300 drayber ng traysikel ng Northern Samar, napipintong mawalan ng hanapbuhay dahil sa "modernisasyon"
Nagtipon ang 300 drayber ng traysikel na may rutang University of Eastern Philippines-Catarman noong Setyembre 8 para iparating ang kanilang pagtutol sa napipintong pag-agaw ng isang kooperatiba sa kanilang ruta. Ang atakeng ito sa kanilang kabuhayan ay bunsod ng PUVMP (PTMP) na nagbukas sa iba’t ibang ruta ng maliliit na drayber at opereytor sa malalaking korporatisadog mga kumpanya ng “modernong dyip.”
Naglunsad ng general assembly ang mga myembro UEP-Catarman United Drivers Transport Cooperative (UCATUD) sa kanilang terminal. Mula pa noong 1973, ang UCATUD na ang nagbibigay serbisyo sa mga komunidad ng UEP at iba pang naninirahan sa university town. Sa halos limang dekada, nagserbisyo ang mga kooperatiba sa mga sektor sa unibersidad. Dito nila binuhay ang kanilang mga pamilya.
Sa ulat ng The Pillars, upisyal na publikasyon ng mga estudyante sa UEP, kasalukuyan pang kinukumpleto ng UCATUD ang mga rekisito para upisyal na iparehistro ang kanilang ruta. Gayunpaman, animo’y bigla na lamang iginawad ng lokal na upisina ng Land Transportation Office (LTO) ang naturang ruta sa St. Christopher Transport Service Cooperative nang walang pasubali sa kanila.
Ayon sa UCATUD, hindi sila tutol sa modernisasyon, pero hindi ito dapat sa kanilang kapinsalaan. Hindi sila ayon sa “imbitasyon” ng St. Christopher na sumapi na lamang sa konsolidadong prangkisa at “transport cooperative” nito dahil hindi naman nila kayang bayaran ang napakamahal na mga yunit ng minibus nito. Ang St. Christopher ay may nakarehistrong 10 “modern public utility jeepney” o minibus sa LTO-Region 8. Pinamumunuan ito ng isang Rynner Macaraeg.
“Ang kahihinatnan nito ay gutom,” ayon kay Pepito Ortea, pinuno ng UCATUD. “Ang mga (anak namin na) estudyante ay hindi na makapag-aaral…kahit walang bayad nag eskwelahan,…ang maintanance tulad ng pamasahe, pagkain, saan namin kukunin?”
Anila, hindi man lamang naabisuhan ang UCATUD na ibinukas ang kanilang ruta sa iba, at kung may mga pagbabago man, dapat ay iginawad na ito sa kooperatibang ilang dekada na bumibyahe dito. “Bakit ibinigay pa ng gubyerno sa ibang kooperatiba?” tanong ng isang drayber.
Sa general assembly, nagpahayag ng suporta ang konseho ng mga mag-aaral ng UEP at mga empleyado ng unibersidad sa paglaban ng mga drayber.