50 taon ng pagpupunyagi ng rebolusyonaryong kababaihan

,

Noong nakaraang Marso 18, ipinagdiwang ng rebolusyonaryong kababaihang Pilipino ang ika-50 taong anibersaryo ng pagkakatatag ng Makibaka (Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan.) Kinapanayam ng Ang Bayan ang pamunuan ng Makibaka kaugnay sa mga tagumpay at hinaharap nitong hamon:

1. Ano ang kabuluhan ng ika-50 taong anibersaryo ng Makibaka ngayong taon?

Ang limang dekada ng Makibaka ay nagpapakita ng patuloy na pagpupunyagi ng mga kababaihang Pilipino sa rebolusyonaryong pakikibaka upang baguhin ang sistemang nagsasadlak sa kababaihan sa matinding kahirapan at kaapihan. Patuloy nitong pinanghahawakan na ang awtoridad sa pulitika na kinakatawan ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo at siyang gulugod ng lahat ng iba pang sistema ng awtoridad na nang-aapi at nagsasasamantala sa kababaihan, ay dapat ibagsak upang tumungo sa ganap niyang paglaya. Pangunahing ekspresyon nito ang paglahok sa armadong pakikibaka ng kababaihang magsasaka, manggawa, petiburgesya at iba pang uri at sektor upang ipagtagumpay ang pambansa demokratikong rebolusyon sa Pilipinas.

Mula sa kaniyang pagkakatatag, pinangunahan ng Makibaka ang pagbasag sa mga ideya at kultura na ang babae ay mahina at sunud-sunuran, pantahanan o pang-aliw lamang. Ipinakita niya ang lugar ng kababaihan sa pakikibaka para sa pagbabagong panlipunan. Sa mga pagawaan, komunidad, kampus at mga sakahan, maraming mga kababaihan ang nag-alay ng lakas at buhay para sa interes ng mamamayan.

Sa nakaraang 50 taon, di matatawaran ang mga nakamit na tagumpay ng Kilusan sa Pagpapalaya sa Kababaihan para tugunan ang interes at kagalingan ng kababaihang Pilipino. Nakipaglaban ito para sa mahahalagang reporma sa reaksyunaryong gubyerno: isinulong ang mga karapatan sa paggawa, pagkilala sa mga demokratikong karapatan ng kababaihan sa kalusugan at suportang panlipunan, gayundin ang pagkalinga sa mga bata at pagkilala sa kanilang karapatan. Tuluy-tuloy ding isinusulong ang mga batas, ordinansa at iba pang patakaran upang labanan ang karahasan sa kababaihan. Sa loob ng gubyernong bayan sa kanayunan, kinikilala ang pagkakapantay-pantay ng babae at lalaki sa lahat ng larangan, pagrespeto sa kababaihan, pagkilala sa karapatan sa loob ng pamilya at karapatan din sa diborsyo. Subalit, ang lahat ng ito ay hindi banayad na nakamit at natatamasa dahil kailangan pa rin itong iginigiit at ipinaglalaban sa patuloy na pamamayani ng pyudal-patriyarkal na kultura at sistema sa isang malakolonyal at malapyudal na lipunan.

Sa kasalukuyan, nagnanaknak ang krisis na dulot ng anim na taon ng pasistang paghahari ng Rehimeng Duterte na nangangayupapa sa dalawang among imperyalista. Isang malinaw na halimbawa ang rehimen ng nagpapatuloy na pyudal-patriyarkal na kulturang nagmamaliit at nambabastos sa kababaihan. Sa parehong kalunsuran at kanayunan, pinapasan ng kababaihan ang bigat ng krisis sa kawalan ng trabaho, kontraktwalisasyon, di pantay na pasahod, mataas na presyo ng bilihin at serbisyo, kaakibat ng pasistang atake at paggamit ng karahasan sa kababaihan, panggagahasa upang pasukuin sa kanilang paglaban. Nagbabantang magpatuloy at sumidhi ang ganitong kaayusan kung maluluklok ang tambalang Marcos-Duterte sa posisyon. Ang ganitong kalagayan ay higit na nagpapatibay sa dahilan upang patuloy na

tanganan ng Makibaka ang kanyang tungkulin sa pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa mga kababaihang Pilipino at pangunahan ang paglaban ng kababaihan tungo sa kanyang ganap na paglaya.

2. Paano natatag ang Makibaka? Ano ang panlipunang kalagayan noon na nagluwal sa kanya?

Ang dekada ng 1960s ay kinatampukan ng matinding krisis sa ekonomiya at ang patuloy na pagpapakatuta ng rehimen sa US. Nagresulta ito sa pagkakabuo ng mga organisasyong masa mula sa mga kabataan, manggagawa at magsasaka. Ang mga malalaking kilos protesta ay sinalubong ng karahasan ng estado at lalong nag-ahita sa mamamayan upang mas malakihang kumilos. Noong mga unang buwang ng 1970, naganap ang tinaguriang Sigwa ng Unang Kwarto na kinatangian ng mga serye ng mga dambuhalang mga demonstrasyon ng mga kabataan at manggagawa sa ibat ibang bahagi ng bayan.

Sa ganitong kalagayan nabuo ang Makibaka o Malayang Kilusan ng Bagong Kababaihan. Binuo ito ng mga kabataang kababaihan katulad ni Lorena Barros, na nagmula sa iba’t ibang organisasyong masa noon gaya ng Kabataang Makabayan, Samahan ng Demokratikong Kabataan at Samahang Molave. Naging bahagi din ang University of the Philippines-Nationalist Corps at ilang babaeng kaguruan ng unibersidad sa Diliman, Quezon City. Pinagsama-sama nito ang mga kababaihang aktibista na nagsusulong ng paglaya ng kababaihan sa konteksto ng pambansang paglaya. Inilunsad ito at nagpakilala bilang organisasyon ng kababaihan noong Abril 18, 1970 kasabay ng koronasyon ng Binibining Pilipinas sa Araneta Center.

