3-araw na tigil-pasada at pambansang pagkilos, ikakasa kontra jeepney phaseout

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Tatlong araw na tigil-pasada at pambansang pagkilos ang ilulunsad ng mga drayber at opereytor ng dyip sa ilalim ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper and Operator Nationwide (Piston) simula bukas, Abril 29, hanggang sa Mayo 1. Idineklara ng Piston ang pagkilos bilang tugon sa nakatakdang pag-phaseout ng rehimeng Marcos sa hindi nagkonsolidang mga Public Utility Vehicles (PUV) sa Abril 30 sa tulak ng PUV Modernization Program (PUVMP).

Sumusuporta rin sa pagkilos, kasabay ng pagggunita sa Pandaigdigang Araw ng Paggawa, ang mga unyon sa ilalim ng Kilusang Mayo Uno (KMU) at All Workers Unity (AWU). Nagpahayag na rin ng buong suporta ang grupo ng kabataan na Anakbayan. “Do or die na ito! Hindi kami papayag na mawalan ng kabuhayan ang 200,000 tsuper at operator. Hindi kami papayag na lumala ang transport crisis para sa 28.5 milyong mga komyuter,” ayon sa grupo.

Sa pahayag ng Piston noong Abril 27, araw na inianunsyo ang tigil-pasada, binigyang diin ng grupo ang pasakit at pahirap na dulot ng PUVMP. Iginiit din nila sa rehimeng Marcos na ibalik ang indibidwal na prangkisa sa mga opereytor.

Ayon kay Ruben Baylon, Deputy Secretary General ng Piston, lantad na lantad ang kapalpakan ng PUVMP dahil nagkandasira na ang mga dayuhang yunit na ikinakalakal bilang pamalit sa dyip, ibinaon pa nito ang marami sa utang. Malaon nang itinutulak ng Piston at iba pang mga grupo sa transportasyon na programang rehabilitasyon na lamang ipatupad sa halip na importasyon ng mga mini bus.

Nagsalita rin ang kinatawan ng Piston Women sa anunsyo ng tigil-pasada. Ayon kay Angelica Maranan, opereytor at asawa ng tsuper, buo ang suporta nila sa ikakasang welga. Aniya, sa pamamasada at mga dyip nakasalalay ang buhay at kabuhayan ng maraming pamilya, pati na rin edukasyon at kinabukasan ng kani-kanilang mga anak.

Ipinaabot din ni Jerome Adonis, secretary general ng KMU, ang mahigpit na suporta mula sa hanay ng manggagawa sa buong bansa. Giit niya, nasa manggagawa ang lahat ng dahilan upang sumama sa tatlong araw na welga. Malaki umano ang magiging epekto nito sa arawang kayod ng mga manggagawa laluna kung tataas ang singil sa pasahe na posibleng mangyari sa hinaharap kung mamamayagpag ang imported na “moderning dyip.”

Sa anunsyo ng Piston, inaasahang magkakaroon ng malawakang pagkilos sa mayor na mga kalsada sa National Capital Region, Central Luzon, Southern Tagalog, Bicol, at sa mga syudad ng Baguio at Cebu.

AB: 3-araw na tigil-pasada at pambansang pagkilos, ikakasa kontra jeepney phaseout