Balita

337 manggagawa sa Mactan Export Processing Zone, sinibak sa trabaho

Hindi bababa sa 337 manggagawa ang nawalan ng trabaho sa panibagong serye ng sibakan sa Mactan Export Processing Zone (MEPZ) sa Lapu-Lapu City, Cebu. Ang naturang mga manggagawa ay iniempleyo ng isang kumpanyang nagsusuplay ng electronics solution na nagsara noong Setyembre. Dagdag ang bilang na ito sa 4,420 (2020), higit 4,000 (2022), 4,000 (2023) at 4,577 (Mayo 2024) na mga manggagawang sinibak sa iba’t ibang kumpanya sa loob ng MEPZ.

Ayon sa Alyansa sa mga Mamumuo sa Sugbo-Kilusang Mayo Uno (Ama-Sugbo-KMU), militanteng sentrong unyon sa Cebu, ang serye ng mga tanggalan ay nagpapakita sa bulnerabilidad ng ekonomya ng bansa na nakasalalay lamang sa dayuhang pamumuhunan.

“Pinatutunayan nito ang kagyat at mahalagang pangangailangan para sa pambansang industriyalisasyon, kabilang ang matagal nang panawagan para sa tunay na reporma sa lupa bilang mga programang dapat ipinatutupad ng gubyerno,” pahayag ni Jaime Paglinawan, tagapangulo ng Ama-Sugbo-KMU.

Pagdidiin pa ng grupo, dahil sa pagtutulak sa patakaran ng gubyerno na pag-engganyo sa dayuhang mamumuhunan, labis na pinahihirapan ang masang manggagawa sa bansa. Ang mga EPZ na ito ay nagbibigay ng mas malaking kapangyarihan sa mga kapitalista para pagsamantalahan ang mga manggagawa na hindi nahahangganan ng mga batas o ibang regulasyon.

Sa ilalim ng batas militar binuo ang Export Processing Zone Authority (EPZA) sa pamamagitan ng Presidential Decree No. 66 noong 1972, para pangasiwaan ang mga export processing zone. Ang EPZA ay may eksklusibong hurisdiksyon at awtoridad sa loob ng mga EPZ.

Ang mga kumpanyang nasa loob ng mga sona ay binibigyan ng insentibo tulad ng hindi pagsingil ng mga buwis o bayad sa lisensya. Dumaranas ng mababang pasahod, pleksibleng paggawa, kontraktwalisasyon at panunupil sa karapatan sa pag-uunyon ang mga manggagawa rito.

“Sa pamamagitan nito, pinipigilan ang mga manggagwa na magkaisa,” ayon kay Paglinawan. Dagdag pa ng grupo, ang mga kalagayang ito ang lalo pang nagpapahirap sa mga manggagawa at kanilang pamilya na dumadanas na ngayon ng mataas na presyo ng bilihin, kawalan at kakulangan ng trabaho.

AB: 337 manggagawa sa Mactan Export Processing Zone, sinibak sa trabaho