Ang mga pambansa demokratikong organisasyon ng kabataan bago pa man ang Sigwa ng Unang Kwarto ay kinikilala na ang pangangailangan para mapakilos ang mga kababaihan. Sa katunayan, mayroong kawanihan ng kababaihan sa loob ng Kabataang Makabayan nang itinatag ito noong 1964, bilang pagkilala sa partikularidad ng kaapihan ng kababaihan na kalahati ng lipunang Pilipino. Subalit, kahit na dumadami ang mga babaeng kasapian ng mga organisasyong masa, ang mga teoretikal at praktikal na gawain kaugnay ng isyung pangkababaihan ay nanatiling limitado. Ang protesta ng Makibaka laban sa Binibining Pilipinas na nanawagan laban sa komodipikasyon ng kababaihan ang kauna-unahang pagkakataon na dinala ng pambansa demokratikong kilusan ang usaping ito. Gayundin, ang selebrasyon ng Marso 8 bilang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan ay noong 1971 lamang naisagawa.

3. Ano ang naging papel nito sa pambansa-demokratikong kilusan?

Ang pagkakatatag ng Makibaka ay makasaysayan dahil pinangunahan nito ang pagtatayo ng isang militante at rebolusyonaryong kilusang kababaihan sa Pilipinas. Noong dekada sisenta hanggang sitenta, sa gitna ng pagtampok ng rebolusyonaryong pakikibaka ng kababaihan sa pambansang pagpapalaya tulad ng sa Byetnam at sa mga pagsusulong ng sosyalistang konstruksyon sa China, North Korea at Cuba, ay nariyan din ang mga burges peministang kilusan sa Kanluran na noo’y nagdadala rin ng panawagang women’s liberation. Ang Makibaka ang unang organisasyong pangkababaihan sa Pilipinas na nagdala ng pagsusuri na ang paglaya ng kababaihan ay makakamit sa paglaya ng bayan, at kung gayon ay nararapat na lumahok at makiisa sa pakikibaka ng inaaping uri ang mga kababaihan.

Kasabay ng mga organisasyon ng kabataan, pinalaganap nito ang anti-imperyalista, anti- pasista at antipyudal na linya at pakikibaka bilang bahagi ng kilusan sa propaganda (2nd propaganda movement). Subalit ang kaibahan ng Makibaka ay ang pagsasakonkreto nito kung paanong dinaranas ng kababaihan ang dobleng kaapihan bilang bahagi ng kanyang uri at bilang babae. Mula sa paglago ng kasapian sa mga unibersidad at kampus sa Metro Manila, nag-organisa ang mga kasapi nito sa mga pabrika, sa mga pamilihan at komunidad sa Kamaynilaan.

Sa pag-oorganisa sa mga kababaihan sa pagawaan at komunidad, kabahagi ang Makibaka sa paglutas ng mga praktikal na usaping dulot ng dobleng pasanin ng kababaihang anakpawis. Sa mga komunidad, itinayo ang Mothers Corps at Munting Paaralan ng Makibaka. Ang mga ina at kamag-anak ng mga kasapi ng Makibaka ay pinaloob sa Mothers Corps at ang mga batang bahagi ng paaralan ay inorganisa ang mga ina. Higit na lumawak ang kasapian nito sa mga manggagawa at manininda sa Leveriza kung saan nandoon ang kanilang HQ at nagtayo din sa mga komunidad sa Sampaloc, Malate at Tundo. Laman din ng mga piketlayn ng manggagawa at mga welgang bayan ang mga kasapi ng Makibaka at inabot ang mga pagawaang maraming mga kababaihan.

Pinatunayan ng Makibaka na kaya at maaari siyang gumampan ng maraming mga masasaklaw at ispesipikong tungkulin sa loob ng kilusan. Mula sa mga organisasyong masa sa kalunsuran at hanggang sa pagkilos sa BHB sa kanayunan, gumampan ng maraming mahahalagang tungkulin ang kababaihan.

Pinangunahan ng Makibaka ang pagbasag sa mga pyudal-patriyarkal na tradisyong nagkulong sa kababaihan sa tahanan, nagtakda sa kanila bilang mga sunud-sunuran at mapagtiis sa pang-aapi at karahasan. Sa mga salita ni Lorena Barros: “The new Filipina is one who can stay whole days and nights with striking workers, learning from them the social realities which her bourgeois education has kept from her… She is a woman who has discovered the exalting realm of responsibility, a woman fully engaged in the making of history…No longer is she a woman- for- marriage, but more and more a woman- for-action.”

4. Ano ang naging papel nito sa Unang Sigwa at nang ipataw ang martial law?

Kabahagi ang Makibaka sa mga malalaking protesta sa Unang Sigwa. Nagsilbi silang boses ng kababaihan sa mga rali mula 1970 hanggang sa deklarasyon ng Batas Militar. Mula sa piket sa Bb Pilipinas na nilahukan ng dating Miss International na si Gemma Cruz-Araneta, masiglang lumahok sa iba’t ibang mga martsa, piket at welga ang mga kasapi nito. Nagtiyak sila ng kaayusan ng hanay, gumawa ng mga plakard at istrimer, naglabas ng mga pahayag, nanguna sa mga pulong masa at nakiisa sa mga manggagawa at magsasaka.

