68-anyos na magsasaka, pinaslang ng 77th IB sa Abra

,

Hustisya ang sigaw ng pamilya at mga kaanak ng 68-anyos na magsasakang si Antonio Diwayan Agliwan na pinaslang ng mga sundalo ng 77th IB sa Sityo Talipugo, Barangay Buneg, Lacub, Abra noong Oktubre 13 ng hapon. Pinasinungalingan ng pamilya ang paratang ng militar na si Agliwan ay kasapi ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) na napatay nito diumano sa isang engkwentro.

Sa panayam ng Ang Bayan sa isa sa mga kaanak ng biktima, iginiit niyang isang sibilyan ang kanyang lolo at mag-isang naninirahan sa kanyang bahay sa Barangay Buneg. Dito na rin umano lumaki ang kanyang lolo at nagtrabaho. Ayon sa kanyang kaanak, ang biktima ay walang asawa at anak.

“Mabuti ang buhay niya dahil siya ay masipag na tao…marami siyang alagang baboy, manok, pato, at kalabaw,” na aniya’y kanyang ikinabubuhay. Hindi rin umano maramot ang kanyang lolo at nagpapatuloy at tumutulong sa mga lumalapit sa kanyang tahanan.

Labis ang galit ng mga kaanak sa kasinungalingang ipinakakalat ng 77th IB na isang mandirigma ng BHB si Agliwan. Ipinaskil sa social media ng isang apo ng biktima: “uulitin ko po hindi sya kasapi ng NPA!” Salaysay niya, parang isang hayop siyang pinatay ng mga sundalo. “Kitang-kita naman sa mga personal na dokumento na nagpapatunay na hindi siya kasapi ng BHB,” dagdag pa niya.

Malaon nang taktika ng militar ang pagpapalabas na napatay sa isang engkwentro ang kanilang mga sibilyang biktima para pagtakpan ang kanilang karumal-dumal na krimen. Pinalalabas pa ng mga ito na nakumpiska sa matandang biktima ang isang M16 at mga dokumento.

Kinundena ng Cordillera Human Rights Alliance (CHRA) ang krimen ng 77th IB at pahayag na engkwentro ang naganap. Anang grupo, isa itong malinaw na paglabag sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas. Nanawagan naman sila sa kinauukulang mga ahensya na kagyat na imbestigahan ang insidente.

Sa parehong barangay din naganap noong Nobyembre 2022 ang pamamaril ng mga tropang militar ng 24th IB, 71st IB at 102nd IB laban sa limang sibilyang nangangaso. Dalawa sa mga sibilyan ang naospital bunga ng natamo nilang mga sugat. Dagdag pa dito ang mapang-insultong paglapit ng mga sundalo sa pamilya ng mga sugatan para abutan sila ng tulong pinansya. Pagkaabot ng pera ay pinapirma ang mga pamilya ng mga biktima ng katibayan na hindi na sila magsasampa ng kaso laban sa militar.

AB: 68-anyos na magsasaka, pinaslang ng 77th IB sa Abra