400 pamilya, pinalayas sa demolisyon sa Davao City
Hindi bababa sa 400 pamilya ang napalayas sa isinagawang demolisyon ng 500-tauhang pwersa, na kinabibilangan ang 300 pulis, sa Upper Arroyo, Barangay Matina Crossing, Davao City noong Mayo 23. Kinundena ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay)-Davao ang isinagawang demolisyon.
Ayon sa mga ulat, 80 bahay ang giniba sa demolisyon kung saan apektado ang 60 matatanda at hindi bababa sa 200 mga bata. Halos tatlong ektarya ang eryang sinaklaw ng demolisyon.
Ibinahagi ng Kadamay-Davao ang nakalap nitong impormasyon na isang atas ng korte ang ginamit para isagawa ang demolisyon ngunit para lamang ito sa pitong kabahayan sa naturang distrito. “Kaya naman, ganoon na lang ang gulat at pagkaalarma ng iba pang mga residente dahil isinama sa demolisyon ang iba pang mga bahay,” anang grupo.
Isinawalat rin ng kapitan ng barangay sa isang panayam sa midya na ipinaabot lamang sa kanya ang planong demolisyong isang araw bago isinagawa ito. Inamin niya rin na hindi naging malinaw ang paliwanag sa magiging saklaw ng demolisyon.
Noong Mayo 24, kumatig ang Regional Trial Court (RTC) Branch 11 sa mga residente at naglabas ng isang 72-oras na temporary restraining order (TRO) para pansamantalang ipatigil ang demolisyon.
Matapos ang demolisyon, tumuloy ang mga apektadong residente sa gym ng Barangay Matina Crossing. Tanging pamamahagi ng pagkain mula sa mga “mobile kitchen” at food pack ang nagawa ng mga lokal na ahensya ng Davao City para sa mga napalayas at nawalan ng bahay.
“Nananawagan kami na itigil ang lahat ng hindi makatarungang demolisyon at dapat magbigay ang gubyerno ng disenteng relokasyon at kumpensasyon o danyos para sa mga apektadong pamilya,” anang Kadamay-Davao.
Hinimok rin ng grupo ang mga kapwa nila maralita at karaniwang mamamayan na mag-organisa at manindigan para sa kanilang karapatan sa paninirahan.