3 Lumad na kumukuha ng durian, pinaulanan ng bala ng 88th IB

,

Pinaulanan ng bala ng mga sundalo ng 88th IB ang mga Lumad na kinilala lamang bilang Levi at Jemboy at isang di pinangalanan sa Sityo Takukon, Barangay Indalasa, Malaybalay City, Bukidnon noong Nobyembre 17 ng umaga. Nasa gubat ang tatlo para kumuha ng duryan nang bigla na lamang silang pinagbabaril ng mga sundalo.

Bugbog, sugat at troma ang natamo ng mga biktima dahil sa pagkaripas ng takbo para di matamaan. Napilitan pang dumaan sa bangin at alanganing daanan ang tatlo para lang makaligtas.

Matapos ang insidente, ipinagmayabang pa ng 88th IB na nakakumpiska ito ng isang armas sa pinalalabas na engkwentro nito sa Bagong Hukbong Bayan. Nakuha ng mga sundalo ang naiwan na “debomba” na baril ng tatlong Lumad na kanilang ginagamit sa pangangaso.

Kinabukasan, nagreklamo ang lider-katutubo sa lugar na si Datu Andihal sa barangay at humarap sa mga sundalo ng 88th IB na nagkakampo sa Barangay Indalasa. Nais sanang bawiin ng datu ang debombang baril ng mga katribu nito ngunit ipinagpilitan ng mga sundalo na hindi nila kilala ang yunit na bumaril sa mga biktima. Pinilit ng mga sundalo na makipagkasundo na lamang ang datu at ang mga biktima para tahimik na resolbahin ang insidente.

Hindi na bago ang paglapastangan ng 88th IB sa karapatan ng mga Lumad at residente sa naturang barangay. Naitala ang mga paglabag na ito sa panahon ng walang-patid na nakapokus na operasyong militar sa magkakanugnog na barangay. Kabilang sa mga kasong ito ang pagsira ng nag-ooperasyong tropa ng 88th IB sa tanim na mais at pagtapon sa mga binhi ng palay ng mga residente noong Marso 28.

AB: 3 Lumad na kumukuha ng durian, pinaulanan ng bala ng 88th IB