3 sundalo ng 91st IB, napatay sa engkwentro sa BHB-Aurora

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Ligtas na naka-atras ang yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Aurora kasunod ng engkwentro nito sa tropa ng 91st IB noong umaga ng Mayo 20 sa Barangay Toytoyan, Dipaculao, Aurora. Hindi bababa sa tatlong sundalo ng pasistang mersenaryong 91st IB ang napatay.

Mariing pinasinungalingan ng BHB-Aurora na may nasawi sa hanay ng mga Pulang mandirigma. Sinagot ng BHB-Central Luzon (Josepino Corpuz Command) ang ipinakakalat ng 7th ID na labis ang pinsala sa mga Pulang mandirigma ng sagupaan.

Giit ng Pulang hukbo, ang kabiguan ng 91st IB sa naganap na engkwentro ay “patunay na hindi magagapi ang BHB sa Gitnang Luzon.” Sa kabila ng paulit-ulit nang pahayag na kakaunti na at nabuwag na ang mga yunit gerilya ng BHB sa rehiyon, ipinahayag naman ng 7th ID nito na nasa “20 mandirigma” ng BHB ang nakasagupa ng 91st IB sa Barangay Toytoyan.

Samantala, tiniyak ng BHB-Aurora ang publiko na tanging nasa direksyon ng mga armadong tropa ng 91st lamang ang pinakawalan nilang mga bala sa naturang sagupaan. “Sama-samang lumaban at nag-aalalayan ang mga kasama hanggang makalayo sa pinangyarihan ng enkwentro,” ayon sa BHB-Central Luzon.

Kinundena naman ng hukbong bayan ang nagpapatuloy na karahasang militar na inihahasik ng AFP sa mga sibilyang komunidad. Anila, dapat igalang ng rehimeng Marcos ang internasyunal na makataong batas at karapatang-tao.

AB: 3 sundalo ng 91st IB, napatay sa engkwentro sa BHB-Aurora