Sa mga unibersidad at paaralan, mabilis na lumawak ang kasapian mula sa UP Diliman tungo sa iba pang pamantasan sa Maynila. Ang pinakamalaking balangay ay sa Philippine College of Commerce (Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas sa kasalukuyan) bago pa man tumuntong sa ikalawang hati ng dekada 1970. Nakapagrekrut din ng mga kasapi mula sa St. Paul College, Maryknoll (Miriam College ngayon), Unibersidad ng Santo Tomas at Pamantasan ng Lungsod ng Maynila.

Itinayo nito ang mga daycare sa komunidad at inorganisa ang mga kababaihan dito. Kasabay nito patuloy na ipinahayag ang pagtutol sa mga beauty pageants at fashion shows na pinabababa ang tingin sa kababaihan. Pinangunahan din nito ang paggunita ng Pandaigdigang Araw ng Kababaihan sa isang Martsa ng Kababaihan Laban sa Kahirapan noong March 8, 1971.

Lumahok ang Makibaka kasama ang mga manggagawa ng US Tobacco Corporation (USTC) sa welgang bayan sa Pandaigdigang Araw ng mga Manggagawa noong Mayo 1, 1970. Bago nito, nakiisa na sila sa mga piket na idinaos ng mga manggagawa sa USTC. Noong panahong iyon ay dumarami na ang mga kababaihang manggagawa na lumahok sa mga piketlayn at protesta. Isa na dito si Liza Balando, isang welgistang babaeng manggagawa ng Rossini’s Knitwear na binaril ng mga pasistang sundalo sa protesta noong Mayo Uno sa tapat ng lumang Kongreso noong 1972.

Nang ipataw ang Martial Law noong 1972, kabilang ang Makibaka sa mga dineklarang iligal na organisasyon. Lumahok pa ito sa isang rali sa UP Diliman na nagkundena sa pagpataw nito. Kasama ang mga kasapi ng Makibaka na kumilos nang lihim sa lunsod at nagbuo ng mga lihim na selula. Sa Kamaynilaan, sinikap nitong magtuluy-tuloy ng pag-oorganisa sa hanay ng maralitang lunsod at mangagawa sa kalunsuran. Ang paglathala ng opisyal na pahayagan na Malayang Pilipina ay sinikap magtuluy-tuloy ang produksyon. Sa paghigpit pa ng sitwasyon, maramihang pinadala ang mga kababaihan sa pag-oorganisa sa kanayunan at naging bahagi ng BHB. Nag-ambag sila ng kanilang lakas at talino sa higit na pagpapalakas ng armadong pakikibaka. Noong 1973, naging isa sa mga tagapagtatag na organisasyon ang Makibaka ng National Democratic Front of the Philippines. Bago nahinto ang pagkilos ng organisasyon sa NCR noong 1974 ay nakondena pa nito ang Miss Universe na noong taon ay ginanap sa Pilipinas at inisponsor ng Rehimeng Marcos.

Sa Visayas, ang mga kabataang kasapi ng Makibaka ay nagpatuloy din sa pakikibaka sa panahon ng Martial Law. Ang ilang organisador nito mula sa Siliman University ang pangunahing nag-organisa sa hanay ng mga sakada ng Kanlurang Visayas. Nagkonsentra ang ilan sa mga tubuhan at sa mga maralitang komunidad sa tabing dagat ng Dumaguete gayundin sa mga plantasyon ng mga asukal sa Negros Oriental.

Nagtayo rin ng mga balangay ang Makibaka noong Batas Militar sa Mindanao. Nagkaroon ng mga kasapi ang organisasyon mula sa mga kampus sa Davao. Nagpalawak din ng pag- oorganisa ang kababaihan sa mga pamayanan sa bayan ng Ozamiz, Pagadian, at Dipolog. Lubog sa mga suliraning pang-agraryo ang mga komunidad na inorganisa ng Makibaka noong Batas Militar. Kung kaya batay sa mga konkretong kondisyong kanilang nasaksihan, praktikal nilang natutunan ang kabuluhan ng pagsusulong sa rebolusyong agraryo.

Subalit mahabang panahon ang kinain ng pasistang atake ng rehimeng Marcos. Mahigit isang dekada pa pagka-deklara ng Martial Law bago muling nakapagpalakas sa kalunsuran ang Makibaka.

5. Anu-ano ang mga maiinit na isyu ng mga kampanya at pagkilos na isinagawa na tumatak sa buong kilusan?

Mula sa kaniyang pagkakatatag, ang Makibaka ay nagsulong ng mga tampok na laban ng Rebolusyonaryong Kilusan ng Kababaihan sa hayag. Mula nang ideklara itong iligal noong 1972, lihim itong kumikilos sa mga punong lungsod at mga sentrong urban sa ilang probinsiya at sa kanayunan, at siyang tumulong sa pagtatagumpay ng mga labang dinala nito. Sa pagdadala ng mga laban, nailapit ng Makibaka sa malawak na masa ng kababaihan ang rebolusyonaryong landas ng pagwawaksi sa mapang-api at mapagsamantalang sistema.

Ilan sa mga kampanyang inilunsad ay ang:

• Paglaban sa krisis pangkabuhayan — sa mataas na presyo ng langis, bilihin at serbisyo. Pinangunahan ang mga martsa laban sa kahirapan at kagutuman. Humarap at nanguna din ito sa paglaban sa demolisyon at pagsuporta sa mga welga ng manggagawa.

• Paglaban sa pasismo at diktadura. Ang muling pagsigla ng kilusang kababaihan, ang pagbubuo ng mga malalapad na alyansa at organisasyong pangkababaihan ay itinulak ng agos ng pakikibaka sa pasistang diktadurang Marcos. Hanggang sa mga sumunod n rehimen, patuloy na nilabanan ang pasismo ng estado.

