61-taong gulang na myembro ng Piston, inaresto sa Leyte
Kinundena ng Karapatan ang pag-aresto ng mga pwersa ng estado sa 61-taong gulang na si Felixberto Consad, myembro ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (Piston), sa kanyang bahay sa Sogod, Southern Leyte noong Agosto 14. Kumahaharap sa kasong pagpatay si Consad at dinala ng mga pulis sa Sogod Police Station.
Si Consad ay myembro ng balangay ng Piston sa Butuan City kung saan matagal siyang nanirahan at kumilos bilang aktibista. Naging kasapi siya ng grupo noong 2013 at natulak na umalis sa syudad at lumipat sa Leyte noong 2018 dahil sa umigting na panghaharas at pagmamanman ng mga pwersa ng estado, ayon sa Karapatan.
Asawa siya ng lider-guro at myembro ng pambansang konseho ng ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) na si Rosanilla Consad, kilala bilang Teacher Lai, na inaresto ng mga pwersa ng estado noong Marso 2021 sa Butuan City. Pinararatangan siyang sangkot sa isang ambus ng Bagong Hukbong Bayan at sinampahan ng kasong attempted homicide. Naibasura ang kaso ilang buwan makalipas dahil sa kakulangan ng ebidensya.
“Kinukundena namina ng pag-aresto kay Felix Consad, ilang taon matapos siyang mapilitang lisanin ang kanyang bayang pinagmulan matapos dumanas ng pinatinding panghaharas at red-tagging, siya at ang kanyang asawa,” pahayag ni Cristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng Karapatan. Naniniwala si Palabay na gawa-gawa ang kasong isinampa kay Consad, tulad ng kinaharap ng kanyang asawa.
Ayon kay Palabay, ang kaso ay posibleng ipinakana ng National Task Force-Elcac, ng pulis at militar, para gantihan ang kanilang pamilya matapos maibasura ang kasong isinampa laban sa kanyang asawa noong 2021. Kaugnay nito, nanawagan si Palabay sa mga korte na isalba si Consad mula sa isang malinaw na namang kaso ng panghaharas at maruming taktika ng NTF-Elcac at ibasura ang kaso laban sa kanya.