Presensya ni Imee Marcos sa University of San Carlos, binatikos ng mga estudyante

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Kinundena ng mga estudyante ng University of San Carlos (USC) sa Cebu ang administrasyon ng unibersidad kasunod ng pagpapahintulot nito na makapasok sa USC Downtown Campus sa Cebu City noong Abril 26 ang anak ng diktador na si Imee Marcos para maging bahagi ng programa ng pamimigay ng ayuda ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). “Hindi siya tanggap sa isang unibersidad na nakibaka para sa demokrasya na ipinagkait ng kanilang rehimen [noong panahon ng diktadura],” pahayag ng mga progresibong organisasyon sa USC.

Nagpunta si Marcos sa Anselmo Bustos Gym para mamahagi ng ayuda ng DSWD, ngunit ayon sa mga grupo, hindi naman kinakailangan ang kanyang presensya sa pamimigay ng pera. “Ang presensyang ito ni Marcos ay malinaw na maniobra para kumalap ng suporta sa papalapit na eleksyong midterm sa 2025,” anila. Hindi pa nagdedeklara ng intensyong tumakbo sa darating na eleksyon si Marcos ngunit magtatapos ang termino niya sa pagka-senador sa 2025.

Liban pa dito, anila, kalunus-lunos ang sinapit ng USC at mga kasapi ng komunidad nito sa madugo at madilim na kasaysayan ng batas militar ng amang diktador ni Imee na si Ferdinand Marcos Sr. Ipinasara ang mga publikasyon, konseho at organisasyon sa USC, at sa mga unibersidad at pamantasan sa buong bansa, sa panahon ng pag-iral ng batas militar. “Hanggang sa kasalukuyan, maraming mga Carolino ang gumugunita sa Batas Militar para tuligsain ang malulubhang pag-abuso sa karapatang-tao sa ilalim ng rehimeng Marcos,” ayon sa pahayag.

Patutsada nila, ang pagbibigay ng administrasyon ng USC ng plataporma kay Marcos ay tahasang pagtalikod sa kasaysayan ng mga Carolino kung saan libu-libong mga estduyante at kasapi ng komunidad nito ang nanguna sa pagpapatalsik sa diktadurang Marcos.

“Kami, bilang mga Carolino, ay nagpapahayag ng kolektibong oposisyon sa pagpasok ni Imee Marcos sa loob ng ating pamantasan,” pagtatapos ng pahayag. Pinirmahan ang nagkakaisang pahayag ng Student Alliance for Nationalism and Democracy-USC, Gabriela Youth-USC, Rise for Education-USC, Kabataan Partylist-USC at Anakbayan-USC.

AB: Presensya ni Imee Marcos sa University of San Carlos, binatikos ng mga estudyante