• Tampok din ang paglaban sa imperyalismo. Aktibong bahagi ng pagpapatalsik sa baseng militar ng Amerika, nakapagbuo ng malawak na alyansa para dito at nakapagpakilos ng maraming kababaihan. Ipinagpatuloy ang siglang ito sa paglaban sa Visitng Forces Agreement at iba pang mga kasunduang militar na labag sa soberanya ng bayan. Kabahagi din sa mga pagkilos at kampanya laban sa imposisyon ng IMF-WB, World Trade Organization, APEC, RCEP at iba pang mga pormasyon at institusyong behikulo ng imperyalismo upang manatiling nakasandig ang ating ekonomiya sa mga dayuhan.

• Paglaban sa karahasan sa kababaihan.Nagmarka sa kasaysayan at nagbandila ng pagkakatatag ng Makibaka ang pagkilos sa Araneta Coliseum noong 1970 laban sa komodipikasyon ng kababaihan sa mga beauty pageants. Hanggang sa mga sumunod na panahon, patuloy na ikinampanya ang paglaban sa iba’t ibang porma ng karahasan sa kababaihan – rape, sexual harassment, domestic violence, sex trafficking, prostitusyon at pornograpiya at electronic violence.

• Bahagi ng mga kampanya sa paglaban sa dayuhang panghihimasok ang paglaban sa karahasan sa kababaihan. Tampok dito ang karahasan sa panahon ng World War II, sa mga tinaguriang comfort women at sa mga panggagahasa at pang-aabuso sa mga base militar ng mga Amerikano o kung saan man nakaistasyon ang mga sundalo. Nilabanan din ang paggamit ng estado ng karahasan sa kababaihan upang patahimikin sa paglaban, katulad ng mga kaso ng panggagahasa ng mga sundalo sa mga kababaihan at kabataan sa kanayanunan.

• Paglaban sa pang-aabuso sa mga migranteng kababaihan at sa mga patakaran ng pamahalaan na nagsasadlak sa kababaihan sa ganitong kalagayan, katulad na lamang ng kaso ni Flor Concepcion.

• Sa kanayunan, lumahok ang Makibaka sa mga antipyudal na pakikibaka kasama ng kanilang mga asawa at anak at sa mga malawakang pagkilos laban sa militarisasyon. Tumindi din ang pakikibaka ng mga tribung minorya. Sa Cordillera, tampok ang militanteng paglahok ng kababaihan laban sa pagtatayo ng Chico River Dam kung saan matapang na sumugod at naglansag ng mga tolda at kampo ng mga pasistang militar na nakahimpil sa ilog, at itinaboy ang mga sundalo sa lugar.

• Sa larangan ng pangmasang edukasyon at kultura, ikinampanya ng Makibaka ang pagpapalaganap sa oryentasyon ng kilusang kababaihan sa Pilipinas, sa siyentipiko, makamasa at makabayang pagpapaunlad sa mga bata, at demokratisasyon sa loob ng pamilya. Sa kanayunan, iginiit at ipinagtanggol din ng kababaihan ang mga karapatan at militanteng nakibaka sa mga pyudal na relasyon sa tahanan at mga pang-aabuso sa kanilang pagkababae ng mga panginoong maylupa.

• Kalahok din ang mga kasapi ng Makibaka sa paglulunsad ng ibat ibang pang-ekonomyang aktibidad at mga proyekto sa mga komunidad ng maralitang lungsod. Nariyan din ang kampanyang pangkalusugan kung saan nasa kwerpo ng mga proyektong pangkalusugan sa iba’t ibang komunidad ng maralita ang mga kasapi ng Makibaka. Samantala, naglunsad ng mga kampanya sa produksyon, kalusugan, nutrisyon, sanitasyon, gawaing edukasyon at pangkultura sa kanayunan.

6. Ano ang mga tampok na yugto nito mula sa Martial Law hanggang kasalukuyan?

a) Pagpupundar hanggang sa pagdedeklara ng Batas Militar (1970-1972).

Kinatangian ito ng panimulang pagbubuo ng Makibaka mula sa iba’t ibang samahan. Inilatag ang mga pangkalahatang prinsipyo sa pagpapalaya ng kababaihan sa Lipunan at Rebolusyong Pilipino (1971) ni Amado Guerrero kung saan kinilala ang “pang-aapi ng kalalakihan” bilang dagdag sa makauring pang-aapi na dinaranas ng kababaihan, at sa mensahe ni Jose Ma. Sison sa unang kongreso ng Makibaka na ipinahayag ang kahalagahan ng kilusan para sa pagpapalaya ng kababaihan. Mula dito ay namukadkad ang mga pagkilos at gawaing kababaihan ng pambansa demokratikong kilusan. Tumungo sa batayang masa sa mga komunidad at paagawaan ang mga kasapi upang magmulat, mag-organisa at magpakilos.

Nang ideklara ang martial law, sinarhan ang lahat ng daan para sa lehitimong pakikibaka ng mamamayan. Kasama ang mga kasapi ng Makibaka na kumilos nang lihim sa lunsod at nagbuo ng mga lihim na selula sa mga pabrika at paaralan. Marami din ang sumampang mga kababaihan sa Bagong Hukbong Bayan. Sumulong ang kilusang kababaihan sa kanayunan sa mga antipyudal na pakikibaka at pakikidigmang gerilya ng mamamayan. Ibayong pinasigla ang pagtatayo ng mga samahan ng magsasakang kababaihan sa iba’t ibang rehiyon sa bansa, namukadkad sa kanayunan ang mga grupong pang-organisa ng kababaihan.

b) Muling pagbuhay ng hayag na kilusang kababaihan sa ilalim ng pasistang diktadura (1973- 1986)

Naantala man ang higit na paglago ng Makibaka bilang organisasyon sa panahon ng pasistang represyon, hindi napigilan ang muling paglakas ng kilusang kababaihan mula sa dumami pang mga babaeng napakilos sa iba’t ibang antas at larangan ng rebolusyonaryong pakikibaka, sa armadong pakikibaka man o mga demokratikong protesta sa kalunsuran. Bago pumasok ang dekada otsenta, masigla na ang kilusang kababaihan na isinusulong ng mga anakpawis na nagdadala ng linyang antipasista, antipyudal at anti-imperyalista sa iba’t ibang antas.

