Kaso laban sa 12 aktibista ng Southern Tagalog na lumahok sa protesta kontra-SONA, ibinasura

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Ibinasura ng Quezon City Prosecutor’s Office ang kasong paglabag sa Public Assembly Act of 1985 (Batas Pambansa Blg. 880) laban sa 12 aktibista mula sa Southern Tagalog na lumahok sa kilos-protesta kontra sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Marcos Jr noong Hulyo 24, 2023 sa Quezon City. Ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Timog Katagalugan, natanggap nila ang resolusyon ng prosecutor’s office noong Abril 23. Isinampa ang kaso laban sa 12 ng mga upisyal ng pulis ng Quezon City noong Agosto 24, 2023.

Ibinasura ang naturang kaso at hindi na itinulak pa sa korte dahil sa kakulangan ng ebidensya laban sa mga akusado. Kabilang sa mga sinampahan ng kaso ang tagapagsalita ng Bayan-Timog Katagalugan na si Kyle Angelo Salgado, YAPJUST Chairperson John Peter Angelo Garcia, Anakbayan Southern Tagalog Coordinator Kenneth Rementilla, Defend Southern Tagalog Spokesperson Charm Maranan at walo pang aktibista at lider ng mga organisasyon sa ilalim ng alyansa ng Bayan sa rehiyon.

“Naninindigan ang Bayan-Timog Katagalugan na isa itong uri ng judicial harasment upang patahimikin ang sinumang tumututol at naglalantad ng kahungkagan ng mga polisiya ng administrasyong Marcos Jr,” ayon sa grupo. Litaw na litaw rin ang pagliit ng demokratikong espasyo para sa mga protesta sa ilalim ng rehimen ng anak ng diktador, anito.

Liban sa 12 aktibsita ng Southern Tagalog, matatandaang kinasuhan din ng mga pulis ang visual artist ng Bayan na si Max Santiago at talong iba pa sa paratang ng paglabag sa Clean Air Act (Republic Act No. 8749) nang magsunog ng effigy noong ikalawang SONA. Ibinasura na rin noong Disyembre 2023 ang kaso laban sa kanila sa kawalan ng batayan.

“Imbes na pakinggan at dinggin ang hinaing ng mga mga nagpoprotesta, gawa-gawang kaso ang sinusukli ng pamahalaang nagpapanatili ng luma at nabubulok na kaayusang nagsisilbi lamang sa interes ng mga naghahari-harian sa bansa,” pagdidiin pa ng Bayan-Timog Katagalugan.

AB: Kaso laban sa 12 aktibista ng Southern Tagalog na lumahok sa protesta kontra-SONA, ibinasura