Balita

30 taon ng Philippine Mining Act, 30 taon ng pandarambong

,

Nagprotesta sa paanan ng Mendiola sa Maynila ang mga grupong makakalikasan sa ilalim ng Kalikasan PNE at iba pang mga progresibong grupo para ipanawagan ang pagbabasura sa Philippine Mining Act of 1995 (PMA95) sa ika-30 taon nito ngayong araw, Marso 3. Dala ng mga nagprotesta ang isang mapa ng Pilipinas na nagpapakita saan ang pinakamalalaking minahan sa bansa at ang mga dinastiya sa pulitika na nagmamay-ari ng mga to.

“Ang batas na ito ang sanhi ng patuloy na panghihimasok ng mga dayuhan at multinasyunal na korporasyon sa ating bansa para magtayo ng mga dambuhalang minahan,” ayon sa Bayan Muna Partylist.

Ayon sa Kalikasan, malinaw na sa nakaraang 30 taon, pinayaman lamang ng batas na ito ang iilang burukrata at walang iniwan kundi pinsala sa kalikasan, kawalan ng hustisyang panlipunan at pinaigting na pagsasamantala.

“Sa nakaraang tatlong dekada, nagsilbi ang Philippine Mining Act bilang ligal na balangkas para sa sistematikong pandarambong sa mga rekursong mineral na bansa, at pagpapayaman ng mga kumprador, oligarko, burukrata-kapitalista at kanilang mga dayuhang kasosyo,” pahayag ng Kalikasan PNE.

Ayon naman kay Eufemia Cullamat, pang-apat na nominado ng Bayan Muna, hindi lamang kabalintunaan ang sinasabing mga benepisyo ng pagmimina sa mapaminsala nitong reyalidad, dahilan din ito ng panunupil ng estado sa mamamayan, lalo na sa mga katutubo.

Gamit ang batas at kanilang kapangyarihan sa pulitika, pinalawak ng mga oligarko ang kani-kanilang mga “imperyo,” at lalupang nagpayaman, sa kapinsalaan ng mga komunidad ng mga magsasaka at katutubo, mga watershed at kagubatan. Ginamit nila ang kanilang mga pusisyon sa estado para manipulahin ang mga regulasyon, igawad ang mga permit at isaisantabi ang mga paglabag sa mga rekisitong pangagalaga sa kapaligiran.

“Malinaw ang kapaki-pakinabang na relasyon ng mga pulitiko at mga kumpanya sa mina,” ayon sa grupo. Kabilang sa tinukoy nito sina Senator Francis Tolentino, kalihim ng Department of National Defense na si Gilbert Teodoro at pinakamalaki sa lahat, si House Speaker Martin Romualdez. Malalawak din ang operasyon ng mga minahan na hawak mismo ng pamilyang Villar at ng pamilyang Gatchalian.

Nakinabang nang malaki ang mga dayuhang kumpanya sa pagkagahaman ng mga burukratang ito, ayon sa grupo. Kabilang sa mga ito ang dambuhalang mga kumpanya sa pagmimina ng Canada, Australia, China at UK.

“Sobrang pinalaki ang benepisyong dala ng liberalisasyon sa mina,” ayon sa Kalikasan. Mula 2020 hanggang 2023, nasa 16% lamang ng kabuuang produksyon sa pagmimina ang napupunta sa estado sa anyo ng buwis at shares. Sa bawat ₱100 halaga ng mineral na nahuhuthot ng mga kumpanya, ₱16 lamang ang napupunta sa estado.

AB: 30 taon ng Philippine Mining Act, 30 taon ng pandarambong