Pagpasok ng dekada otsenta, sa pagtindi ng krisis sa ekonomya ay higit na naging masigla at mapangahas ang protesta ng kababaihan, laluna ang mga kababaihang manggagawa sa iba’t ibang welga. Pumutok ang mga welga ng kababaihang manggagawa sa mga pagawaan ng garments at elektroniks. Pinangunahan nila ang mga koordinadong welga sa mga factory belts tulad ng BEPZ (Bataan Export Processing Zone) at FTI (Food Terminal Inc,) sa Taguig. Sa proseso ay binuo noong 1982 ang isang alyansa ng kababaihang manggagawa at nakilahok din sa pagbubuo ng sentrong hayag ng kilusang paggawa noong 1980. Mga kababaihang manggagawa ang kauna-unahang nagbukas ng militanteng pagdiriwang ng Marso 8 sa ilalim ng diktadura noong 1983. Dala ang islogang “Makibaka para mabuhay”, 300 manggagawang kababaihan ang dumalo sa rali sa Liwasang Bonifacio.

Sumanib ang kababaihang mag-aaral sa mga boykot at protesta laban sa pagtaas ng matrikula at para sa mga reporma sa edukasyon habang paparami ang babaing petiburges na napakilos sa mga organisasyon at pakikibaka. Sumabay din sa pagsigla ang kilusang kababaihan sa Mindanao.Tampok din ang mga martsa-rali laban sa militarisasyon at kawalan ng lupa na nilahukan ng kabababaihan mula Hilagang Luson, Timog Katagalugan, Bikol at hanggang Bisaya at Mindanao.

Ang agos ng antipasistang pakikibaka simula nang paslangin si Ninoy Aquino noong 1983 ay malawakang nagpakilos sa masang kababaihan, kabilang na ang kababaihang petiburges at mga reaksyunaryong kababaihang anti-Marcos. Inilunsad ang pinakamalaking rali (10,000) ng kababaihan laban sa diktadura na naganap noong Oktubre 28, 1983. Mula dito itinayo ang isang malapad na alyansa ng kababaihan.

c) Mga disoryentasyon at kamalian sa panahon ng rehimeng Aquino (1986-1992)

Ang mga tagumpay sa muling pagsigla ng kilusang kababaihan sa kalunsuran ay nagsilbi sa pagpapahina, paghihiwalay at pagpapabagsak ng diktadurang Marcos. Subalit sa kabila mga tagumpay ay hindi nakalagpas sa pagkakamali sa yugtong ito. Lumitaw na ang mga kahinaan, kalituhan at disoryentasyon sa hayag na kilusang kababaihan at sa maging sa Makibaka.

Pagkatapos ng pag-aalsang EDSA noong 1986, kabahagi ang kilusang kababaihan ng kamalian sa pagturing na liberal demokratiko ang unang rehimeng Aquino. Tiningnan si Cory Aquino bilang karapat-dapat na simbolo ng babaing Pilipina sa halip na kilalanin siya bilang kinatawan ng naghaharing uri.

Ang Makibaka ay naging bahagi ng maling panawagan para sa ceasefire. Hinabol din ang inaakalang magandang oportunidad na ito para maipanumbalik ang Makibaka sa atensyon ng bansa. Nagpalitaw ng isang kasamang nasa kilusang lihim bilang tagapagsalita, at isinali ang pagtatambad sa midya ng mga babaing mandirigma at organisadong masa. Ginanap ito sa isang larangang gerilya sa Quezon noong Disyembre 1986, kasabay ng pagtatapos ng inilunsad na Unang Probinsyal na Kongreso. Iprinodyek ang Makibaka nang malayung-malayo pa sa aktwal na lakas nito. Pagkatapos ng ceasefire ay binomba at pinasok ng kaaway ang lugar na pinagdausan ng press conference ng Makibaka. Ang “total war” ng rehimen ay tumama nang matindi hindi lamang sa kanayunan kundi maging sa mga organisasyon ng kababaihang maralita na binasehan ng partisano.

Dalawang kongreso ang naidaos ng Makibaka noong 1988 at 1991. Subalit sa parehong kongreso, litaw na ang pagkahulog sa kamalian ng adelantadong pagpapaigting ng digma. Nakita ito sa inilabas nitong memorandum noong 1991 para sa rebolusyonaryong pagkilos ng kababaihan sa pag-agaw ng mga operasyon ng gubyerno at pagkumpiska ng mga ari-arian sa layong mapabagsak ang rehimen. Gayundin, nariyan ang likidasyunismo sa pamumuno ng Partido.

