Balita

3 dagdag kaso ng deportasyon, nilalabanan ng mga imigranteng Pilipino sa US

,

Kasalukuyang kinakampanya ng Tanggol Migrante Movement (TMM) ang pagpapalaya kila Ya’akub Ira, Alma Bowman at Sonny Lasquite, mga imigranteng Pilipino na tinutugis ngayon sa US. Kasabay nito, nananawagan ang grupo sa embahada ng Pilipinas na tulungan sina Tita Rebecca at Tita K na mabigyan ng medikal at pinansyal na ayuda, at tulong para sa kanilang pag-uwi sa Pilipinas.

Iligal na dinakip ng mga ahente ICE si Ya’akub Ira, isang Pilipinong Muslim at photojournalist noong Oktubre 7. Ito ay dahil sa mga paskil niya sa social media kontra sa mga polisiya ng US at panawagang pagtigil sa henosidyo sa Gaza. Binawi ang kanyang Deferred Action for Childhood Arrivals (DACA) status na sa Mayo 2026 pa sana mapapawalang bisa. Ayon sa Department of Homeland Security, iniimbestigahan siya sa ilaim ng Dallas Joint Terrorism Task Force dahil sa ‘pagpuri sa terorismo’ sa social media.

Si Tita Rebecca ay 71 taong gulang at 42 taon nang naninirahan sa US. Mahigit pitong buwan na siyang nakadetine sa pasilidad ng ICE sa Chicago at nakatakdang ideport sa Pilipinas. Habang nakakulong, halos apat na buwan siyang hindi nakainom ng kanyang gamot. Kailangan pa niyang magtiis ng isang buwan bago makalabas sa detensyon.

Si Tita K ay 54-anyos at 46 na taon nang naninirahan sa US. Nakatakda siya na mas maagang makalaya mula sa isang kaso mababa ang sentensya. Sa halip na palayain, idinitene siya ng ICE at inilipat sa NorthWest Detention Center sa Tacoma, Washington. Nakatakda siyang ideport noong Oktubre 2. Ayon kay Tita K, habang tumatagal ang kanyang detensyon, nagtatagal din ang kanyang pagdurusa. Nangangamba rin siya kung paano siya magsisimula muli sa ibang bansa at malayo sa kanyang pamilya.

Ang apat na Pilipino ay ilan lamang sa mga imigranteng tinutugis ng ICE mula nang maupo si Donald Trump sa pangalawang pagkakataon. Sa halip na tugunan ang pangangailangan ng nga Pilipino at protektahan sila mula sa diskriminasyon, pang-aabuso, at iligal na detensyon at deportasyon, ay mistulang multo ang embahada ng Pilipinas na hindi mahagilap tuwing kailangan ang kanilang tulong. Lagi ring hindi sapat at nahuhuli ang binibigay nitong tulong.

Nagbuklod ang komunidad ng mga Pilipino at mga aktibista sa US sa ilalim ng Tanggol Migrante Movement upang magkaisa na ipanawagan ang pagpapalaya, bigyan ng proteksyon at serbisyo ang mga iligal na ikinulong na mga Pilipinong migrante.

Naglunsad ng prayer vigil ang TMM kasama ang pamilya ni Sonny Lasquite noong Nobyembre 2 upang ipanalangin ang kanyang agarang paglaya. Nakatakda ang kanyang susunod na pagdinig sa Nobyembre 20.

Samantala, nangangamba ang pamilya ni Alma Bowman na maari siyang ideport sa bansang hindi niya pinagmulan dulot ng hindi pagkilala ng gubyerno ng Pilipinas at ng US na mamamayan nila si Bowman. Si Bowman ay pinanganak sa isang Pilipino ina at Amerikanong ama.

Ayon sa TMM, patuloy nitong ilalaban ang pagpapalaya sa lahat ng imigranteng Pilipinong ikinulong ng ICE.

AB: 3 dagdag kaso ng deportasyon, nilalabanan ng mga imigranteng Pilipino sa US