Balita

4 na bilanggong pulitikal sa Negros, nakalaya

,

Matapos ang ilang taong pinatagal na pagkakakulong, nakalaya noong nakaraang linggo ang mga bilanggong pulitikal na sina Clydie Sabate, Kenneth Nabong, Jason John Gazon at Reymark Kisan mula sa Negros Occidental District Jail (NODJ) sa Bago City. Ang paglaya ng apat ay kasunod ng serye ng paglaya ng iba pang mga bilanggong pulitikal sa isla noong huling linggo ng Pebrero.

Noong Marso 20, nakalaya sina Sabate, Nabong, at Gazon. Si Sabate, isang manggagawang pangkulutra mula Teatro Obrero ng Escalante City, ay nakalaya matapos magpyansa sa kasong illegal possession of firearms and explosives at obstruction of justice. Nakulong siya ng anim na taon at dalawang buwan.

Iniulat noon ng National Federation of Sugar Workers (NFSW) na dumanas si Sabate ng tortyur, pinaghubad at tinutukan ng baril ng mga ahente ng estado nang dinukot noong Enero 2019. Ipinailalim din umano siya sa matinding interogasyon para paaminin na myembro ng Bagong Hukbong Bayan (BHB).

Sina Nabong at Gazon, parehong mula sa Himamaylan City, ay inaresto ng 62nd IB at 94th IB sa Barangay Buenavista noong Hunyo 9, 2021. Naiulat noon na ipinailalim ang dalawa sa tortyur at tinamnan ng baril bilang ebidensya para ikulong. Ibinasura ng korte ang kasong pagpaslang at tangkang pagpaslang na isinampa sa kanila. Tatlong taon at siyam na buwan silang nakulong.

Samantala, nakalaya si Kisan, isa sa mga kapwa akusado nina Nabong at Gazon, noong Marso 18. Dalawang taon at isang buwan siyang nakulong.

Sa paglaya ng apat, ipinahayag ng Kapatid-Negros Occidental na dapat itong magtulak ng masinsin na pagrebyu sa walang-batayang mga kasong ito na isinasampa ng mga pwersa ng estado laban sa mga aktibista at progresibo sa buong bansa. Mayroon pang 104 bilanggong pulitikal sa buong isla ng Negros sa kasalukuyan.

Dagdag pa ng grupo, nasa likod ng mga pagsasampa ng mga gawa-gawang kasong ito ang Inter-Agency Legal Action Group of the Western Visayas Regional Task Force-Elcac. Nalikha ang grupo sa balangkas ng National Task Force-Elcac na binuo sa bisa ng Executive Order 70 na pinirmahan ni Rodrigo Duterte noong Disyembre 2018. Kasunod ito ng pagpapailalim sa isla ng Negros sa de facto na batas militar sa bisa ng Memorandum Order 32 noong Nobyembre 22, 2018.

AB: 4 na bilanggong pulitikal sa Negros, nakalaya