Sa hayag na kilusang kababaihan, naging matingkad ang impluwensya ng peminismo at ang pagdadala ng linyang sosyalista-peminista. Nadala ito sa mga binalangkas na modyul sa edukasyon ng mga organisasyon, maging ang batayang kurso ng Makibaka. Sa pag-oorganisa sa manggagawa ay dinala ang maling konsepto ng “peministang unyon.” Matingkad ang kahinaan sa pag-aaral at pagbabalik sa batayang prinsipyo ng pagpapalaya sa kababaihan bilang bahagi ng uring pinagsasamantalahan. Naging eklektiko ang pamamaraan sa pagpulot ng iba’t ibang mga peministang ideya na mas nagpapatingkad sa usapin ng kasarian kaysa sa uri.

d) Pagwawasto upang sumulong at pagharap sa panibagong mga hamon (1992-Kasalukuyan)

Ang pagwawasto at muling pagtangan ng wastong linya sa paglaya ng kababaihan ay naganap sa kabuuang pagwawasto ng rebolusyonaryong kilusan. Nagbalik aral sa mga naging karanasan sa nagdaang dekada at tinukoy ang mga kamalian upang wastong sumulong sa landas ng pambansa-demokratikong rebolusyon.

Iwinaksi ang maling linya ng sosyalistang-peminista at tiniyak ang wastong mga tindig at posisyon sa usapin ng kasarian. Dinala ito hindi lamang sa loob ng bansa kundi maging sa mga internasyunal na pagtitipon. Sa internasyunal na kumperensya ng kababaihan sa Beijing noong 1995, naglabas ang Makibaka ng pampleto na pinamagatang “The Gender Trap.” Matalas nitong ipinahayag at nilinaw na ang mga programa at plano ng UN ay walang iba kundi isang agenda para sa repormismo, pasipismo at kolaborasyunismo. Inilalako nito ang katagang “women empowerment” na nangangahulugan ng pagpapatampok ng mga usapin ng kasarian at hindi ng uri. Kaya’t ang inihahapag na solusyon sa hindi pagkakapantay-pantay sa pamamagitan ng pagpapaloob sa mga programa ng mga estado at ng imperyalismo ay malinaw na inilalayo sa rebolusyon at sa tunguhin ng sosyalismo ang landas para sa paglaya ng kababaihan.

Nilaman ng isinaayos na mga dokumento ng Makibaka noong 2002 ang mga prinsipyo at alituntunin ng organisasyon, kabilang ang gabay sa pagbubuo ng balangay nito. Pagwawasto ito sa kamaliang pag-aalis ng sosyalistang perspektiba sa tunguhin ng demokratikong reblusyongn bayan na isinusulong ng Makibaka. Noong Agosto 2003, muling inilathala ang publikasyon ng Makibaka, ang Malayang Pilipina.

Itinulak ng pagwawasto ang higit na paglawak sa pag-oorganisa ng kababaihan. Sa kanayunan, muling itinayo ang mga balangay sa loob ng sonang gerilya at naging kabahagi ng pagsusulong ng rebolusyong agraryo. Sa kalunsuran, itinayo ang mga selula at balangay sa mga komunidad, paaralan at pagawaan. Tuluy-tuloy na naglunsad ng mga lightning rally, postering at iba pang gawaing propaganda sa punong lungsod. Liban dito, naglulunsad ng mga aktibidad sa balangay na laman ang pangkulturang pagtatanghal, pagbabahagi ng mga kasama mula sa integrasyon at mga pag-aaral. Aktibo itong sa buong taong kampanya para sa pangangalap ng materyales at suporta sa BHB.

Sa loob ng tatlong dekada, naging bahagi ang rebolusyonaryong kilusang kababaihan sa mga daluyong ng kilusang masa, sa mga kampanyang talsik, sa higit na pagsulong ang armadong pakikibaka sa kanayunan. Kasabay nito ay hinarap at patuloy na hinaharap ng Makibaka ang hamon sa higit na pagpapalawak at pagpapalakas para mag-ambag sa pagpapaigting pa ng rebolusyonaryong pakikibaka tungo sa tagumpay nng rebolusyong Pilipino.

7. Ilang Kongreso na ang nailunsad ng Makibaka? Ano ang mga naging tampok na usapin at kaisahan sa mga ito?

Ginanap ang Unang Pambansang Kongreso noong Marso 11-12, 1972 sa Sampaloc University Center. (Naitalang naganap noong Marso 18-19, 1972 sa ilang akda sa publikasyon ng Liberation at Makibaka para sa Pambansang Demokrasya kaya mas ito ang petsang pinagdiriwang ang anibersaryo). Sa Kongresong ito malinaw na inilugar ang mga pampulitika at pang-ideolohiyang tungkulin sa pag-oorganisa ng Makibaka. Binasa dito ang “Mensahe sa Makibaka Hinggil sa Kilusan sa Pagpapalaya sa Kababaihan” mula sa pangulong- tagapagtatag ng bagong CPP na si Jose Ma. Sison, na higit pang naglinaw na ang susing kawing sa pagpapalaya sa kababaihan ay ang masiglang paglahok sa pampulitikang pakikibaka, sa pambansa-demokratikong rebolusyon. Mula sa “Malaya” ay binago tungong “Makabayan,” ang pangalan bilang pagdidiin sa puntong ito.

Ang Ikalawang Pambansang Kongreso ay idinaos sa rehiyon ng Timog Katagalugan noong Nobyembre 7-10, 1988. Sa temang, “Magpalawak! Magpalakas! Buong Siglang pakilusin ang Kababaihan sa mas Mataas na Antas ng Digmang Bayan!” nilaman nito ang paglalagom sa mga karanasan sa tagumpay at kabiguan ng organisasyon mula 1971. Subalit ang dinalang panawagang “pagpapatindi ng digmang bayan sa mas mataas na antas” ay pasok na sa balangkas ng pagpapatindi ng digma sa SCO, na bahagi ng mga

Inaprubahan din sa Ikalawang Pambansang Kongreso ang bagong Programa sa Pagkilos ng organisasyon. Mula dito, muling itinayo ang Pambansang Tanggapan ng Makibaka at naghalal ng mga bagong pambansang opisyal. Naglaan din ng programa para sa mga martir na kababaihan.

