ang blokeyo, pambobomba at agresyong militar ng Saudi Arabia laban sa Yemen ay isang gerang sinulsulsulan at inaarmasan ng US. Binibigyan nito ang mga armadong pwersa ng Saudi ng suportang paniktik, suporta para sa pagtatarget at maging sa paggagasolina ng mga eroplanong pandigma (na karamihan ay gawang US). Noong Pebrero 12, nagpadala pa ang US ng mga F-22 fighter jet para “protektahan” ang Abu Dhabi at Dubai mula sa mga “rocket ng mga Houti,” ang mamamayang lumalaban para sa kanilang kalayaan sa Yemen.

Ayon sa Stockholm International Peace Research Institure, ang Saudi Arabia ang pinakamalaking importer ng armas mula 2015 hanggang 2019. Ang 73% nito ay mula sa US at 13% mula sa United Kingdom. Sa loob ng limang taon bago ang panggegera, nasa $3 bilyon lamang ang halaga ng mga armas na naibenta ng US sa Saudi Arabia. Sa pagitan ng 2015 at 2020, nakapagbenta ito ng $64.1 bilyon o $10.7 bilyong armas kada taon. Sa simula, nangako si US Pres. Joseph Biden na ihihinto nito ang pagbebenta ng armas noong 2021. Pero hindi pa nagtatapos ang taon, inaprubahan niya ng pagbebenta sa Saudi Arabia ng mga F-35 fighter jet na nagkakahalaga ng $35 bilyon.

AB: 200 aerial bombing, isinagawa sa Saudi Arabia sa Yemen sa buwan ng Pebrero