2,000 magsasaka sa Albay, apektado ng pag-aalburuto ng bulkang Mayon
Sa kabila ng panganib, ilang mga residente na nakatira malapit sa gilid ng Bulkang Mayon ang bumabalik-balik sa kanilang barangay upang asikasuhin ang kanilang tanim na gulay at pakainin ang kanilang mga alagang hayop.
Ayon sa Tarabang para sa Bicol Inc. (TABI), may mga bakwit na hirap maghanap-buhay dahil sa pansamantalang paglipat at layo sa kanilang tirahan.
“Habang ang ilang mga lumikas ay pansamantalang pinapayagang bumalik sa kanilang mga komunidad upang tingnan ang kanilang pananim at mga alagang hayop, napansin nila na mas magastos ang kanilang pagbyahe dahil sa layo ng mga evacuation center sa kanilang komunidad,” ayon sa TABI.
Noong Enero 6, itinaas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa Alert Level 3 ang Bulkang Mayon. Iniulat ng ahensya ang 308 insidente ng pagguho ng mga bato at 68 insidente ng pagbuga ng mga abo at bato. Dahil dito, pinagbakwit ang 3,000 residente na nakatira sa loob ng 6-kilometro na permanent danger zone o delikadong bahagi ng bulkan. Pinagbawalan silang bumalik habang nakataas ang alerto. Maaring tumagal ng ilang buwan ang pag-aalburuto ng bulkan, batay sa karanasan noong 2023 kung kailan umabot ng anim na buwan ang pag-alburuto nito.
Ayon sa Albay Provincial Agricultural Office (APAO), malaki ang epekto ng nagpapatuloy na pag-alburuto ng Mayon sa sektor ng agrikultura sa mga kalapit na barangay at bayan sa Albay. Nasa 1,816.823 ektarya mga pananim mula sa mga bayan ng Malilipot, Bacacay, Legazgpi Citym Daraga, Camalig, Guinobatan at Tabaco City ang nasira dahil sa abo mula sa bulkan. Mahigit 2,000 ektarya ng palaisdaan, 534 ektarya ng niyugan, 527 ektarya ng gulayan at 377 ektarya ng palay ang napinsala.
Sa bayan ng Malilipot, 366 ektarya ng plantasyon ng abaka na pinangangasiwaan ng 386 na magsasaka, at mga plantasyon ng gulay nasa danger zone ang naapektuhan. Sa bayan ng Guinobatan, nasa 377.91 ektarya ng palayan at plantasyon ng gulay at mais na sinasaka ng nasa 557 pamilya ang apektado. Naapektuhan din ang lupang agrikultural sa bayan ng Daraga at Camalig.
Tinatayang nasa 2,279 na magsasaka at manggagawang bukid sa plantasyon ang direktang naapektuhan dahil sa pag-alburuto ng bulkan.
Kung magpapatuloy ang pag-aalburuto ng bulkan, mapipilitan ang mga nasa evacuation site na manatili ng ilang buwan. Ang matagal na paglikas ay nagdudulot ng matinding ligalig sa mga pamilya at abala sa pang-araw-araw na pamumuhay. Lubhang apektado rin ang kabuhayan laluna sa mga magsasaka na naninirahan sa paligid ng mga dalisdis ng bulkan, paliwanag ng TABI.
Sa ngayon, naabot ng TABI ang 930 na pamilya o 3,466 na indibidwal na apektado ng kalamidad. Nagmula sila sa limang barangay mula sa Malilipot, dalawang barangay sa Camalig at isang barangay mula sa Ligao City. Pansamantalang nananatili ang mga pamilya sa Buang Evacuation Center Covered Court, San Jose Elemetary School sa Malilipot, Tagaytay Elementary School sa Camalig. Iniinda nila ang kakulangan ng palikuran, kusina, tubig at sapat na sapin para sa pagtulog.
Nanawagan ang TABI para sa tubig na maiinom, pagkain, gamit pangkalinisan at gamot para sa mga bakwit.