Taong 1991, inilunsad ang Ikatlong Pambansang Kongreso na ginanap sa Bicol. Sa kongresong ito muling pinagtibay ang katangian ng Makibaka bilang rebolusyonaryong organisasyong pangkababaihan at kasapi ng Pambansa Demokratikong Prente. Subalit sa kongreso ay iniwasan ng Makibaka na talakayin ang pamumuno ng PKP at sosyalismo. Litaw na dito ang pagkahawa ng Makibaka sa likidasyunismo ng NDF kaugnay ng pamumuno ng Partido noong bogus na kongreso ng 1990.

Ibinahagi rin dito ang tagumpay na natamo ng Makibaka sa nagdaang dalawang dekada kabilang ang paglago ng kasapian nito sa kabila ng todo-digmang kampanya ng gubyerno. Subalit kita na din ang impluwensya ng kamalian sa pagdadala ng maling linya ng sosyalistang peminismo kung saan bahagi ng ulat ang pagkakabuo ng Makibaka ng sariling programang pang-edukasyon kabilang ang kurso sa gender sensitivity.

Taong 2002 nang simulan ng Makibaka ang paghahanda para sa kanilang Ikaapat na Pambansang Kongreso. Inilabas ng Komite sa Paghahanda ang pinal na borador ng dalawa sa pinakapundamental na dokumento ng Makibaka na pangunahing bibigyang-bisa at sususugan sa Ikaapat na Pambansang Kongreso. Kabilang dito ang Saligang Batas ng Makibaka na nagsasaad ng lubos nitong paglahok at pagtataguyod sa pambansa demokratikong rebolusyon na may sosyalistang perspektiba. Nabuo din ang Programa sa Pagkilos ng Makibaka at ang Gabay sa Pagbubuo ng Balangay. Subalit hindi na nailunsad pa ang Kongreso. Sa halip ay isinagawa na muna ang mga kumperensya sa gawaing masa na pumaksa sa pagpapalaki ng kasapian ng Makibaka.

8. Bilang bahagi ng NDF, ano ang pagtingin sa redtagging at pagbansag na terorista? Ano ang mahalagang ambag sa pagsusulong sa gawain ng pambansa nagkakaisang prente?

Sa pagdeklara sa Makibaka at iba pang kasaping organisasyon ng NDFP bilang terorista, ipinapakita ang desperasyon ni Duterte upang makapanatili. Gamit na gamit niya ang ‘same old trick’ ng kanyang idolo na si Marcos Sr.- ang paghahasik ng mga teroristang pakana na ibubunton sa rebolusyonaryong kilusan upang bigyang katwiran ang kanyang plano na hindi ilunsad ang halalan ngayong taon o magdeklara ng Martial Law kapag nakitang tagilid ang pagpapanalo sa tambalang Marcos-Duterte. Target din ng deklarasyong ito na patahimikin ang kababaihang lumalaban. Hindi malayong gamitin at ginagamit na nga ito sa pamamagitan ng red tagging sa oposisyon upang takutin ang mamamayan at idiskaril ang pagdami ng pumapanig dito sa nalalapit na Halalan sa Mayo. Sa pamamagitan ng arbitraryong paghuli at pagpaslang, nais nilang pigilan ang paglakas ng panawagan ng kababaihan at mamamayan na patalsikin ang rehimeng Duterte. Patanaw na ito ng rehimen sa mas pinaigting na operasyong mapanupil sa mga susunod na araw, sa desperasyong makaupo at makapanatili sa kapangyarihan ang pangkating Marcos-Arroyo-Duterte.

Ang Makibaka ay patuloy na umaabot at nakikipagkaisa sa lahat ng kababaihan sa iba’t ibang uri at sektor upang isulong ang pakikibaka para sa karapatan at kagalingan ng kababaihan. Ang mga kababaihang naipapaloob sa mga rebolusyonaryong organisasyon at mga kababaihang naaalyado nito ay nag-aambag sa pagsusulong ng gawain sa nagkakaisang prente. Mahalagang kunin ang pagkakaisa ng malapad na hanay ng kababaihan upang iturol ito sa pagpapahina hanggang sa tuluyang pagpapabagsak ng naghaharing sistema. Sa kagyat, ang pakikipagkaisa sa malawak na bilang ng kababaihan para biguin ang pananatili ng rehimeng Duterte sa posisyon ay isang mahalagang tungkulin ng rebolusyonaryong kilusan ng kababaihan.

9. Ano ang pagkakaiba sa katayuan ng Makibaka sa panahon ni Marcos at Duterte? Paano ito nagpalakas sa kabila ng atake ng mga rehimeng ito?

Sa pagkakatatag ng Makibaka sa panahon ni Marcos mula sa komposisyon ng mga kabataang kababaihan, naitulak pa ang kanilang paglubog sa hanay ng mga manggagawa, maralitang lungsod at magsasaka. Mahalagang pagsulong ito na naputol ang pagyabong dahil sa imposisyon ng martial law. Subalit nagpunyagi pa rin ito sa pag-oorganisa sa gitna ng napakadelikado at mahirap na kondisyon, hanggang sa muling pagbwelo nito noong dekada 80. Napangibabawan at napatalsik ang pasistang diktadurang Marcos at muling inilunsad ang pagpapalaki at pagpaparami ng kasapian.

Sa kasalukuyan, higit pang matindi ang krisis na dinaranas ng mamamayan at kasabay na pasistang atake ng rehimeng US-Duterte. Hinaharap ng Makibaka ang atake sa kanyang mga base at mga kasapian sa parehong kanayunan at kalunsuran. Kaya naman, pinag-iibayo nito ang lihim na pagkilos at kondukta sa mahirap at delikadong sitwasyon para sa mga rebolusyonaryo. Sa sentrong lungsod, sa panahon ng pasistang lockdown ng rehimen ay nagsilbing kanlungan sa mga organisador at benyu ng mga pulong ng kilusang lihim ang mga komunidad ng balangay ng Makibaka. Dahil dito, naikutan ang mga restriksyon sa paggalaw na ipinataw ng rehimen.

