Balita

68 mamamahayag na ang napatay sa Gaza

,

Sa huling ulat na inilabas ng Committee to Protect Journalists (CPJ) noong Disyembre 21, umaabot na sa 68 mamamahayag at manggagawa sa midya ang kabilang sa 19,000 namatay sa gaza at West Bank mula Oktubre 7. Labinlima ang naiulat na sugatan, tatlo ang nawawala at 20 ang sinabing inaresto ng mga pwersa ng Zionistang Israel.

Hindi na mabilang ang mga kaso ng pag-atake, pagbabanta, pagsensor at pag-atake sa internet laban sa kanila. Marami rin ang naitalang pagtarget sa pambobomba at pagpatay sa kanilang mga pamilya. Mas marami pang kaso ng mga mamamahayag na nabalitang pinatay, nawawala, ikinulong, sugatan, sinaktan o pinagbantaan, ang kasalukuyang iniimbestigahan ng grupo.

Ayon sa CPJ, ito na ang pinakamadugong taon para sa mga mamamahayag sa nakaraang 30 taon, at tiyak na tataas pa ang bilang. Ayon sa mga news agency na Reuters at Agence France Press, sinabi ng Israel na “walang garantiya” na “hindi tatargetin” ng mga atake nito ang mga mamamahayag. Labag ito sa internasyunal na batas na nagsasaad na protektadong mga indibidwal ang mga mamamahayag at dapat na hindi sila ginagawang target at tinitiyak ang kanilang kaligtasan sa lahat ng panahon sa mga lugar na may armadong tunggalian.

Liban sa direktang pang-aatake, kinakaharap ng mga mamamahayag na nasa Gaza ang mga putul-putol na komunikasyon (dulot ng sadyang pambobomba ng Israel sa lahat ng batayang imprastruktura, kabilang sa telekomunikasyon), kakulangan ng pagkain at iba pang pangangailangan, at madalas na pagkawala ng kuryente.

“Idiniin ng CPJ na mga sibilyan ang mga mamamahayag na gumagampan ng importanteng tungkulin sa pahanon ng krisis, at na hindi sila dapat gawing target na anumang magkatunggaling partido,” ayon sa CPJ.

AB: 68 mamamahayag na ang napatay sa Gaza