Hindi nagbabago ang mga batayan at sa halip ay lumalakas pa ang pangangailangan para sa radikal na pagbabago ng lipunan. Ang paglulunsad ng demokratikong rebolusyong bayan ay patuloy na yayakapin ng kababaihan. Nasa mas mahusay na katayuan ang rebolusyonaryong kilusang kababaihan sa kasalukuyan upang suungin ang mas mahirap na sitwasyon. Patuloy itong nagpapalawak at nagpapalakas kasabay ng pana-panahong na pagtatasa at pagsusuma ng mga karanasan upang higit na mapangibabawan ang mga kahinaan at pagkakamali, kumuha ng mga aral mula dito upang itulak pa ang higit nitong pagsulong.

10. Paano tinitingnan ng Makibaka ang kasalukuyang eleksyon?

Habang mulat ang Makibaka na hungkag at dominado ng naghaharing uri ang eleksyon, kinikilala ng Makibaka ang masidhing pagnanais ng kababaihan at mamamayan na maalis na sa pwesto ang pahirap at pasistang rehimeng Duterte. Dahil ang kagyat na nakahain sa kanilang pamamaraan ay ang reaksyunaryong halalan sa Mayo, inaasahan ang kanilang pagkilos para sumuporta sa mga kandidato na nagpeprisinta ng mas mahusay na alternatibo at maaaring talunin ang si Marcos Jr.

Kaya naman, ang tungkulin ng Makibaka ay hamigin pa ang mga kababaihang aktibo sa paglaban sa pagbigo sa tambalang Marcos-Duterte. Ito rin ang pangunahing tungkulin ng kilusang masa sa kasalukuyan, kaya marapat lamang na suportahan at itulak pa ang pakikilahok ng mga kababaihan sa paglabas mula sa kanilang mga tahanan, upang tumungo sa mga malalaking pagtitipon na nagpapahayag ng kanilang protesta. Mahalagang pagkakataon para sa mga rebolusyonaryong kababaihan na ugnayan sila, organisahin at ipatanaw ang laban labas pa sa pagboto.

Sa gitna ng nagtataasang presyo ng bilihin at serbisyo, kawalang trabaho at sapat na sahod at ang kriminal na kapabayaan ng rehimen sa pandemya, iugnay natin ito sa malawak na masang aktibo ngayong panahon ng eleksyon. Maraming masa ang napapaniwala pa rin sa mga kasinungalingan ng kampo nina Marcos at Duterte, patuloy silang abutin at paliwanagan at kasabay na pakilusin para labanan ang mga polisiyang lalong nagpapahirap sa mamamayan. Higit pa, patuloy nating mulatin mamamayan na hindi sa eleksyon magbabago ang kanilang kalagayan. Kailangang rekrutin ang pinakamaraming kababaihan sa hanay ng masang manggagawa, maralita at petiburgesya upang magrebolusyon at tuluyang baguhin ang lipunan.

11. Sa ngayon, paano pinalalakas ang Makibaka sa kanayunan at kalunsuran?

Sa kalunsuran, mabilis na nakakapagrekrut ng kasapian mula sa mga kababaihang aktibong lumalahok sa mga kampanya at pakikibakang masa. Ang kanilang kasigasigan upang itaguyod ang mga kahingian ng mga kababaihan ay ipinupwesto sa konteksto na sa isang malakolonyal at malapyudal na lipunan, na makakamit lamang sa pagsusulong at pagtatagumpay ng pambansa-demokratikong rebolusyon. Mula sa mga narerekluta sa Makibaka, binubuo ang mga selula ng o grupo ng minimum na tatlong kasapian. Sa maraming pagkakataon, mabilis na naitatayo ang mga balangay ng Makibaka sa hanay ng mga kabataan at mga kababaihan sa komunidad. Maraming mga balangay ang naitayo sa mga lungsod na bumabalikat ng tungkulin para sa mas malawak na rebolusyonaryong propaganda, materyal at pinansyal na suporta sa kanayunan at ang pinakamahalaga ay ang pagpapasampa.

Sa pagtatayo ng balangay, tinatalakay ang konstitusyon at programa ng Makibaka, naghahalal ng mga upisyal ng chapter na kadalasang ipinapangalan sa mga kababaihang martir ng rebolusyon, nagbubuo ng plano sa partikular na eryang kinikilusan upang patuloy na magpalawat ng kasapian. Sa huli ay pinasusumpa ang mga kasapi ng balangay.

Isang kahinaan sa nakaraang mga panahon, partikular sa direktang inoorganisa ng rebolusyonaryong kilusan ng kababaihan sa kalunsuran, ang pagtatayo ng mga balangay sa hanay ng kababaihang manggagawa. Bagay ito na sinisikap ngayong iwasto sa muling pagtitiyak ng pag-oorganisa sa hanay ng mga manggagawa.

Sa kanayunan, binubuo ang mga balangay ng Makibaka sa hanay ng kababaihang magsasaka. Naghahalal ng mga upisyal at nagbubuo ng plano sa kampanya sa pagsusulong ng agraryong rebolusyon at gayundin ng rekrutment. Sa pagpapagana ng balangay, bahagi ng tinatalakay na mga usapin ay ang mga praktikal na kinakaharap na usapin sa pamilya.##

AB: 50 taon ng pagpupunyagi ng rebolusyonaryong kababaihan